1. Filipino 9
Unang Markahan
Aralin 1.2- Nobela
Mga Kasanayan sa Pagkatuto:
Nauuri ang mga tiyak na bahagi sa akda na nagpapakita ng katotohanan, kabutihan at kagandahan
batay sa napakinggang bahagi ng nobela
Nasusuri ang tunggaliang tao vs. sarili sa binasang nobela
Nabibigyan ng sariling interpretasyon ang mga pahiwatig na ginamit sa akda
Nasusuri ang pinanood na teleseryeng Asyano batay sa itinakdang pamantayan
Naisusulat ang isang pangyayari na nagpapakita ng tunggaliang tao vs. sarili
Nagagamit ang mga pahayag na ginagagamit sa pagbibigay-opinyon (sa tingin / akala / pahayag / ko,
iba pa)
A. Panitikan: Maganda Pa ang Daigdig
Kabanata 13, “Walang Sala” ni Lazaro Francisco
Nobela- Timog Silangang Asya
B. Gramatika: Pahayag na Nagbibigay ng Katuwiran o Opinyon
Ang Timog Silangang Asya ay isang subrehiyon ng kontinenteng Asya, na binubuo ng mga bansang
heograpikal nasa timog ng Tsina, silangan ng Indiya, kanluran ng Bagong Guinea at hilaga ng Australya.
Ang klima sa rehiyong ito ay karaniwang tropikal, mainit at mahalumigmig sa loob ng isang buong taon.
Ang Timog Silangang Asya ay binubuo ng dalawang rehiyong heograpikal: Ang kalupaang Asyano, at ang
mga arkong pulo at mga kapuluan sa silangan at timog silangan. Ang mga bansang nasa kalupaang
Asyano ay kinabibilangan ng Cambodia, Laos, Myanmar, Thailand, at ang Vietnam; ang populasyon ay
pangunahing binubuo ng mga Tibeto-Burmano, mga Tai, at mga Austroasiatiko; ang pinakamalaking
relihiyon ay Budismo, na sinundan ng Islam, at Kristiyanismo. Ang mga bansang nasa karagatan ay
binubuo ng Brunei, Silangang Timor, [1], Indonesia, Malaysia, Pilipinas, at ang Singapore. Ang ibang
paglalarawan sa rehiyon ay sinasama ang Taiwan sa hilaga. Ang mga Austronesiano ang dominante sa
rehiyon; ang pangunahing relihiyon ay Islam, na sinundan ng Kristiyanismo.
Sa Araling ito, mababasa natin ang isang halimbawa ng nobela na “Maganda Pa ang Daigdig
Kabanata 13, “Walang Sala” ni Lazaro Francisco. Ito ay isang nobelang humanismo na nagpapakita ng
pagiging marangal ng isang tauhan.
Matatalakay din ang mga pahayag na nagbibigay ng pangangatwiran o opinyon na ang mga
pangyayari ay nasa akdang babasahin.
Sa pagtatapos ng modyul na ito, ay inaasahan na makalilikha ka ng isang synopsis ng nobela na
may kaugnayan sa binasang nobela.
Maghanda ka na para sa malaman at masayang paglalakbay sa mundo ng nobela.
Aralin 1.2
Panimula
2. GAWAIN 1. #Pamagat, Isulat sa Pabalat
Magbigay ng pamagat ng limang nobelang iyong nabasa na mula sa ibang bansa o sa
Pilipinas. Gumuhit ng limang aklat sa iyong sagutang papel. Isulat dito ang pamagat ng nobela.
GAWAIN 2. #HinuhaKonek
Magbigay ng iyong hinuha kung bakit ganito ang pamagat ng akda. Isulat sa iyong sagutang
papel ang sagot.
Basahin at unawain ang nobela
Maganda Pa ang Daigdig
Kabanata 13
“Wala Akong Sala”
ni Lazaro Francisco
Napansin kaagad ni Miss Sanchez ang kakatwang kilos at alingasngas ng kaniyang
mga kanayon laban kina Kabo Lontoc na ibinunga ng bintang ni Aling Ambrosia na
benggansa lamang ang dahilan ng pagdakip kay Lino. Upang maagap na maapula ang
anumang maaaring mangyari ay iginala ng dalaga ang kaniyang paningin sa karamihan at
mabanayad na nagsalita.
“Mga kanayon!” ani ni Miss Sanchez. “Huwag sana nating malimot na sina Kabo
Lontoc ay napag-uutusan lamang! Tumutupad lamang sila sa kanilang tungkulin! Batas at
bayan ang kanilang panginoon, at tayo’y bahagi ng bayang pinaglilingkuran nila!”
Sa ilang katagang iyon ng punung-guro, ang may maiinit na ulo sa kanilang paligid
ay para namang nasubhang bigla ng malamig na tubig. Ang mga umirap sa kabo ay
tumahimik na at ngumiti pa ang ilan.
“Ito pa, Miss Sanchez,” himig pasintabing wika ni Kabo Lontoc, “ang isa sa
Tuklasin
Maganda Pa ang Daigdig
Linangin
3. malulungkot na tungkulin namin! Nguni’t kung hindi namin tutupdin ito ay bababa ang
tingin sa amin ng bayan at baka wikain pang alangan kami sa aming uniporme!”
Tumangu-tango si Miss Sanchez, nguni’t hindi nagsalita.
