1. FILIPINO 9
Ang Inabandonang Nayon
Isinulat ni Hassan Blasim
Isinalin sa Ingles ni Jonathan Wright
“Maghintay ka, babalikan ka namin. Huwag kang lalampas sa
hangganan”.
Tila inabandona ang nayon, ngunit may gumagala pa ring mga kambing.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ako maghihintay. Gumala ako sa
inabandonang kabahayan ngunit ako’y napagod. Wala namang katiyakan
kung sa aking pagtulog ay may pag-asang nag-aabang.
Umakyat ako sa bubong ng isa sa mga bahay at nagmasid sa
paligid. Tumaas na ang usok mula sa kalapit na mga bayan dulot ng
labanan. May dalawang helikopter ng militar ang umaaligid sa
himpapawid. Napapalibutan ng taniman ng bulak (cotton) ang nayon na
kailanma’y wala pang pagkakataon na makita ang mga bulaklak nito.
Baka sa mga dokumentaryo at pelikula ko ito nakikita; hindi ko na
maaalala. Ginugol ko ang aking buhay sa pagtatrabaho sa isang
panaderya, naging drayber ng taxi at naging gwardiya ng bilangguan.
Noong sumiklab ang rebolusyon, isa ako sa mga nakikidigma. Tila mga
niyebe ang mga bulaklak ng bulak (cotton flowers), ngunit
kailangang magkunwaring artipisyal kung hindi ang bangis ng araw
ang tutunaw sa kanila.
Napansin ko ang isang babae na nakaupo sa bubong ng bahay.
Tiyak hindi niya ako nakikita. Nakaupo siya sa isang maliit na
mahabang upuan na yari sa kahoy at sinusuklayan ang kanyang
mahabang buhok ng isang luntiang suklay. Sinunog ng araw ang
kanyang balat at may isang matandang babae ang tumawag sa kanya
mula sa ibaba.
“Magbilad ka sa araw, at huwag kang umalis diyan” ang sabi
nito.
Bumuntong-hininga ang dalaga at tinakpan ng kanyang mga palad
ang mukha. Namumugto ang kanyang mga mata na parang hindi nakatulog
ng maayos. Mukhang laking-syudad, siguro nasa kalagitnaan ng 30
taong gulang ngunit may tinatago ring ganda kahit mahiyain kung
kumilos. Maingat ko siyang sinundan patungo sa loob ng kanilang
bahay at nagkubli ako sa likod ng kanyang kinauupuan na may
balahibong-tupang nakagayak. Napabalitang umiigting pa rin ang
2. labanan sa pagitan ng pwersa ng rehimen at pwersa ng mga gerilya.
Nagkaroon ng pagmamasaker, panggagahasa, pagsusugal at pinalalayas
ang mga tao sa kani-kanilang mga bahay. May iilan kinakain ang atáy
ng bangkay bilang pantawid gutom.
Nagtaka ako kung bakit hindi sila sumama sa paglikas sa
kalapit-bayan. Nagtatahulan ang mga aso na parang galit na galit.
Dali-dali akong lumabas at tumambad ang 20 asong nakatali sa harap
ng bahay. Aktong bumalik ang matandang babae at muling nagtawag sa
dalaga.
“Sawsan, bumaba ka at may nakahandang kain at sabaw sa may
kusina.”
Mula sa parapet (isang mababang pader sa gilid ng isang
bubong), nakita ni Sawsan ang matandang babae na umalis na may
dalang lubid. At siya naman ang sinundan ko. Ang putok ng mga
artilerya (gamitang pandigma) ng rehimen ay papalapit habang
dinudurog ang mga kalapit-syudad. Pumasok ang matandang babae sa
isang pinabayaang bahay na ginawang kulungan ng hayop. Ngunit,
tanging isang aso ang gumagala-gala, natatakot na parang ulol.
Hinugot ng matandang babae sa kanyang bulsa ang isang hilaw na hita
ng manok at inihagis sa aso. Agad namang sinakmal. Hinaplos ng
matandang babae ang ulo ng aso para umamo, itinalian ng lubid sa
leeg at inilabas sa kulungan.
