Konsepto at Katuturan ng pagkamamayan (Citizenship)
Ang Tatlong Pangunahing Kulto ng Bundok Banahaw sa Lalawigan ng Quezon
1. ANG TATLONG PANGUNAHING KULTO NG BUNDOK BANAHAW SA
LALAWIGAN NG QUEZON
Yosef Eric C. Hipolito, BA, LPT
Bulacan Agricultural State College
Institute of Education, Arts and Sciences- Graduate Studies
yosefhipolito19@gmail.com
2019
Abstrak
Sa pagiging isang Kristiyanong bansa ng Pilipinas, nagkaroon ng iba’t-ibang
interpretasyon sa naturang relihyon ang mga Pilipino sa iba’t-ibang panig ng kapuluan bunga na
rin ng hindi maialis na diwa ng Paganismo sa kanilang pananampalataya. Sa sanaysay na ito’y
tinatalakay ang tatlong pangunahing mga kultong namamayani sa Bundok Banahaw sa lalawigan
ng Quezon hanggang sa kaslaukuyan; “Samahan ng Suprema de La Ciudad de Mystica de
Dios,” “Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios” at “Samahang Rizalista” na silang
maituturing na pinakakilalang mga kulto rin sa Pilipinas na ibinase ang paniniwala sa sinaunang
pamamaraan at sa pananampalatayang Kristiyano. Nakapaloob sa pagtalakay sa bawat isang
kultong nabanggit ang kaligiran ng kanilang samahan, kalikasan ng kanilang pananampalataya at
mga kasapi. Bunga ng pag-aaral sa tatlong kultong ito, sumasalamin ito sa tindi ng
pananampalatayang Pilipino sa kanilang pinaniniwalaan, ito man ay kinikilala bilang
pangunahing relihyon man o isang kulto.
Mga Keyword: kulto, anting-anting, Diyos
Panimula
“Ang pagsusulat ng kasaysayan ng mga kulto ay pagsusulat din ng kasaysayan ng
diskurso ng takot at pagbaba ng mga pangunahing institusyon ng pagbabago sa lipunan.”
– Marina Benjamin
Likas sa mga Pilipino ang masugid na paniniwala at pananalig sa kani-kanilang mga
Diyus-diyosan bago pa man dumating ang mga Espanyol, ang tawag dito’y konsepto ng
Paganismo o Animismo (Saquilayan, 2011). Ngunit sa pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa
noong 1521, napalitan ang pananampalatayang ito ng relihyong dala ng mga mananakop na
Europeong Espanyol ayon kay Molave (2014). Sa kabilang banda, sa pagdating ng
kaKristiyanuhan sa iba’t-ibang panig ng bansa, ito ang nagbunsod sa iba’t-ibang tao sa bansa na
ibahin ang ilan sa mga imterpretasyon ng Romano Katoliko sa Bibliya. Mula sa pagiging mga
2. Pagano bago ang panahon ng kolonisasyon, nanatili ang puso ng ilang mga Pilipino sa mga
sinaunang pamamaraan ng pananampalataya sa kinikilalang mga Diyos kaya’t pinaghalo nila ang
sinaunang paniniwala sa bagong relihyong sa kanila’y ipinakilala ng mga dayuhang Europeo.
Mula sa kasaysayan ng bansa, malalaan nating ang ilan sa mga Pilipinong nasa gawi ng
kabundukan o liblib na mga pook ay naging mahirap para sa mga Espanyol na sila’y
bautismuhan sa pagiging mga Kristiyano. Ngunit ang ilan naman sa kanila’y nabinyagan ngunit
hindi tumalima sa pangunahing mga turo o pananaw ng mga prayle sa naturang relihyon at iniba
ang ilan sa mga pamamaraan ng pagdarasal, pagsamba at pagpapakita ng debosyon ng mga
karaniwang Kristiyano. Mababakas sa kanilang mga gawaing espiritwal ang pagkilala sa
kalikasan bilang bahagi pa rin ng kanilang pananampalataya sa kabila ng dominanteng
Kristiyanismo.
