TODOS LOS SANTOS (Noli Me Tangere Kabanata 12).pptx
KARUNUNGAN
1. KARUNUNGAN
Ni: Reina Antonette, BSED 4B
Buhat sa direksyong sinisikatan ng araw
Sumabog ang liwanag, taglay ang kaalaman
Kaalamang binhi na inihatid sa kanluran
At doon itinanim, pinagyama’t inalagaan
Mula sa munting binhing itinanim sa utak
Unti- unting umusbong, nagdaho’t namulaklak
Paglipas ng panahon sa bawat tubig- patak
Nalinang, umunlad, naging karunungang ganap
Karunungan! Karunungan! Higit pa sa kayamanan
Bawat pantig nito’y higit sa kapangyarihan
Natatarok, napupunan bawat pangangailangan
Isang mabisang lunas sa hibla ng kamangmangan
Pagkat karununga’y di basta nakakamtan
Ibayong sikap ang dito’y kailangan
Tulad ng pagpapalaki ng isang halaman
Upang mamulaklak, nararapat pahalagahan
Pagkat sa marunong, walang magtatangka
Mahirap man sa turing, di mapadadapa
Pagkat mas malakas ang hawak na sandata
Kailanma’y di malililo o kaya’y masisila
Lamang ang may alam, kasabiha’y palasak na
Katotohanan dito’y di nga maikakaila pa
Pera’y walang halaga kung ang utak ay biya
Pagkat ang marunong, mas maraming nagagawa
Pagkat sa may alam, kulang ang sapat
Natutukoy ang sagot mula dulo hanggang ugat
Maging mga tanong sa kailaliman ng dagat
Nasasagot ng matwid, naliliwanagang lahat
Ang karununga’y daan din sa pag-unlad
Bukod sa sipag, puhunan ding tulad
Itong kaalamang sa isipan ay nakalimbag
Susing matibay sa magandang gawang palad
‘Di nga maitatatwang karunungan nga’y mahalaga
Higit pa sa tronong ginto, ngunit di nawawala
Walang makapagnanakaw, sinuman ang magnasa
Tila baga sa langit, bituin ang kapara
Tulad ng bituing kapiling ng araw
Doon sa langit, sa umaga’y di man tanaw
Ngunit kailanma’y nakaukit na sa buhay
Tanang kahulugan ng karunungang taglay.