Binalikan ko ang kinaroroonan ng dalaga. Nasa bakuran. Binasa
niya ang kanyang ulo sa lilim ng gripo upang malamigan. Naupo sa
lilim ng isang puno ng mansanas at nagsimulang humikbi. Itinali
naman ng matandang babae ang aso sa iba pang mga aso at nagmamasid
sa tahimik na nayon. Umupo ako sa sanga ng puno ng mansanas at nag-
iisip kung babalikan pa ba ako ng aking mga kasamahan. Ngunit
umaasa akong papalapit na sila. Minasdan ko ang mga ibon, ang mga
bunga ng mansanas at ang basang buhok ng dalaga. Kay ikli pala ng
buhay at umabot ng 34 na taon at kailanman hindi na magtatagal
ngunit wala akong pagsisisi. Ako’y naging matapang, at ang aking
pangalan ay magbabalik sa mga alaala ng sumusunod na henerasyon.
Bumalik ang matandang babae at sinabihan si Sawsan na kumain
kahit kaunti. Umiiyak at sinasaktan ang sarili at sumigaw ang
dalaga.
3. “Ang lupit mong ina mas gugustuhin ko pang mamatay sa gutom
kaysa mamatay sa init!”. Nabulabog ang mga ibon at tuluyang
lumipad.
Umakyat ang matandang babae. Hinablot ang braso ni Sawsan at
pinaupo sa kanyang tabi habang nakasandal sa punongkahoy. Humiga si
Sawsan sa kandungan ng kanyang ina at humikbi. Bumungad ang
kagandahan ng dalaga, payat at mukhang nasa 15 taong gulang pa ito
ngunit may kakaiba sa kanyang mga tingin na tumatagos sa kawalan.
Ngunit hindi ko alam ang mga pangyayari.
Tumunog ang selpon. Nagmamakaawa ang matandang babae na
hanapin ang kanyang bana. Gusto kong puntahan ang kinaroroonan ng
taong tumawag upang malaman kung sino ito. Hindi naman mahirap ang
magpalipat-lipat sa ibang lugar ngunit natandaan ko ang sinabi nila
na huwag lumampas sa mga hangganan ng nayon. Ayaw ko namang suwayin
ang biling iyon.
Lumipas ang mga araw at mga linggo ngunit wala pa ring
pagbabago. Wala namang ibang mapaglilibangan maliban sa pagmamasid
sa mag-ina. Patuloy pa ring pinipilit ng ina si Sawsan na pumunta
sa itaas ng bubong upang magbilad sa araw, at paminsan-minsan
namang tumatawag sa kanyang selpon upang subukang hanapin ang
kanyang bana. Sa anumang sandali, magsisidatingan ang pwersa ng
rehimen, ngunit hindi na ako natatakot sa digmaan at maging ang
buhay sa pangkalahatan. Ako’y malaya na, at isang hakbang nalang
ang aking hinihintay.
Sa wakas, nauunawaan ko na ang mga pangyayari sa mag-ina. Ang
dahilan ng ina ni Sawsan na manatili sa nayon dahil hinihintay niya
ang kanyang bana. Bago paman lumikas ang ibang tagabaryo, tumawag
ito sa kanya at sinabing hintayin siya. Tatakas daw. Nakipaglaban
siya sa mga pwersa ng gerilya sa mga kalapit-bayan. Ngunit
pagkatapos ay wala ng balita tungkol sa kanya. Hindi na sumasagot
sa tawag. Natakot naman ang ina ni Sawsan na lumikas sa ibang bayan
na wala ang kanyang bana. Ang nakasanayang buhay niya sa nayon na
dati niyang tinitirhan ay wala na, at nabubuhay ngayon sa isang
bangungot. Nabalitaan niya ang mga sundalo ng rehimen na gumagawa
ng mga kabulastugan. Tawag sa mga tao sa kanila’y mga multo at
sinasabing gagahasain ang mga kababaihan kasali ang mga bata ngunit
mas ginusto nilang ‘yung may kaputian ang balat. Kaya, nagpasya ang
ina ni Sawsan na ibilad siya sa init. Marahil sa isip niya hindi
4. nila gagalawin ang kanyang anak kung ang kanyang balat ay
kasingkulay ng sunog na tinapay na sebada (barley). May baril ang
kanyang ina bilang pag-iingat na rin. Itinipon din niya ang lahat
ng mga aso sa kanilang nayon para itinali sa harap ng kanilang
bahay upang takutin ang sinumang magbabalak na lumapit sa kanilang
bahay. Parehong natatakot sina Sawsan at ang kanyang ina. May
iilang beses na ring naisip ni Sawsan na tumakas ngunit hindi niya
alam kung saan siya pupunta.