Kilala ang bayan ng Dolores, Quezon sa Bundok Banahaw na dinarayo ng mga tao
tuwing Mahal na Araw o sa kahit holy pilgrimage ng mga relihyoso. Pinaniniwalaan kasi ng
marami na napakahiwaga ng bundok na ito at nagtataglay ito ng kapangyarihang espiritwal sa
mga taong nananalig rito buhat pa man noong panahon ng mga Espanyol kaya’t may ilang
tumatawag dito bilang “Bagong Herusalem.” Sa katunayan, nagsulputan ang mga pangkat ng
taong relihyosong nagsipagtayo ng mga maliliit na relihyong hiwalay sa Romano Katoliko sa
paligid ng bundok dahil noon marahil ay nakarinig ng santong boses ang mga naunang
mananampalataya sa bundok na ito. Mga relihyong ang paraan ng pagmimisa ay kahawig ng sa
Romano Katoliko ngunit may makalumang paraan ng paniniwala at pagsama sa ilang aspeto
kaya’t naituring na mga “kulto.” Maituturing na kulto ang isang relihyon kung: (1)ito ay hindi
rehistrado sa gobyerno, (2) makaluma ang paraan ng pagsamba, (3) may ilang paniniwalang
taliwas sa turo ng simbahan dahil sa paggamit at paniniwala sa bisa ng mga anting-anting.
Sa katunaya’y hindi lamang tatlo ang mga relihyong nagsisulputan sa naturang bundok sa
pagdating nga Kristyanismo. Kung babalikan ang kasaysayan ng Pilipinas, maaalalang isa sa
mga bayaning nanguna sa repormasyon ng simbahang Katoliko ay ang pesanteng si Apolinario
dela Cruz na mas kilala sa tawag na “Hermano Puli.” Itinatag niya ang kanyang kultong
“Cofradia de San Jose” sa isang barrio dito at kalauna’y inusig ng simbahang Katoliko sa
Pilipinas dahil sa pagiging isang kulto at erehe. Pinaghinalaan ng pamahalaang Espanyol na
kalauna’y sila’y naging isang pangkat rebolusyonaryo sapagkat ayon sa kanilang pag-iimbestiga,
3. lalaki lamang ang kanilang hinahayaang maging kasapi ng samahan. Matapos ang isang labana’y
nahuli si Puli, binitay at pinaghati-hati ang katawan sa apat. Sinasabing hindi pa nagtapos ang
pamamayagpag ng kanyang kulto marahil makalipas ang ilang taon, sa katauhan ni Januario
Labios, ipinagpatuloy niya ang kulto ni Puli at nagpasalin-salin kaya’t napapanatiling buhay pa
rin hanggang ngayon (Ileto, 1979).
Ang sanaysay na ito’y nakasentro lamang sa tatlong pangunahing kulto ng Bundok
Banahaw marahil sa hindi inaasahang pagkakatao’y nakadaupang palad ng manunulat ang isa
niyang estudyanteng kasapi ng isa sa tatlong kultong ito sa subject na Understanding Culture,
Society and Politics. Dahil sa taun-taong pagbisita ng kanilang pamilya sa Bundok Banahaw
tuwing Mahal na Araw, naging maalam siya sa kaligiran ng tatlong pangunahing samahang
relihyoso sa bundok, pati na rin ang kalikasan ng kanilang pananampalataya at ilang kaalaman
tungkol sa kanilang mga miyembro. Kaya’t ang mga impormasyon nakalahad sa mga susunod na
pahina ay pawang mga “First-hand experiences” o “First-hand knowledge” ng mismong
estudyante ng manunulat na kasapi ng isa sa mga kultong ito.