“Ipinakikiusap ko sana sa kanila, Miss Sanzhez,” pakli naman ni Villas na tinukoy
sina kabo Lontoc, “na, yayamang hindi pa naman gaanong tiwasay ang panahon, at
yayamang marami pa rin naman ang nakikita nating nagkalt doon at dito na nakagawa ng
lalong malulubhang paglabag sa batas nguni’y ni di pa man lamang yata kamalak-malak na
isakdal at hulihin kung kaya nakapanunungkulan pa ang iba at ang iba nama’y patuloy na
nakapamamayagpag sa gitna ng bayan, ay maano sanang ipagwalambahala na muna nila
ang pagdakip na ito kay Lino at maging parang balato na nila sa atin ang kanilang
pagpapaumanhin, na anupa’t palabasin na lamang na hindi nila natagpuan si Lino dito saan
man. Nasabi ko pa nga na kung kailangan lamang na palayuin na muna rito ang mag-amang
Lino ay hindi maliwag na magawa natin iyon, huwag na lamang sanag dakpin ngayon dito
ang ama, alang-alang sa kabutu-butong anak na musmos pa’t walang sinomang maaaring
sulingan kahit na isang malayo nang kamag-anak!”
Malungkot na yumuko si Miss Sanchez at nagpatuloy sa di rin pagkibo.
“E… ano ang sagot sa inyo, Mr. Villas?” tanong ni Miss Lavadia.
“Tama rin naman ang isinagot nila sa ‘kin,” ang patuloy na salaysay ni Villas na
naging tugon na rin sa tanong ni Miss Lavadia. “Kung magkakagayon daw ay kailan pa kaya
masisimulan ang pagpapatupad sa mga batas sa kapakanan ng kapayapaan at kaayusan?”
“Saka,” sudlong ni Kabo Lontoc, “ kung hindi man kami ay marami pa rin namang
ibang mauutusang dumakip sa dinarakip namin at baka, kung inaalat, maging dalus-dalos
pa sa pakikitungo sa inyo at sa dinarakip!” Luminga-linga ang kabo at tumanaw sa mga
kasamang kawal, saka hinarap si Villas. “Gagabihin kami, Mr. Villas!”
“Sandali lamang, Kabo Lontoc,” Hadlang ni Miss Sanchez. “Maaari bang bigyan ninyo
kami ng kaunting panahong makausap muna namin si Mang Lino?”
“Aba, opo, Miss Sanchez,” payag kaagad ng kabo. “Kausapin na ninyo. Hindi kami
maiinip.”
“Salamat,” tanging nasabi ni Miss Sanchez na tumalikod na upang lumapit sa mag-
amang Lino.
Saglit munang tinaya ni Miss Sanchez ang anyo ng pag-uusap ng mag-ama. Ibig sana
niyang igalang ang mga huling maseselang sandaling yaon ng kanilang pag-uusap. Nguni’t
maikli na ang panahon. Kaya nga, napilitan nang lumapit ang dalaga na naging maingat
naman at marahan. Sinundan siya ni Miss Lavadia at ni Aling Ambrosia.
Buung-buo manding nakapako naman yata ang isip ni Lino sa mga bagay na sinasabi
at itinatagubilin sa anak kung kaya nakalapit at sukat sina Miss Sanchez sa may likuran ng
takayad nang di niya napansin, gayong manipis at butas-butas na ang dingding ng takayad.
Patuloy si Lino sa banayad na pagsasalita at sa tinig na malinaw, marahan, at walang
pangamba.
“Muli’t muling sinasabi ko sa iyo, Ernesto, na tibayan mo sana ang loob mo,” anang
tinig ni Lino na halos nanuot sa kaluluwa ni Miss Sanchez at ng dalawang kasama. “Mag-
aral kang magpakalalaki, kahiman bata ka pa. Itanim mo sa puso mo na wala akong sala,
pagka’t iyan ang totoo. Umasa kang magbabalik ako, pagka’t may katarungan pa naman sa
puso ng tao, marahil. At ..
4. kung wala man, umasa ka ring magbabalik ako Ernesto. Hahanapin kita saanman, anoman
ang mangyari, gaya rin ng ginawa kong paghahanap sa iyo noong sanggol ka pa. Hindi pa
nasira ang anomang sinabi ko sa iyo, Ernesto, hindi ba?”
Tumigil sandali si Lino sa pagsasalita. Si Miss Sanchez, gaya rin nina Miss Lavadia at
Aling Ambrosia, ay patuloy sa matahimik na pagkakayuko habang nakikinig. Isa man sa
kanila ay walang nangahas na sumilip man lamang sa anyo ng mukha ni Ernesto.
“Wala akong mapaghahabilinan sa iyo kundi kay Aling Ambrosia,” patuloy ni Lino sa
tinig na nabasag nang bahagya. “Magpapabait ka. Mag-aral kang makisama sa kanila, at sa
lahat ng tao. Maging magalang ka at matapat na lagi. Huwag kang hihiwalay sa nalalaman
mong mabuti, kahit ka mamatay. Naniniwala akong may langit at impiyerno sa kabilang
buhay. Nguni’t gumawa ka ng mabuti, hindi sapagka’t may langit kundi sapagka’t mabuti
ang mabuti. Huwag kang gagawa ng masama, hindi sapagka’t may impiyerno, kundi
sapagka’y masama ang masama. Iyan lamang ang nakikilala kong landas para sa mga taong
may dangal at may kahihiyan!”
Pamuling tumigil si Lino sa pagsasalita. Mabilis na tumatakas ang oras at ibig niyang
makimis ang lahat ng dapat ang sabihin. Mapapansing dinampi-dampian ni Miss Sanchez ng
panyo ang kaniyang mga mata. Nagpatuloy si Lino sa pagsasalita.