Isang gabi nahiga ako sa isang lumang upuang kahoy, at ang
matandang babae naman ay nakasalampak sa karpet at nanonood ng
balita habang pinupunasan ng basang tuwalya ang sunog na mukha ni
Sawsan. Ipinaalahanang uminom ng maraming tubig si Sawsan. Biglang
nagbrown-out sa buong nayon. Nagsindi ng lamparilya ang ina at
nagtungo sa bakuran para tumawag uli sa selpon. Kinuha ni Sawsan
ang makapal na libro na nasa patungan ng telebisyon. May dalawang
libro ang mayroon sa kanilang bahay – ang Qur’an at ang libro ng
mga kwentong klasikal na binili ng kanyang ama noong sampung taong
gulang pa lamang siya. Bumalik naman ang kanyang ina na malungkot
at nag-aalala.
“Inay, pakinggan mo itong kwento”, ang sabi ni Sawsan sa
kanyang ina:
Si Shamseddin ay isang haring mapang-api, nakukuha ang kanyang
gusto at walang awa sa kanyang nasasakupan. Mayroon siyang alagang
elepante na pinakamamahal. Hindi niya pahihintulutan ang sinumang
taong manakit at haharang sa kanyang alaga habang ito ay pagala-
gala sa mga kalye, sa mga palengke at naninira sa lahat na madaanan
nito. Malaking pinsala ito sa mga mamamayan, ngunit wala silang
magagawa dahil sa takot na magalit ang kanilang hari. Isang araw,
nagtipon-tipon ang mga taong-bayan at nagpasyang hilingin sa hari
na bantayan ng maigi ang mga kinikilos ng elepante o ipatapon ito
sa ibang lugar. Pumasok sa palasyo ang mga tao ngunit nanaig ang
takot nang sandaling lumitaw si Shamseddin na napapaligiran ng
kanyang mga sundalo at tagabantay. Ang lahat ay umatras. Kung hindi
lang kinandado ng tagabantay ang pinto sa likuran ay malamang
nakatakas na silang lahat. Matapos ang isang mahabang katahimikan,
isang matandang sheikh (matandang lider) ang nagpasyang magsalita.
Aniya,
5. “Kamahalan, ang iyong elepante…” pagkatapos ay tumigil siya sa
pagsasalita. Iniisip niyang tatapusin ng iba ang pakiusap niya,
ngunit napansin niya na tahimik ang iba. Galit namang tumugon si
Shamseddin at nagwika,
“Ano ang nangyari sa aking pinakamamahal na elepante?
Magsalita ka!”
Nanginginig sa takot ang sheikh at nag-isip ng paraan para
lusutan ang kanyang naunang nasabi.
“Kamahalan, ang iyong elepante ay naging malungkot. Kung
pupwede sana may isa pang elepante na kanyang makakasama!” at
humalakhak si Shamseddin.
“Tama ka, sheikh! ministro, dalhan mo ako ng isa pang
elepante! Bilis!” ang sabi ng hari. Nakakuha nga ng isang elepante
ang hari samantalang ang mga taong-bayan naman ay galit na galit sa
hari. Naglakas loob silang pumunta ulit sa hari para magreklamo at
katulad nung una nagtapos ang kanilang pakiusap na dagdagan ng isa
pang elepante ang kanyang alaga. Magkailang beses na ring binisita
nila ang hari at sa bawat pagpunta nila’y nadaragdagan ang bilang
ng mga alagang elepante. Hanggang ang bayan ay napupuno ng mga
elepante at unti-unti namang lumikas ang mga taong-bayan.
Sinusumbatan naman ng ilang nanatili sa bayan ang mga naduruwag. Sa
huli, wala ng tao ang nakatira sa bayan tanging ang hari at ang mga
elepante na lamang ang naghari-harian sa bayan.
“Ano ang masasabi mo sa kwento, inay?” ang tanong ni Sawsan.