“Samahan ng Suprema de La Ciudad de Mystica de Dios”
Kaligiran ng samahan
Ito’y itinatag ng isang babaeng nagngangalang Maria Bernarda Balitaan noong 1819
kaya’t siya ang naituring na unang “Suprema ng Kagitingan” o pinuno nito. Naitatag niya ang
naturang samahan sa Bundok Banahaw dahil minsang magnilay siya rito’y nakarinig siya dito
ng mahiwagang tinig na nagsabi sa kanyang “itatag mo ang aking kaharian sa bundok na ito.”
Ang naturang samahan, kahit na itinuturing na “kulto” ng karamihan ay nakarehistro sa
Securities and Exchange Commission (SEC) at Philippine Statistics Authority (PSA) bilang
isang relihyong kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas.
Kalikasan ng Pananampalataya
Sinasabing ang punto ng kanilang paniniwala ay “hindi pa nagkakatawang tao ang Diyos
bilang si Jesus Emmanuel (nasa atin ang Diyos!)” taliwas sa paniniwala ng mga Romano
Katolikong si Jesus na ang “Katawang tao” ng Diyos Ama sa langit. Ang kanilang samahan ay
sumasamba sa “Amang Solo Dios” na nirerepresenta ng kanilang simbolong triyanggulong may
4. mata sa gitna, may dalawang pakpak ng anghel sa magkabilang gilid ng tatsulok at isang krus sa
ibaba ng tatsulok. May nakasulat ding slogan sa ibabaw nitong “E Purae Celestial.”
Bilang isang relihyong kulto, maaaring maging pinuno ng seremonya (katumbas ng pari
sa mga Romano Katoliko) ang babaeng tinatawag na “Babaylan” o lalaking tinatawag naman
bilang “Pari.” Ayon naman sa kanilang mga kautusan, maaaring mag-asawa ang kanilang
Babaylan o Pari basta’t hindi makikiapid sa iba. Bukod sa isang Suprema, pito ang bilang ng
kanilang mga Babaylan o Pari dahil ito’y ang pinakaperpektong numero para sa Amang Solo
Dios. Tuwing nagmimisa’y nakasuot ng coat na kulay puti, korona, naglalgay ng Alcohol ang
kanilang Babaylan. Tungkulin ng mga naturang mga relihyosong lider ang pangunahan ang
kanilang mga misa (na halos kagaya ng sa Romano Katoliko), tagapagbinyag (iniiba ang
pangalan) sa mga anak ng mga kasapi sa isang ilog sa Bundok Banahaw na tinatawag nilang
“Ilog Jordan,” tagapagbasbas ng banal na tubig sa pamamagitan ng pagwasiwas sa kamay/braso
ng Suprema matapos isawsaw sa banal na tubig at maging isang mediko/herbolaryo. Iniaatas din
nila ang taunang pagbisita (Holy Pilgrimage) tuwing Mahal na Araw sa tuktok ng Bundok
Banahaw upang manalangin .
Sa estruktura ng kanilang pook-dalanginan, tila isa itong ordinaryong kapilyang kulay
puti na may pitong pintuan dahil ayon sa nabanggit sumisimbolo ito sa perpektong numero para
sa Amang Solo Dios. Walang upuan ang kanilang simbahan dahil sila’y nakaluhod kung
manalangin. May alpombrang kulay pula ang sentrong daanan (aisle) sa loob nito upang daanan
ng mga Babaylan at Pari. Napapanatili ng samahan ang kanilang pook-dalanginan sapagkat ang
mga miyembro nito’y obligadong magbigay ng abuloy para sa kanilang Suprema.