“Huwag kang mawawalan ng pananalig sa Diyos, Ernesto! Iyan lamang, sa mga
bagay na dati kong pinaniniwalaan, ang tanging di ko ibig na mawala pa sa akin. Sa Kaniya
mo hihingin ang lahat ng iyong ibig. Sa Kaniya mo idadaing ang mga sakit ng loob mo. Sa
Kaniya ka hihingi ng lunas kung ikaw ay may karamdaman. Sa Kaniya ka tatawagkapag
nawawalan ka ng pag-asa. Sa Kaniya ka dudulog kung nakararamdam ng pangungulila ang
puso mo sa isang magulang o sa isang kamag-anak o sa isang kaibigan!”
Muli pa na namang huminto si Lino sa pagsasalita. Suminghot si Miss Sanchez at tila
panabay na humikbi sina Miss Lavadia at Aling Ambrosia, ngunit hindi pa rin sila napansin
ng mag-ama.
“Gaano kaya katibay ang puso mo, Ernesto?” ang tanong ni Lino at masusing
minasdan ang mukha ng anak. “Kung hulihin na ako ilakad, maipangangako mo sa akin,
Ernesto na di ka iiyak? Maipangangako mo ba ‘yan sa akin, anak ko?”
Noon pa lamang napilitan nang silipin at masdan ni Miss Sanchez ang mukha ni
Ernesto. Nakita niyang kumurap-kurap ang bata sa pagkatingalang nakatitig sa mukha ng
ama; makalawang Iumunok; kumurap-kurap na muling tila nahihilam; kuminig-kinig ang
mga labi, at humikbi-hikbi sa pagpipigil manding huwag siyang mapasigaw. Nguni’t
namalisbis lamang ang luha sa kaniyang mga pisngi at di nakapangako.
“Ernesto!” ang malungkot na tawag ni Lino. “Mapait man sa loob ko’y tikis na
sinanay kita sa hirap para magkaroon ka ng matibay na puso at matatag na loob. Bakit ka
lumuluha? Sa pagkakasala lamang, sa pagkabulid lamang ng masama, nararapat malaglag
ang luha ng isang tunay na lalaki. Hindi sa gaano man kalaking kasawian at mga kaapihan!”
Mabilis na pinahid ni Ernesto ng kaliwa niyang bisig ang luha sa kaniyang mga mata,
at muling panatag na iniharap ang mukha sa nahahambal na ama. Si Aling Ambrosia ay
napilitang tumalikod. Tumagilid lamang si Miss Lavadia na tila di na makagalaw. Isinubsob
naman ni Miss Sanchez ang kaniyang mukha sa dalawang palad at tikis na hindi kumilos.
Kailangang igalang ang maseselang mga sandali yaon sa mag-ama.
“May isang tanging alaala na iiwan ko sa iyo, Ernesto,” aniyang muli ni Lino sa tinig
ng isang tahasan nang pamamaalam. “Ito’y alaalang bigay sa akin ng iyong ina! Sa
pakikilaban sa Bataan; sa pagkapiit sa Kapas; sa pamumundok namin bilang mga gerilya; sa
5. malaong pakikipagsapalaran natin sa Maynila hanggang sa mga sandaling ito, ang alaalang
ito’y hindi nawalay sa katawan ko saglit man!” Dinukot ni Lino sa kaniyang lukbutan ang
isang kalupi at inilabas mula sa isang tanging pitak nito ang isang munti at manipis na
krusipihong aluminyo na may nakapakong larawan ng Kristo. “Ingatan mo ito at
pakamahalin alang-alang sa nakalarawa, sa iyong ina, at sa akin!” Hinagkan muna ni Lino
ang krusipiho bago hinawakan ang kamay ng anak at inilagay iyon sa lahad na palad.
“Maraming pagkakataong iniligtas ako nito sa panganib. Gayon ang naging paniniwala ko,
Ernesto. Di mamakailang sa gitna ng malulupit na pangangailangan natin sa Maynila ay
dinalanginan ko iyan at ako’y dininig. Naging mabisang tulay iyan ng mga dalangin ko sa
Diyos!” Binitiwan na ni Lino ang kamay ng anak.
“Itay!” tawag ni Ernesto sa kumikinig na tinig at di itinikom ang palad
na kinasasalalayan ng krusipiho. “Ayokong kunin ito sa iyo! Ibig kong makaligtas ka, Itay!
Ayoko, ayoko, Itay!”
“Ernesto!” ang tawag ng ama sa di-natitigati na tinig. “Ikaw ang laong
mangangailangan niyan! Higit na mahaba ang panahong tatahakin mo pa sa buhay, anak ko!
Alanganin nang lubha ang haba at kulay ng mga araw sa aking harapan!”
Pag buhay ka lamang, Itay, hindi ako maaano, hindi ako matatakot! Oo, Itay! Maski
hindi na ako kumain, Itay!”
“Ernesto!” ang mairog na tawag ng ama. “Hindi mo pa nauunawaan ang hiwaga ng
buhay! Sundin mo ang sinasabi ko sa iyo. Ingatan mo at pakamahalin ang alaalang iyan ng
iyong ina!”
“Itaaay!” tutol pa rin ni Ernesto.
“Ipinakikiusap ko sa iyo, anak ko!”
Hindi na nakatutol si ernesto. Dahan-dahang iniunat ang naginginig na mga daliri;
inilahad ang palad at pinakatitigan ang krusipiho na sa mga mata’y nunukal ang luha; at, sa
simbuyo mandin ng di mapaglabanang hinagpis, isinubsob ng bata ang kaniyang mukha sa
krusiho at pasigaw na aniya:
“Diyos ko po! Si Itay ko po!”
Tahasan nang umiyak si Miss Lavadia. Humagulgol si Aling ambrosia. Si Miss
Sanchez ay pasugod na lumapit kay Ernesto at niyakap ito, saka basa ng luha ang mga
matang humarap kay Lino.
