2. Maliwanag ang kalagayan at kontribusyon ng sektor ng industriya
sa kabuuang kita ng Pilipinas. Kabahagi ito sa pagtatamo ng maayos
na ekonomiya ng bansa. Ang ugnayan at interaksiyon ng mga sektor ay
mahalagang aspekto upang makamit ang ninanais na katatagan ng
pamahalaan.
Sa aspekto ng pag-uugnayan, ang sektor ng industriya at
agrikultura ay may direktang pakinabang sa bawat isa. Sa isang banda,
nagmumula sa agrikultura ang mga hilaw na sangkap na ginagamit sa
pagbuo ng mga produkto ng industriya. Ang mga sangkap na ito ay
nagkakaroon ng transpormasyon, nadadagdagan ng halaga, at nag-iiba
ng anyo ayon sa magiging gamit at pakinabang dito. Ang dinadaanang
proseso ay nangangahulugan ng maraming pangangailangan tulad ng
lakas-paggawa, iba’t ibang sangkap sa produksiyon at iba pa.
3. Sa kabilang banda, ang mga kagamitan ginagamit sa agrikultura
tulad ng traktora, sasakyang pangisda, at iba pa ay produktong mula
sa industriya. Ginagamit ang mga ito upang magkaroon ng mas mataas
na produksiyon na magbibigay ng mas malaking kita sa
namumuhunan at mas maraming produkto para sa mga mamimili. Ang
ugnayang ito ay nagpapakita ng lubos na pagtutulungan sa mga sektor
ng ekonomiya.
Sa katunayan, ang malaking bahagdan ng mga manggagawa ay
matatagpuan sa agrikultura. Ngunit sa kabila ng maraming hamon,
patuloy na maraming mamamayan ang nabibilang dito. Hindi
matatawaran ang malaking naiambag at patuloy na maitutulong ng
agrikulura sa kabang-yaman ng bansa. Higit sa lahat, ito ang
pangunahing pinagmumulan ng mga pagkaing tumutugon sa
pangangailangan ng tao.
4. Samantala, ang sektor ng industriya ay nakapagdudulot ng
napakalaking kontribusyon sa ekonomiya. Sa bawat litro ng pintura na
magagawa, nangangailangan ito ng maraming kemikal na sangkap sa
paggawa, lalagyang lata o plastik, tatak, at iba pang impormasyong
nakasulat dito, mga sasakyan na maghahatid sa pamilihan, kagamitan
na maghahalo, mag-filter, at mag-store sa produkto. Maliban pa dito,
mangangailangan din ng koryente at tubig upang mabuo ang mga ito.
Gagamit ng mga serbisyong pinansyal, marketing, sales, at istratehiya
upang masigurong maibebenta ang mga produkto. Dahil dito, kung
magiging malusog ang kapaligiran na akma sa pagnenegosyo, ang
sektor ng industriya ay maaaring maging tagapagpaandar ng
ekonomiya (Batungbakal, 2011) na magbibigay ng maraming
hanapbuhay para sa mga Pilipino.
5. Ang pagmamanupaktura halimbawa ay hindi maaaring mawala dahil ito ang
pangunahin sa sekondaryang sektor. Ito ang sektor na nagpoproseso ng mga hilaw
na produkto. Ang mga nabubuong produkto ay karaniwang ginagamit sa araw-araw
na pamumuhay ng mga tao. Ang krisis sa pagpapautang at ang pandaigdigang krisis
pinansyal na naganap mula 2008 – 2012 ay nagpakita sa kahinaan ng industriya ng
paglilingkod at dahil dito, nangangailangang makagawa ng may kalidad na
hanapbuhay sa sektor ng industriya.
Ang sekondaryang sektor ding ito ay nagtutulak upang magkaroon ng mga
inobasyon upang makabangon mula sa malawakang epekto ng mga krisis pang
ekonomiya. Halimbawa, ang kompanya ng Apple ay hindi nag-imbento ng MP3 player,
bagkus ay gumawa sila ng isang produktong mas simple at madaling gamitin na
tinawag nilang iPod (Batungbakal, 2011). Sa tulong ng teknolohiya, ang produktibo ay
napagbubuti para sa higit na kapakinabangan ng buong bansa. Ito rin ang nabanggit
sa batayang aklat nina Balitao et al (2012), na sa pamamagitan ng sektor na ito, higit
na nagiging mahusay ang teknolohiya at nakabubuo ng mga kagamitan at makinang
nakatutulong nang malaki sa agrikultura. Ginamit nilang halimbawa ang traktora,
mga makabagong pestisidyo, at iba pa.
6. Samantala malaking tulong din sa agrikultura ang pagsasaayos ng
mga impraestruktura tulad ng mga daan, tulay, riles, daungan,
paliparan, at imbakan ng mga produkto. Ito ay pagsisigurong
makararating sa tamang panahon at pakikinabangan ng mga
mamamayan ang kalakal mula sa sektor ng agrikultura. Ang mga
produktong madaling masira ay naiingatan at napahahaba ang buhay
dahil na rin sa mga imbakang ginagawa.
7. Sa usapin ng mga manggagawa, sinasalo ng sektor ng industriya ang mga
mamamayang iniwan ang gawaing pang-agrikultura dahil sa iba’t ibang
kadahilanan. Maaaring ang dahilan ay ayon sa sumusunod:
• Nakikipagsapalaran sila sa kalunsuran o sa lokasyon na may sonang
industriyal upang maging mga manggagawa sa mga pabrika;
• Unti-unting nauubos ang mga lupaing tinatamnan dahil ginagamit bilang
residensiyal, industriyal, o panturismo. Dahil dito, limitado na ang
mapagkakakitaan ng mga mamamayang nabibilang dito;
• Malawakang pagpalit-gamit ng lupa o (mula lupang agrikultural patungong
residensiyal,);
• Usaping pangkapayapaan;
• Laganap na pangangamkam ng lupa (land grabbing);
• Mababang kita sa sektor ng agrikultura;
• Mataas na gastusin sa sektor ng agrikultura;
• Paglisan sa lupang sakahan bunga ng natural na kalamidad.
• Kombinasyon ng mga nabanggit.