Sa oras ng pananalangin, hiwalay ang babae sa lalaki mula ikasiyam ng umaga hanggang
ikawalo ng gabi (nahihinto lamang tuwing oras ng kain) kung may mahalagang relihyosong araw
o pagdiriwang at mula ikalima ng hapon hanggang ikasiyam naman ng gabi kung ordinaryong
araw. Nagdadasal ang mga kasapi sa wikang Latin dahil ito raw ang wikang mas naiiintindihan
ng Amang Solo Dios. Habang nakaluhod at nakadipa ang dalawang braso’t nakaporma ng
“Trinidad” (Trinity) ang kanilang magkabilang kamay, isinasagawa nila ang kanilang pagninilay
ng may katimtiman. Tuwing araw ng Linggo, nagsasagawa sila ng misa na halos katulad ng misa
sa mga Romano Katoliko. Parehas ang dasal, proseso ng pagkakasunod-sunod ng mga bahagi ng
seremonya at pangungumunyon ng Hostia. Sa pagkakaroon ng simbolismo sa dugo at katawan ni
5. Kristo, sinasabing ang bersyon ng kanilang Hostia ay isang biskwit na bilog (Puto seko) at ang
bersyon naman ng kanilang alak ay isang alak (Emperador) na hinahaluan ng juice (grape juice).
Mga kasapi
Ang kanilang samahan di’y itinuring na pinakamatandang relihyong kulto sa Bundok
Banahaw na kasalukuya’y tinatayang may tatlong libong kasapi sa buong Pilipinas. Maaring
maging miyembro ang kahit na anong kasarian basta’t hindi lamang hinahayaang makapasok sa
kanilang relihyon ang mga taong may kalaguyo (kabit) o kumakalaguyo (kumakabit) na pawang
kanilang pinakapangunahing atas sa mga kasapi, ang bawal makiapid. Gumagamit sila ng mga
anting-anting bilang kanilang proteksyon sa mga kalamidad o panganib kasabay ng pagsambit sa
kanilang dasal (sa wikang Latin) kagaya ng “Santo Mikael, Santo Gabriel, Santo Rafael, salva
me, salva me, salva me, jesusmaryosep!”
Bilang pinuno ng samahan, ang kanilang Suprema ay sinasabing sinasaniban o
binubulungan ni Maria Bernarda Balitaan kung sino ang susunod na magiging Suprema sa
panahong malapit na siyang mamatay. Paniniwala kasi nilang ang kanilang magiging mga
Suprema ay ang reincarnation ni Balitaan. Bukod pa rito, sa tuwing magdaraos ng misa, may
bahagi ng seremonya na kung saan sumasanib ang espiritu ni Balitaan sa kanilang Suprema at
doo’y ilalahad niya sa mga miyembro ang kanyang mga salita at mga paalala.
“Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios”
Kaligiran ng samahan
Dalawang relihyoso ang minsa’y umakyat sa Bundok Banahaw upang manalangin ang
nakakita ng isang nilalang at nagpakilalang siya ang Diyos. Isang babae at isang lalaki ang mga
ito na pawang nagbabalak na magtatag ng isang bagong relihyon. Sa hindi maipaliwanag na
dahilan, magkaiba ang nakita ng dalawang nakasaksi nito. Ang babaeng nagngangalang Maria
Virginia Liongson ay nakitang ang nilalang na sinasabing Diyos ay isang babae, samantalang
isang lalaki naman ang nakita ni Agapito Illustrisimo at sa pangalang “Adonai,” nagpakilala sa
kanya ang Diyos. Bukod pa rito, sinabi rin kay Illustrisimo ng naturang nilalang na itatag niya sa
bundok na iyon ang kaharian sa ngalan ng Solo Dios. Dito nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan
ang dalawa sapagat magkaiba ang kanilang nakita, magkaiba rin ang kanilang narinig na tinig. Sa
6. halip na magkasundo para sa lugar kung saan itatatag ang kanilang relihyon, pinaghiwalay ng
dalawang ito ang sentrong dalanginan ng kanilang kulto. Tuluyang itinatag ni Illustrisimo ang
kanyang simbahan sa Bundok Banahaw samantalang si Liongson naman ay nagtatag ng kanyang
simbahan sa Sacrifice Valley sa Hermosa, Bataan. Iisa ang itinuturo ng dalawang simbahang ito
ngunit naiiba lamang sa gawi ng kanilang pagdarasal dahil sa heograpikal na katangian ng
dalawang bundok.