“Miss Sanchez!” ang magalang na bati ni Lino bago nakapagsalita ang dalaga. “Tila
kayo anghel na nakikita namin kapag may dalita!”
“Mang Lino!” tawag ni Miss sanchez sa tinig na tigib ng panggigipuspos. “Mang
Lino!” ang pamuling tawag. “Hindi ko kailangang malaman kung bakit kayo hinuhuli!
Nguni'’ ibig kong ipakiusap sa inyo, kung may tiwala kayo sa akin, na sa akin na sana
maihahabilin si ernesto!”
“A! Nasa gipit na katayuan kami, Miss Sanchez,” ang marahang tugon ni Lino. “Isang
kapalaluang tanggihan ko ang isang matapat na pagkakawanggawa! Opo, Miss Sanchez!
Inihahabilin ko siya sa inyo. Maging sa anomang kalagayan siya maturing ay tatanawain
kong utang-na-loob sa buong buhay ko!”
“Aariin ko siyang akin, Mang Lino! Pagpapalain ko! Papag-aaralin ko! Magiging
kapatid siya ni Erni, na isa ring ulila. Sisikapin kong matanim sa puso at isip niya ang mga
6. aral na aking narinig. Buung-buo na makukuha ninyo siya sa akin sa anomang sandali na
maibigan ninyo!”
“Salamat, Miss sanchez! Hindi ko kayo malilimot kailanman. Magiging panata ko,
mula ngayon, ang pagsisikap na makaganting-loob sa inyo. Nguni’t iiwan ko sa inyo ang
isang kataga, na isinasamo kong paniwalaan sana ninyo!”
“Opo! Sabihin ninyo, Mang Lino!”
“Wala nang panahong maisalaysay ko pa ang mga tunay na nangyari,” ani ni Lino.
“Balang araw ay malalaman din ninyo kaypala ang lahat ay lahat. Ngayo’y wala akong
tanging sasabihin sa inyo, Miss Sanchez, kundi ‘Wala akong Sala’!”
“Naniniwala ako sa inyo, Mang Lino,” ang madaling tugon ni Miss Sanchez at bigay
na bigay na tumitig sa kausap.
“Anoman ang mangyari; anoman ang kahantungan; at, anoman ang sabihin ng mga
tao, ay naniniwala ako ngayon pa, at maniniwala ako kailanman, na wala nga kayong sala,
Mang Lino, pagka’t gayon ang sinabi ninyo sa akin! Hindi iyan lamang. Idadalangin namin
ang iyong kaligtasan. Pumanatag kayo, at huwag ninyong alalahanin si Ernesto.”
“Miss Sanchez! Hindi ko malirip kung paanong naging marapat ang kaliitan namin sa
inyong pagtingin. Gayonma’y paniwalaan ninyong buhay ko man ibibigay nang dahil sa
inyo!”
Bago nakapagsalita ng anoman si Miss Sanchez, si Lino ay mabilis na yumukod at
humalik sa dahon ng pamaypay na anahaw na nakabitin sa kamay ng dalaga. Napayuko si
Miss Sanchez at nagbuntunghininga.
“Ernesto!” ang malungkot na tawag ni Lino sa kaniyang anak. “Maiiwan kita kay Miss
Sanchez. Magpapakabait ka at maging masunurin. Babalik ako sa iyo, anak ko!”
Pasugod na yumakap si Ernesto sa kaniyang ama na tilla di makapangusap. Niyakap
siya nang buong higpit ni Lino at hinagkan nang hinagkan.
Sa-lalapit na noon si Kabo Lontoc at si Estanislao Villas. Kasunod nila ang isang
maalikabok na jeep na pinalalakad ng isa sa tatlong kawal na lulan. Sa hudyat ng kabo, isa
sa mga kawal ang bumaba at naglabas ng esposas.
“Utang-na-loob, Kabo Lontoc,” ani Miss Sanchez at lumapit sa kabo, “huwag ninyo
silang kabitan ng esposas. Sinasagutan ko sa inyo na hindi sila tatakas!”
“Kasama akong mananagot, Kabo!” susog naman ni Villas.
“Kami man, sagut din!” ang halos sabay-sabay na pakli naman ng marami.
“Kung may balak man lamang na magtago ‘yan, hindi rito sa Pinyahan titira ‘yan
nang lantaran!” ang palabi at patalilis na wika ng isang matandang babaing may
pandudurang nagluwa sa sapa. “Puwe!”
“Marangal na tao ‘yan, kahit na ganyan lang sa tingin! Sabad ng isang matandang
lalaki na umingus-ingos.
“Bakit ba di magtago, kundangan, gayon pala’t dapat sagutin?” sumbat ng isa pang
matandang lalaki. Di kaya nakikitang ‘yun lang hindi nagtatago ang siyang dinadakip?”
7. “E, kung gayon,” ani ni Kabo Lontoc, matapos mag-isip sandali. “”Private Gorospe!”
baling sa may hawak na galang. “Ibulsa mo na lang ‘yang bastus na posas na ‘yan! Hindi
kailangan ‘yan,” aniya pa at binalingan si Lino.”Paano, kaibigan?”
“Sasama ako sa inyo,” ani ni Lino na malungkot nguni’t payapang humarap sa
marami. “Kung minsa’y kailangan din pala ang isang kasawian para maunawa ng tao na
may halaga pa siya sa kaniyang kapwa! Salamat sa inyong lahat! Sa mga utang-na-loob
namin sa inyo,” aniya pa at malungkot na tumingin kay Ernesto, “ ay iiwan kong sangla sa
inyo ang aking anak!”
Pinagkabilaang akbayan ni Miss Sanchez at Miss Lavadia si Ernesto. Walang kaimik-
imik na nakatitig ang bata sa mukha ng kaniyang ama.
