3. Kaharap ang napakalaking hamon ng pagsasaayos ng bansang sinira ng
digmaan, napilitan ang pamahalaan na tanggapin ang mga di’ patas na kasunduang
ipinilit sa kaniya ng Amerika tulad ng Philippine Rehabilitation Act at and Bell Trade
Act, kapalit ng tulong pinansiyal na nagmumula sa Amerika. Nagbigay-daan ang Bell
Trade Act sa malayang kalakalan sa pagitan ng Amerika at Pilipinas, samantalang ang
Philippine Rehabilitation Act naman ay nagtiyak ng tulong-pinansiyal sa Pilipinas mula
Amerika sa pamamagitan ng war damage claims.
4. Subalit hindi nakatulong sa ekonomiya ang dalawang kasunduang ito. Bagama’t
nagkaroon ng malayang kalakalan ang Pilipinas at Amerika, naging dahilan din ito sa
muntikang pagkaubos ng kaban ng bansa dahil sa labis na pag – aangkat ng mga produktong
Amerikano. Maliit na sector lamang ng mga Pilipino ang nakinabang sa malayang kalakalang
naganap sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang dito ang mga kompanyang Amerikanong
may malaking kapital, at ang mga Pilipinong mayayaman na nakapagluluwas ng kanilang
produkto sa Amerika. Ang mga mamamayang nagmamay-ari ng malalawak na lupaing
sakahan o mga landed elite, katulad ng mga kakampi ni Pangulong Roxas, ang mga higit na
nakinabang sa malayang kalakalan (free trade).
5. Sa mga taon mula 1946 hanggang 1950 dahil sa malayang pagpasok ng mga
produktong Amerikano sa Pilipinas, lalong nalugmok ang ekonomiya ng Pilipinas
dahil higit na mas malaki ang halagang inaangkat nito kaysa halagang inululuwas
nito. Bukod pa rito, hindi pinapatawan ng buwis ang lahat ng produktong Amerikano
gawa ng Bell Trade Act, kaya naman nalunod nito ang local na industriya ng Pilipinas.
Lalo pang hinikayat ng mga kompanyang Amerikano ang mga Pilipino upang bumili
ng kanilang mga produkto na hindi naman pangunahing pangangailangan tulad ng
mga sigarilyo at mga mamahaling imported goods tulad ng mga delata at mga prutas
mula Amerika.
6. Bukod sa hindi binubuwisan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga ito, Malaki
rin ang ipinapatong sa presyo ng mga nagbebenta nito. Kaya naman, noong 1949,
umaabot sa kritikal na kalagayan ang natitirang reserbang yaman (international
reserves) ng Pilipinas na naging dalawang daan at animnapung milyong dolyar na
lamang. Lalo pa itong bumagsak sa 75.4 milyong dolyar nang hindi maagapan ng
Pilipinas ang kinaharap nitong suliraning pang-ekonomiya, na pinalubha rin ng
korupsiyon at labis na pagpapatong ng presyo ng mga bilihin.
7. Samantala, hindi rin matugunan ng war damage claims ang pangangailangan
ng mga Pilipino sapagkat karamihan sa mga nakinabang dito ay ang mga
mayayamang Pilipinong pulitiko at negosyante, na sila ring naakusahan bilang mga
nakipagtulungan (collaborators) sa mga Hapones noong Ikalawang Digmaang
Pandaigdig.
8. Sa kabuuan, ang suliranin ng rehabilitasyon ang naging pangunahing
pagsubok na kinaharap ng Pilipinas pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nabigo ang pamahalaan na tugunan ito o maglunsad ng malawakan at epektibong
programa sa pagsasaayos ng bansa dahil sa kawalan ng pondo at sa di’patas na
kasunduang inaprubahan ng mga Pilipinong mambabatas. Maraming dekada ang
lumipas bago nakabangon ang Pilipinas sa mga epekto ng digmaan.
10. Hindi lamang Maynila ang nagtamo ng matinding pinsala sa digmaan. Ang
noong bayan ng Cebu, pati na rin ang mga bayan sa lalawigan ng Pampanga, Tarlac,
at Pangasinan ay lubhang naapektuhan ng digmaan. Ganoon din ang naranasan ng
mga magsasaka sa Kanlurang Visayas, lalong lalo na sa mga azucarerang lubos na
nasira ng digmaan. Bago pa man ito, itunuturing na napakahalgang industriya sa
Pilipinas ang industriya ng asukal. Mula noong dekada 1700 hanggang sa pagtatapos
ng ikadalawampung siglo, kaya naman naisama ni Millard Tydings ang ulat tungkol sa
kalagayan ng mga azucarera sa Pilipinas noong 1945, dahil na rin isa sa mga
pinagkakakitaang ng mga Amerikano ang industriya ng asukal.
11. Ang mga sentro ng bayan sa maraming bahagi ng Pilipinas ay natamaan ng
bomba at nasunog. Bagama’t may lupang sakahang nakaligtas, maraming magsasaka
naman ang namatay. Malinaw na kahit walang gaanong gusali sa mga nayon noon ,
naging matindi pa rin ang epekto ng digmaan sa mga Pilipino rito.