Kalaunan, hindi naging matagumpay ang samahang ito sa Bataan kaya’t nawala ang mga
kasapi nito. Sa kabilang banda, mas napalakas naman ni Illustrisimo ang mga banal niyang
alagad sa Bundok Banahaw. Lumaon, kinikilala ng Securities and Exchange Commission (SEC)
at Philippine Statistics Authority (PSA) ang nasabing kulto bilang isang rehistradong relihyon sa
bansa kagaya ng naunang kultong Mystica de Dios.
May mga matatandang miyembro ang kanilang samahan na nagsasabing ang kanilang
kulto ay mayroon na bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas ngunit naiparehistro
lamang ni Illustrisimo noong 1936. Ang kanilang kulto ay isinapelikula noong 1980’s na
pinamagatang “Ingkong Alpha Omega” kung saan ipinakita sa pelikula ang pamumuhay at
relihyosong aspeto ng kanilang samahan. Ginanapan ito ng mga artistang sina Lito Lapid, Perla
Bautista at Elizabeth Oropesa noong panahong iyon.
Kalikasan ng Pananampalataya
“Ang tagapagligtas ay si Jesus” at “ang Diyos Ama ay nagkatawang tao na sa katauhan
ni Jesus” ang pangunahing pinaniniwalaan ng kanilang kulto. Kinakatawan ng tatlong simbolo
ang kanilang pagsamba na tila kumakatawan din sa tatlong persona: una, ang triyanggulong may
mata sa gitna, puting kalapati ang ikalawa at ang ikatlo’y isang tupang may nakadantay na
tungkod ng isang pastol. Bukod pa rito, kinikilala rin nila si Maria bilang “ikaapat” na persona sa
Trinidad sapagkat si Maria’y itinuring bilang “tigaaliw” ng Diyos Ama, “ina” ni Kristo at
“esposa” ng “Mahal na Ingkong” (Espiritu Santo). Sa kabilang banda, di katulad ng sa ibang
relihyon, hindi nila ginagamit ang katawagang “Espiritu Santo” sa halip ay “Mahal na Ingkong”
na kanila ring pinaniniwalaang ninuno ng lahat ng mga ninuno. Punto de Vista rin ng kanilang
samahan na ang Pilipinas ay ang tinutukoy na bansang itinakda ng Diyos na tanging makaliligtas
7. sa araw ng paghuhukom sa aklat ng Pahayag sa Bibliya na nagsasabing “Ang Israel ay
mawawala sa mapa at ang matitra lamang ay ang bansang pinili.”
Sa wikang Tagalog ang kanilang dasal sapagkat paniniwala ng mga kasapi nito’y hindi
didinggin ng Amang Solo Dios ang panalangin ng isang taong nabubulol sa pagdarasal. Ngunit sa
wikang Latin ang kanilang pagrorosaryo na may labinlimang misteryo, taliwas sa limang
misteryo lamang sa Romano Katoliko. Tradisyon din ng kanilang samahan na tuwing Miyerkules
ay nagnonovena at nagdarasal ng Santo Rosario. Sa tuwing may panganib, naglalaan ang mga
miyembro nito ng dasal para sa tatlong pangunahing anghel na santo sa Romano Katoliko:
“Santo Mikael, Santo Gabriel, Santo Rafael, Salva me, salva me…”
Sa estruktura ng kanilang simbahan sa Bundok Banahaw, tila rin ito isang
pangkaraniwang kapliya ngunit may walong pintuan sapagkat sumisimbolo ang pito bilang
perpektong numero ayon sa Amang Solo Dios at ang isa pang pinto ay isinama bilang “Pinto ni
Maria.” Sa simbahan ng mga nasa Bundok Banahaw, nang mamatay si Illustrisimo, inilibing
siya sa tabi ng kanilang simbahan at pinagpatayo siya ng mga miyembro ng samahan ng isang
rebulto.