Sa malakas na pag-alon ng dibdib ng bata, sa mahigpit na pagkakatikom ng kaniyang
mga labi at sa mga matang itinititig na pilit bagaman labis na nahihilam ay dagling
masisinag ang malaking nais na makapag-anyong matibay sa paningin ng kaniyang ama sa
kabila ng matinding simbuyo ng hapis.
Malayo na ang sasakyang nilulunan ni Lino ay nasa gayong anyo pa rin si Ernsto.
Walang kurap na nakatitig sa malayo. Tila walang nakikitang anoman sa natatanaw. Parang
walang nararamdaman, ni naririnig, sa kaniyang paligid. Waring nasaid ang luha sa tindi ng
dusang kumuyom sa dibdib.
“Ernesto!” ang nahahambal na tawag ni Miss Sanchez sa pagkakatitig sa mukha ng
bata. “Bayaan mong malaglag ang mga luha mo! Sulong umiyak ka! Makagiginhawa ‘yan sa
dibdib mo!”
“Siyanga, Ernesto!” tigib-lunos na udyok ni Miss Lavadia.
Tiningala ni Ernesto si Miss Sanchez at si Miss Lavadia. Nakita ng dalawa na may
namuong luha sa mga mata ng bata, na biglang yumuko at humikbi-hikbing halos
mapugtuan ng hininga.
“Ernesto!” ang masuyong tawag ni Miss Sanchez sa umiiyak na tinig. “Tibayan mo
ang loob mo! Talagang ganyan ang buhay! Maraming pagsubok! Maraming pagtitiis! Nguni’t
umasa kang hindi ka pababayaan! Ituturing kitang tunay na akin, Ernesto!”
“Ang Itay ko,” ang pahikbing wika ni Ernesto sa tinig na tigib ng masaklap na
hinanakit, “panay siyang hirap… panay siyang pagtitiis!”
“Umasa kang liligay rin siya, Ernesto!” ang mahambal na alo ni Miss Ernesto. “Gaya
rin ng araw: may dilim at may liwanag ang buhay! … Tena na Ernesto!” yaya na ng dalaga at
masuyong inakbayang muli ang bata. “Aling Ambrosia!” baling na tawag sa labandera.
“Lalakad na kami. Kung may anoman sina Ernesto na dapat dalhin sa amin ay kayo na sana
ang bahala!”
“Opo, Miss Sanchez!” anang labandera. Ako na ang bahala! Isama na ninyo siya!”
Isang tinging balot ng magkakalangkap na lungkot, habag at paghanga ng naiwang
kanayon ang pumatnubay sa paglakad nina Miss Sanchez, Miss Lavadia, at Ernesto.
“Kaawa-awang bata!” ang sagut-sagutang wika ng marami. “Magandang lalaki, at
mabait!” anang ilan.
“Talagang pambihirang babae ‘yang si Miss Sanchez,” anang isang matandang lalaki
naman. “Mabuti na lamang at sa kaniya nahabilin ang bata!”
8. “Ba! Mang Islaw!” tawag ng isang babae na nakapansing naroon pa si Estanislao
Villas. “Paano ba? Hindi ba kikilos ang ating kapisanan?”
“Iyan din nga ang iniisip ko,” ang tugon ni Villas.”
Gawain 3. #Paglinang ng Talasalitaan
Hanapin sa kahon ang mga salitang magkatulad ang kahulugan. Isulat sa patlang sa ibaba
ang iyong sagot.
1. ___________________________ ______________________________
2. ___________________________ ______________________________
3. ___________________________ ______________________________
4. ___________________________ ______________________________
5. ___________________________ ______________________________
Gawain 4. #Suriin Natin
A. Pangnilalaman
1. Isalaysay ang kabanata sa pamamagitan ng Habi ng mga Pangyayari.
2. Ano sa iyong palagay ang kasalanan ni Mang Lino?
3. Isalaysay ang paraan ng pagdakip kay Mang Lino.
4. Sa iyong palagay, anong klaseng ama si Mang Lino?
5. Paano nagtapos ang kabanata?
tibayan sakay malirip
lulan nasaid
tiwasay maisip naubos
panatag tatagan
Mahalagang
Pangyayari
sa Akda
G
F
E
D
C
H
A
B
9. B. Pagsusuring Pampanitikan
1. Paano ipinakilala ng may akda ang mga pangunahin tauhan?
2. Angkop baa ng tagpuan sa akda? Bakit?
3. Makatotohanan ba ang mga pangyayari sa akda? Magbigay ng mga sitwasyon sa
tunay na buhay. Isulat sa tsar tang sagot.
Gawain 5.#TaoVsSarili
Pumili ng tatlong tauhan sa akdang binasa. Ipakita sa tulong ng graphic organizer ang tunggalian
laban sa sarili na kinaharap ng tauhang napili.
Pangyayari sa akda Sitwasyon sa Tunay na Buhay
1. 1.
2. 2.
3. 3.
Tunggalian
Tao laban sa Sarili
Tauhan
A
Tauhan
B
Tauhan
C
Bahagi ng
akda
Bahagi ng
akda
Bahagi ng
akda
10. Alam mo ba?
Basahin at unawain ang isang halimbawa ng nobela.
Mga Katulong sa Bahay
ni Vei Trong Phung
Salin sa Filipino ni Florentino A. Iniego
(Mula sa Vietnam)
Kabanata 6
Ang Liwanag ng Kalunsuran
Nang sumunod na gabi, bumalik ako sa bahaykainan. Sa oras na ito, sa halip na sabihing umakyat
ako sa kuwarto sa itaas na dati kong tinutulugan, binulyawan nila ako. Ako raw ay isang bugaw, at ang
matandang babaeng nagdala ng mga katulong ay di na nagbalik upang bayaran ang aking upa sa
pagtulog.
