1. MinsansaBuhay
Ni: Reina Antonette, BSED 4B
Dito sa mundo nang ika’y iluwal
Tuwa ng magulang mo ay di magkamayaw
Sa pagtimpla ng gatas kanilang pinag-aagawan
Maging sa pagpalit ng lampin ika’y pinagtutulungan
Sa mga pagkakataong ika’y umiiyak
Inaalo ka, di munti ang galak
Isinasayaw- sayaw pa habang yakap-yakap
Ulo’t buhok mo’y hinahplos nang walang likat
Sa mga insekto’y di ka mapadapuan
Binabantayan ka nang halos magdamagan
Sa saliw ng gabi’y kinakantahan
Ni sandali man ay di ka iniwan.
Lumipas ang taon, at ika’y lumaki na
Natutong gumapang, tumakbo at madapa
Hindi ka hinayaang magkagalos ni gapita
Alaga’t pagmamahal sa iyo’y ipinadama.
Ngunit anong lungkot ng iyong iginanti
Sa katigasan ng ulo ay wala kang pasubali
Natutong sumuway nang walang pagkasi
Sarili mo’y sa kasinungalingan ay itinali.
Paghihirap nila’y iyong ipinagwalang bahala
Ni mag-aral ng mabuti ay di mo ginawa
Maibalik man lang sana kanilang pagod at dalita
Ngunit sa pakiusap nila, ika’y nagbingi-bingihan pa nga.
Gaya ng palasak, ika’y naligaw ng landas
Mundo mo’y gumuho, nalulong sa bisyo’t alak
Tuluyan ng nalayo sa tamis ng pangarap
At lalo pang nalugmok sa kumunoy nang hirap
Ngunit sa iyong pagkaligaw sa gitna ng gubat
Mga sinisintang magulang ang una mong hinanap
Kusang tinalikdan ang mga tuksong gumanyak
At humakbang pabalik sa kanilang paglingap
Marahil ay ganito nga ang sayaw ng buhay
Kailangan munang madapa bago matauhan
May mga pagsubok na dapat munang malampasan
Upang matanto ang mga pagkukulang at kamalian.