Ngunit noong circa 1970’s hanggang 1980’s dahil sa mensahe ng Amang Solo Dios sa
isang lalaking miyembro ng samahang nagngangalang “Norberto,” muling binuhay ng isa sa
mga miyembro ng samahan ang simbahang nakasentro Sacrifice Valley. Sinambit marahil ng
isang tinig na dapat na buhaying muli ang isa pang sentrong dalanginan na itinakda ng langit na
magiging “Lupang Banal.” Noong panahong iyo’y kinilala ang pangalan ng kanilang lugar
dalanginan na “First International Sacrifice Valley” bilang opisyal nitong pangalan. Bunga na
rin ng pang-uusig ng ibang mga tao na ang Bundok Banahaw ay pinamumugaran na ng mga
engkanto, tuluyan nang nagtungo sa Bataan ang ilan sa mga naniwala sa usaping ito. Nagtayo
sila ng dalawang kapilya sa dalawang bundok nito na hugis bangka at may isang pintong bilog.
Sa usapin ng kanilang pananalangin, ayon din daw sa matandang nakausap ni Illustrisimo
bago niya maitatag ang naturang kulto, ipinag-utos daw ng Diyos na pitong beses silang
magdasal at nagdaraos lamang ng banal na misa tuwing ikapito, ikalabimpito at ikadalawampu’t
pito ng buwan. Ayon sa kanilang paniniwala na ayon rin sa Bibliya, pitong araw ginawa at
ginunaw ng Diyos ang mundo, at pitong araw din nang sumadsad ang barko sa Bundok Ararat sa
8. Israel noon, ayon sa kasaysayan. Kagaya ng naunang kultong natalakay, tila ordinaryong misa ng
Romano Katoliko ang kanilang paraan ng pagmimisa. Bilang paghahanda sa pagdaraos ng misa,
dalawang oras mahigit na nagdarasal muna ang mga kasapi nito. Sinasabing tila isang mahika na
nagiging lalaki ang imahen ng Suprema sa tuwing sasanib ang espiritu sa kanya at yumayanig
ang lupa at bumabango ang amoy sa loob ng sambahan. Karaniwang pagkaraan ng seremonya’y
sasaniban ang kasalukuyang Babaylan (na nagdaraos ng misa) ng espiritu ng Amang Solo Dios,
habang naglalakad itong nakatingkayad mula sa dulo ng kapliya hanggang sa altar. Ngunit ang
kanila lamang ginagamit na Hostia sa seremonya bilang representasyon ng katawan ni Kristo ay
tinatawag na “Mompo.” Samantalang redwine naman ang kanilang ginagamit para sa
simbolismo ng dugo. Nakaluhod at nakadipa na ang kamay ay nakaayos ng Trinidad ang
kanilang posisyon kapag nagdarasal. Bukod pa rito, taliwas sa nakagawiang pag-aantanda ng
krus, ang kanilang pgsasagawa nito ay nagmumula sa kanan patungong kaliwa dahil
sumisimbolo ito sa kabanalan patungong kasalanan (ang kasalanan marahil ay itutungo para sa
kabutihan).
May mga araw na nagdaraos sila ng tinatawag na “ehersisyo” na kung saan ang
matatandang miyembro’y nagkakantahan at ang ilang mga dalagang babae nama’y sumasayaw
sa saliw ng kanilang mga dasal na naglalaman ng kasaysayan ng kanilang relihyon. Sinasabi rin
na nababanggit sa kanilang mga awit ang kahalagahan ng “Inang Bayan” sa kanilang relihyon
kaya’t bago ang seremonyang ito’y itinataas muna ang bandila ng bansa, kasabay ng pag-awit ng
Lupang Hinirang. Paliwanag marahil ng kanilang mga miyembro, ang kanilang samahan ay
nagpapakita ng pag-ibig sa Diyos at sa bayan.
Patriarka ang tawag sa pinakamataas na lalaking pari ng kanilang relihyon ngunit hindi
ito nanguguna sa seremonya ng misa na maaaring mag-asawa kagaya ng isang pastor. Babaylan
o babaeng pari lamang ang nangunguna sa mga banal na misa ng kanilang samahan. Tuwing may
pagdiriwang ay nagsusuot ito ng puting mahabang kasuotan na may hood ang kanilang mga pari.