Ngunit masuwerte pa nga raw ako ngayo’t pinayagang muling matulog dito sa tinatawag nilang lagusan,
at pababalikin nila ang matandang babae upang magbayad ng upa.
Hindi na ako nakipagtalo sa kanila.
Tumuloy lang akong parang walang narinig. Nakatungo ang ulo at mabilis na dumaan sa kusina at
humantong sa patio na tinatawag nilang “lagusan.” Buti na lang, hindi ako nag-iisa. Higit sa sampung tao
ang naroon. Nakahiga at nakaupo sa banig na nakalatag sa malalapad na tabla habang natatanglawan ng
liwanag ng buwan. Tila tambakan ng tabla ng mga kahoy ang patio ng bahaykainang ito.
Nobela at Uri ng Tunggalian
Ang nobela ay uri ng tuluyan na nagsasalaysay ng mga pangyayaring nagaganap sa
aktuwal na buhay ng tao ayon sa kaniyang karanasan. Itinuturing itong makulay, mayaman at
makabuluhang panitikan. Binubuo ito ng maraming kawing-kawing na mga pangyayari na
pumupukaw sa damdamin at kamalayan ng mga mambabasa.
Katulad sa maikling kuwento, ang pangunahing tauhan ay inihaharap sa isang mahalagang
suliranin na kailangan niyang lutasin. Dito papasok ang pagsasalungat ng mga kaisipan,
paglalaban o pakikipagtunggali sa kaniyang kapuwa, sarili, lipunan at kalikasan. Tinatawag
itong tunggalian (conflict).
Ang kasawian ng tauhan ay gawa ng kaniyang kapwa, maaring pisikal o pagsasalungatan
ng mga kaisipan.
Ang tauhan ay nahaharap sa isang sitwasyong nangangailangan ng pagtitimbang-
timbang ng mga pangyayari bago magpasya.
Pakikipaglaban sa mga puwersa ng kalikasan tulad ng mga kalamidad.
Pakikibaka sa mga nagaganap sa lipunan o mga suliraning nagaganap.
Uri ng Tunggalian
1. Pisikal – tao laban sa mga elemento at puwersa ng kalikasan
2. Panlipunan – tao laban sa kapwa tao
3. Sikolohikal – tao laban sa kanyang sarili. Masasalamin dito ang dalawang magkaibang
paghahangad o pananaw ng iisang tao.
11. Walang maaninag na kariktan sa lugar na ito. Makikita sa paligid ang marumi, mataas, manipis na
dingding, at bubungang nanlilimahid sa kaitiman. Sa kanang bahagi ay naroon ang kulungan ng manok, sa
harap ay ang baradong kanal at ang alingasaw ng di-umaagos nitong pusali; sa kaliwa ay isang kubetang
bukas para sa publiko. Nalungkot ako sa liwanag ng buwan.
Nang tumabi ako sa mga taong naroon, nakita ko ang tatlong batang nakasama kong matulog sa
kuwarto sa itaas dalawang gabi ang nakalipas. Di man lang mabanaag ang kalungkutan o pag-aalala sa
musmos nilang mga mukha. Samantala, napakamiserable ng hitsura ng iba, sa damit pa lang nila’y sapat
nang masaksihan ang paghihirap na kanilang dinaranas sa tanang buhay.
May isang kalbong napakaputla ng mukha. Ngunit dahil sa kabataan tila normal siyang
pagmasdan, at tingin ko’y kalalabas lang niya ng ospital o bilangguan. Nakaupo siyang dinidilaan ang
isang pirasong papel na nababahiran ng itim na sangkap. Noong una’y di ko alam ang kaniyang ginagawa,
‘yun pala hinihimod niya ang tira-tirang opyo.Ang isa nama’y may napakahabang leeg at may nakatapal
na tatlo hanggang apat na gamut na plaster dito. Nakaupo siya at nakatingala, tulad ng isang astrologo na
nagmamasid sa mga bituin. Ang ikatlong bata ay maingay na nagkakamot, at habang umuupo siya’y
umuubo at dumudura. May isang matandang babae na maayos ang kasuotan ngunit walang kibo’t
buhaghag ang pagmumukha. Nakaupo siyang hawak ang isang pamaypay na yari sa hiyas na kawayan na
ipinapaypay sa mukha ng iba pa na tila kaniyang mga anak. Ang anim pang iba, na nakasuot ng gusgusing
damit ng magsasaka, ay mahimbing na natutulog.
Di man lang ako pansinin ng sinuman sa kanila nang mahiga ako sa banig. Sigurado akong wala
silang kapera-pera kaya nga’t dito sila nakatulog gayundin, tulad ng kanilang bulsa, wala ring laman ang
kanilang tiyan. Samantala, ninais nilang tumigil dito, hindi dahil sa mabait ang may-ari ng bahay, kundi
dahil puwede silang makalabas upang mamalimos at makabalik upang bumili ng pagkaing inihanda ng
may-ari. At kung mayroon man silang nakulimbat, tiyak nakahanda ring bilhin ito ng may-ari. Hindi dahil
sa nais ng may-ari na biglang gawing bahay ng kawanggawa ang kaniyang tahanan.
Sa kanilang hitsura ng pananamit, ang labintatlong ito ay hindi taga-siyudad. Galing sila sa
probinsiya dahil wala silang mahanap na trabaho roon upang makakain nang dalawang beses sa isang
araw. Sinisilaw at sinusuhulan sila ng siyudad. Nang umalis sila sa probinsiya, hindi nila alam na ito ang
kanilang kahihinatnan. Tiwalang makakakita ng trabahong maipagmamalaki nila. Ibinilad ang kanilang
mga sarili sa araw at sinuong ang ulan habang namamalimos ng pera o isang takal ng bigas bago
makarating sa Hanoi.
Mahal kong mambabasa, isipin mo lang ang Hanoi: kalye bawat kalye. Isipin mo ang isang pagod
na magsasakang naliligaw sa pasikot-sikot na siyudad. Bawat kalye’y may bahay, daanan, at eskinitang
tila pare-pareho at walang katapusan. Isang magsasaka ang lakad nang lakad, napapagod, at tumitigil.
Nagugutom siya ngunit walang makain, dahil wala siyang pera. Nais niyang magpahinga ngunit walang
matuluyan, dahil wala siyang pambayad.
Pagod man siya, kailangan niyang sumulong. Magdahan-dahan man, hindi na siya makausad. At sa malas,
di siya pinahintulutang tumigil sa siyudad, at kailangan niyang maglakad, pasok nang pasok sa bawat
kalye, minsa’y paikot-ikot nang hindi alam kung saan pupunta. Pagdating ng interseksyon, nakakita siya
ng kulumpon ng mga tao. Sa tingin niya’y taga-probinsya ang mga ito, tumigil siya. Isang mukhang
matalinong matandang babae, na may gintong hikaw, at tila mayaman ang dating, ang kumaway, hudyat
upang tumigil ang magsasaka. Malakas ang kanyang boses: “Hoy, saan ka pupunta, pagod na pagod ka?
Gusto mo ba ng trabaho? Halika, dali!
Natuwa ang magsasaka dahil nakasalubong siya ng isang taga-siyudad na handang
makipag-usap. Ngunit para saan? Naawang binanggit ng babae na tutulungan siyang makahanap
ng trabaho! Kaya, sa loob ng ilang araw, mayroon siyang makakain habang tumitigil sa pinto ng
isang bahay-kainan o sa tabi ng isang sinehan. Kung tutuusin, ganito ang istorya ng lahat ng mga
magsasaka. Ilang interseksiyon mayroon ang siyudad? Ilang trabaho ang nakalaan para sa sawing
nilalang na nagnanais pumasok sa kalakal ng mga kasambahay? Ilan ang bilang ng ganitong
trahedyang nagaganap bawat araw sa siyudad?
Ang labintatlong nilalang na ito ay katulad ng mga gamugamong nasilaw sa liwanag ng
kalunsuran. Pinatuloy sila ng tiwalang may-ari ng bahay-kainan sa isang sulok ng kaniyang tirahan. Sa
araw, naroon sila’t nakahambalang sa kalsada. Habang naghihintay ng trabaho, unti- unti nilang
ginagastos ang kanilang naitatabing pera. Kapag walang natira at wala pa ring trabaho, at walang
madilihensiya, kinakailangan na nilang itaya ang kanilang buhay. Ang mga babae ay nasadlak sa
12. pagbebenta ng laman at ang lalaki’y nakagagawa ng krimen. At ngayon, bago pa lumala ang
kalagayan, sila’y nakahimlay at tahimik na naghihintay sa unos na darating.
Gawain 6- #Ibelieve
Magbigay ng sariling interpretasyon batay sa mga pahiwatig sa akda. Sa iyong
pagsagot, maglagay ng salitang “I believe”.
1. Hindi na ako nakipagtalo sa kanila.
2. Buti na lamang hindi ako nag-iisa.
3. Nalungkot ako sa liwanag ng buwan.
4. Kapiling nila ang mag pusali na may alingasaw ng ipot ng manok at tae ng tao.
5. Isang gabing tinatanglawan ng liwanag ng buwan ng kalangitan.
Gawain 7. #3K
Pumili ng mga ilang bahagi ng pangyayari sa akdang binasa. Suriin ang pangyayari kung nagpapakita
ng kagandahan, kabutihan o katotohanan. Gayahin at ilagay ang sagot sa pormat na nasa ibaba.
Katotohanan Kagandahan Kabutihan
Performance 1. #TeleSuri/Formative
Gumawa ng isang pagsusuri sa isang telenobela na Guns and Roses na iyong papanuorin na
nagpapakita ng hawig na sitwasyon sa akdang binasa. Narito ang pamantayan sa paggawa.
Pamantayan:
1. Akma ang nilalaman 10 puntos
2. Nagpapakita ng tunggalian ng tauhan 10 puntos
3. Maayos at maliwanag na pagsusuri 10 puntos
Kabuuan 30 puntos
13. PagsasanibngGramatikaat Retorika
PANGANGATWIRAN ay isang papapahayag na nagbibigay ng sapat na katibayan o patunay
upang ang isang panukala ay maging katanggap - tanggap o kapani-paniwala.
Layunin nito na hikayatin ang mga tagapakinig na tanggapin ang kawastuhan ang kanilang
pananalig o paniniwala sa pamamagitan ng makatwirang pagpapahayag. (- Badayos)
Sa pangangatwiran, ang katotohaanan ay pinagtitibay o pinatutunayan sa pamamagitan ng mga
katwiran o rason. (- Arogante)
Ang pangangatwiran ay isang sining sapagkat ang paggamit ng wasto, angkop at magandang
pananalita ay makatutulong upang mahikayat na pakinggan, tanggapin at paniniwalaan ng nakikinig
ang nangangatwiran.
Ang pangangatwiran ay maituturing ding agham sapagkat ito ay may prosesong dapat isaalang-
alang o sundin upang ito ay maging mahusay at matagumpay, lalo na sa formal na pangangatwiran
gaya ng debate.