Sa mga miyembro nama’y nakaputing polo at pantalon ang mga lalaki, samantalang puting
mahahabang damit na may belo sa babae (dahil bawal makita ng lalaki ang buhok ng mga babae
sa tuwing may pagdiriwang) sapagkat ipinagbabawal ng kanilang samahan para sa mga babae
ang magsuot ng pantalon dahil hindi ito kailanman sinuot ni Maria. Sa kasalukuyan, isang
nagngangalang Juan Florentino ang kasalukuyang Patriarka ng samahan sa Bataan.
9. Mga kasapi
Limang libong kasapi mayroon ang kanilang samahan sa kasalukuyan. Panuntunan ng
bawat isang pamilyang kasapi ng kulto ang pagsusuot ng mga anting-anting bilang panlaban sa
panganib. Karaniwa’y tatsulok ang hugis ng kanilang mga anting-anting dahil ito’y sumisimbolo
sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo at sinasabing ito ang pinamalakas na hugis sa daigdig.
Itinuturo rin ng kanilang samahan sa ibang tao na ang ilan sa ating mga bayani noong panahon
ng pananakop ng mga Espanyol at Amerikano kagaya nina Andres Bonifacio, Antonio Luna at
Macario Sakay ay dumayo sa Bundok Banahaw upang magkaroon ng mga agimat na panlaban sa
kapahamakan.
Sa kasalukuyan, aktibo ang ilan sa mga miyembro nito sa mga gawaing Katoliko kagaya
ng kanilang pagsama sa sagradong prusisyon ng Mahal na Poong Nazareno sa Quiapo tuwing
ika-9 ng Enero. Nagbibigay rin sila ng ilang mga tulong sa mga simbahang Katoliko na may
kaugnayan ang patron sa tatlong Persona o Trinidad kagaya ng simbahan ng Santisima Trinidad
sa Malolos, Bulacan.
“Samahang Rizalista”
Kaligiran ng samahan
Isang samahang kumikilala sa isa sa pinakamagiting na bayani ng Pilipinas na si Dr. Jose
Rizal bilang isang sagradong nilalang. Ayon sa mga nauna nang nagsipag-aral sa relihyong ito,
pinaniniwalaan ng mga kasapi nito ang pagkakawangis ng naging buhay ni Rizal sa naging
buhay ni Kristo. Kung babalikan ang kasaysayan, parehas silang naging mga manggagamot,
parehas na naging banta sa mga mananakop sa kanilang lugar na pinagmulan at parehas na nag-
alay ng buhay para sa kanilang mga kababayan. Ang kanilang samahan ay kalat hindi lamang sa
Bundok Banahaw ngunit pati na rin sa kapatagan ng Pampanga, Bulacan, Rizal at Cavite.
Pinaniniwalaan ng kultong ito na si Rizal ay isa sa bumubuo sa tatlong Persona sa halip na ang
espiritu santo ang isa sa mga bahagi nito.
Kalikasan ng pananampalataya
10. Sinasabi ng mga miyembro nito na hindi tunay na bahagi si Jose ng pamilyang Rizal ng
Calamba, Laguna. Ayon sa kanila, hindi sina Teodora Alonso at Francisco Mercado ang kanyang
mga magulang, bagkus si Rizal ay ang bunsong kapatid ng tatlong magkakapatid na Mariang
sina Maria Makiling, Maria Sinukuan at Maria Banahaw. Ibinigay lamag marahil ng tatlong
Mariang ito ang noo’y sanggol pang si Jose sa pamilyang Rizal ng Laguna.