Dahilan ng Pangangatuwiran
1. Upang mabigyang - linaw ang isang mahalagang usapin o isyu.
2. Maipagtanggol ang sarili sa mali o masamang propaganda laban sa kaniya.
3. Makapagbahagi ng kaniyang kaalaman sa ibang tao;
4. Makapagpahayag ng kaniyang saloobin
5. Mapanatili ang magandang relasyon sa kaniyang kapwa
Kasanayang Nalilinang sa Pangangatuwiran
1. Wasto at mabilis na pag-iisip
2. Lohikong paghahanay ng mga kaisipan
3. Maayos at mabisang pagsasalita
4. Maingat na pagkilala at pagsusuri ng tama at maling katwiran
5. Pagpapahalaga sa kagandahang asal gaya ng pagtitimpi o pagpipigil ng sarili at pag- unawa
sa mga karaniwang inilahad ng iba o pagtanggap sa nararapat na kapasyahan.
Uri ng Pangangatuwiran
1. Pangangatuwirang Pabuod o Induktibo - nagsisimula sa mga halimbawa o partikular na
kaisipan o katotohanan at nagtatapos sa pangkalahatang simulain o katotohanan.
2. Pangangatuwirang Pasaklaw o Dedaktibo - sinisimulan ang pangangatuwiran sa
pamamagitan ng paglalahad ng pangkalahatan o masaklaw na pangyayari o katotohanan at mula rito
ay iisa-isahing ilalahad ang maliliit o mga tiyak na pangyayari o katotohanan.
14. Gawain 8. #Opinyon Ko
A. Basahin at Unawain ang Nilalaman ngkuwento
1. Bakit naakit ang mga naninirahan sa lalawigan a lumuwas ng lungsod?
2. Ipinahihiwatig ba sa tekstong sadyang mahirap makipagsapalaran sa lungsod? Ipaliwanag.
B. Sagutin ang mga sumusunod na katanungan
1. Suriin ang mga salitang may salungguhit. Paano ginamit ang mga ito sa pangungusap?
2. Nakatulong ba ang mga ito upang maayos na may pahayag ang mga opinyon. Ipaliwanag.
C. Salungguhitan ang tamang sagot upang maipahayag mabuti ang opinyon. Dugtungan pa ng
isang pangungusap upang mapalawak ang pahayag.
1. Napakarami nang nabibiktima ng panlolokong pinangakuan ng
trabaho sa lungsod. ______________________________________________________.
2. Kung hindi ka paloloko, walang manloloko. ________________________.
Ang pagbibigay-opinyon ay pagpapahayag ng mga paniniwala at prinsipyo ng tao hinggil sa
anumang isyu o paksa. Inilalahad niya ang kaniyang sariling palagay, haka-haka, pakiwari o impresiyon
sa abot ng kaniyang kaalaman at pag-uunawa. Sa ganitong paraan, nailalahad niya ang pahiwatig na
nais iparating sa kausap.
Sa pagbibigay-opinyon, kailangan ang masusing pagtitimbang-timbang ng mga pangyayari
upang makabuo ng makatuwirang opinyon.
Sa pagbibigay-opinyon, may mga salitang magpapakilala rito, tulad ng:
1. Sa palagay ko/ Sa aking palagay
2. Naniniwala ako
3. Sa aking paniniwala
4. Sa tingin ko
5. Siguro
6. Baka
7. Maaring
8. Kung ako ang tatanungin
9. Kung di ako nagkakamali
10. Sa totoo lang
Marami ang nasisilaw sa mga ilaw digital na makikita sa lungsod. Marami ang humahanga sa
nagtataasang gusali, magagandang sasakyan, magagandang tanawin at naglalakihang mga mall. Sa
aking palagay, ito ang nagsisilbing pang-akit sa mga naninirahan sa lalawigan upang lumuwas ng
lungsod. Maaring palarin ang iba sa magandang oportunidad na handog nito ngunit may ilan ding
nabigo. Siguro dahil sa pagnanais na mabago kaagad ang takbo ng buhay, madali silang napapayag sa
magagandang pangako na kadalasan ay napapako. Sa tingin ko, napakalaki nang magagawa kung ang
tao ay may pinag-aralan upang mapaunlad ang kaniyang buhay.
-Kunghindi akonagkakamali
- Kamakailanlamang
- Batay sa ulat
- ayonsa pag-aaral
- napag-alamankong
- naniniwalaakong
15. 3. Dumarami ang nabibitima dahil sa hindi ipinagbibigay alam sa mga
may kapangyarihan. _____________________________________________.
4. Huwag magtiwala agad sa mga taong magaling mangusap ______
teknik lamang nila iyon para mapapaniwala tayo.
___________________________.
5. Ang pag-unlad ng tao ay nasa pagsisikap at pagdarasal.
________________________________________________________.
D. Pumili ng 1 pangyayari sa akdang “Mga Katulong sa Bahay” na bibigyan mo ng opinyon.
Bumuo ng limang pangungusap gamit ang mga pahayag sa pagbibigay ng opinyon.
Magbigay ng sariling opinyon o pangangatwiran tungkol sa kasambahay na minamaltrato ng amo.
Ano ng inyong magagawa ukol rito batay na rin sa batas ng kasambahay?
Performance # 2. #KuwentongLikha
Sumulat ng sariling kuwento na nagpapakita ng tunggalian ng tauhan laban sa sarili. Lagyan ng
pamagat ang iyong sariling likhang kuwento.
- kaya
- sa tinginko
- palibhasa
- maaaring
- sapagkat
- dahil
- kungako ang tatanungin
- Ayonsa iba
- bataysa pag-aaral
Pangyayari sa akda
Pangungusap 1 Pangungusap 1
Pangungusap 1 Pangungusap 1
Pangungusap 1
Ilipat
Pagnilayan at
Unawain