Sa aspetong espiritwal, pitong beses kung magdasal ang mga kasapi nito sapagkat
numerong pito ang sinasabing perpektong numero para kay Rizal. “Amang Dr. Jose Rizal” ang
tawag nila sa bayani na siyang kinikilala at sinasamba nila. Tila isang puon si Rizal kung ituring
ng mga kasapi nito sa kanilang mga tahanan sapagkat hinihikayat na lahat ng kaspai nito’y
maglagay ng isang larawan ni Rizal sa kanilang mga tahanan. Nagdaraos din sila ng mga misa na
kaugnay pa rin ng misa ng Romano Katoliko ngunit mayroon silang isang kilalang dasal-awitin
na halos lagi nilang inaawit: “Ang Ama ay purihin, ang anak ay luwalhatiin, Espiritu santo’y
sumaamin.”
Sila’y sumasamba sa isang kapilyang kulay puti na may malaking tarangkahan. Sa altar
ng kanilang pook-dalanginan ay naroroon ang imahe ng Ama at Anak na kinokoronahan si Rizal
bilang pagpupugay sa bayani. Sa araw ng pagsamba, nakaapak ang lahat ng miyembro sa loob ng
kapilya at lahat ng mga ito’y nakasuot ng puting pantaas at pambaba, mapababae man o lalaki.
Ang mga kababaihan namang may katungkulan sa kanilang kulto ay nakasuot ng sayang
nakabase ang kulay sa tatlong kulay na makikita sa bandila ng Pilipinas.
Kagaya ng ibang mga relihyosong pangkat sa Bundok Banahaw, naniniwala rin sa
kapangyarihan ng mga anting-anting na hugis triyanggulo. Karaniwang triyanggulo ang kanilang
mga suot na anting-anting dahil ito raw ang perpektong hugis para kay Rizal.
Mga kasapi
Sinasabing sa kasalukuya’y may 7,000 kasapi ang samahan na nakakalat sa buong
Pilipinas. Tinatanggap ng samahan miski mga kumberti na lalaki o babae. Ang mga taong ito’y
aktibong lumalahok sa mga mahahalagang pagdiriwang sa buhay ni Rizal kagaya ng mga
selebrasyon sa kanyang kaarawan tuwing ika-19 ng Hunyo sa Laguna at sa tuwing gugunitain
ang kanyang kamatayan tuwing ika-30 ng Disyembre sa Luneta. Bilang pagdiriwang sa araw ng
11. kamatayan ng bayani, may isang lalaking sasaniban daw si Rizal at magsasalita ng mga dasal,
aral at babala sa mga miyembro ng samahan.
Konklusyon
Ang mga Pilipino’y may likas na damdaming maka-Diyos na siyang sumasalamin sa
ating mahigpit na pananampalataya buhat pa man noong panahong hindi pa nakararating ang
kolonisasyon sa buong kapuluan. Nagresulta ang pagbinyag sa mga Pilipino bilang mga
Kristiyano sa pagsulpot ng mga kulto sa mga liblib na pook ng bansa dahil sa hindi mapigilang
lakas ng katutubong paniniwala kung saan inihalo nila sa mga turo ng Kristiyanismong dala ng
mga dayuhan. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pananampalataya ng mga nabanggit
na mga kulto sa kanilang mga relihyon na silang nagpapakita ng debosyong Pilipino sa usapin ng
paniniwala sa Diyos.
_____________________________________
Sanggunian
Benjamin, M. (2017). What is a Cult? Retrieved from
https://aeon.co/essays/theres-no-sharp-distinction-between-cult-and-regular-religion
Ileto, R.C. (1979). Pasyon and Revolution: Popular Movements in the Philippines, 1840-1910.
Ateneo de Manila University Press. Quezon City.
Molave, A.T. (2014). Philippine History: A Quest for Freedom, Identity, and Progress.
Sibs Publishing House, Inc., Quezon City.
Saquilayan, V.Y. (2011). Introduction to Sociology & Anthropology with Family Planning.
Mutya Publishing House, Inc., Malabon City.
Panayam kay John Emil C. Cruz, miyembro ng Samahan ng Tatlong Persona Solo Dios