“Hindi ko alam anak, wala akong alam, ang tanging meron tayo
ay ang Dios” ang sagot naman ng ina.
Nagpatuloy si Sawsan sa pagbabasa. Samantalang nagtungo naman
ang ina niya sa kusina, bumalik na may dalang tinapay at apricot
jam. Nauulinigan namin ang putok ng baril. Hinipan ng ina ang sindi
ng ilaw. Kumaripas akong tumakbo sa labas na kung saan nakita ko
ang limang gerilyang nakasakay ng pick-up na hinahabol ang piloto
at ang ibang kasamahan nito. Matagumpay nilang napasabog ang
sinakyang helikopter at natunton ang kinaroonan ng mga piloto
matapos makapaglanding ang kanilang parachute. Pistola ang bitbit
ng isang piloto habang Kalashnikovs (riple ng Russia) naman ang
iba. Matapos makaputok ng tatlong beses ang piloto ay tumakbo ito
sa tapat ng bahay nila Sawsan. Bumalik ako sa loob ng bahay.
Nababakas sa mukha ng ina ang takot. Dinukot ang pistolang nakatago
6. sa kanyang damit at umupo sa tabi ng anak. Matagumpay namang
nakapasok sa loob ng bahay ang piloto.
“Sumuko ka na! hindi ka na makalalabas ng buhay!” ang sigaw ng
isa sa mga gerilyang umaaligid sa labas ng bahay.
Wala siyang mapagpipilian at naubusan na rin ito ng bala. Kaya
lumabas at sumuko. Pinalibutan ang piloto ng mga gerilya at sinipa
hanggang ito ay matumba. Sinubukan pang pinatayo. Sinaksak ng isang
lalaki ang piloto habang sumunod naman ang iba sa pagpaslang. Ang
piloto ay bumulagta at naliligo sa kanyang sariling dugo. Kinuha ng
lalaki ang gasolina sa likod ng kanilang sinakyang pick-up at
sinunog ang bangkay samantalang panay kuha naman ng larawan ang isa
pang kasamahan sa nasusunog na bangkay.
“Allahu akbar!” ang sigaw nila, bumalik sa kanilang sinakyan
at pinagbabaril ang kabahayan bilang simbolo ng tagumpay.
Papalapit ang mga gerilya sa bahay nina Sawsan. Napansin ang
mga asong. nakatali sa bakuran. Pumanaog sila at nanggigigil na
pinaulanan ng bala ang mga aso. Akala ng ina ni Sawsan ay kaluluwa
na silang pareho dahil sa sunod-sunod na pagratrat na tumatagos ang
mga bala sa kanilang bahay. Itinutok ng ina ang baril sa ulo ni
Sawsan at ipinutok. Ipinasok naman ang baril sa kanyang bibig at
tinangkang magpapakamatay. Dahil sa sunod-sunod na putok ng
Kalashnikovs at tahol ng mga aso, hindi narinig ng mga gerilya ang
putok sa loob ng bahay.
Nanaig ang katahimikan sa nayon ng binaril ang kahuli-hulihang
aso na nasa bakuran. Umalis ang mga gerilya ang nayon. Sa loob ng
bahay, nakaluhod ang matandang babae hawak ang pistola. Wala siyang
lakas-loob na tingnan si Sawsan. Ang sunog na mukha ng kanyang anak
na nababalot sa sariling dugo.
Hindi kumilos at tulala pa rin ang matandang babae hanggang
sumikat ang araw. Pinagmasdan ko ang mga asong pinaslang.
Naghihingalo ang isa. Hinintay kong lisanin ng kaluluwa ang katawan
ng aso para makasama ko habang ako’y naghihintay. Binuksan ng
matandang babae ang pinto. Nasa kamay pa rin niya ang baril.
Naglakad siya na hindi alam ang patutunguhan. Binabaybay ang
taniman ng bulak at patuloy na naglalakad na balisa. Gusto ko
sanang sundan kung kikitilin rin ba ang kanyang sarili ngunit nasa
hangganan na siya ng nayon at tinungo ang sikat ng araw.
7. Maraming naganap matapos ang malagim na pangyayari sa nayong
iyon. Nabawi muli ng mga pwersa ng rehimen ang kanayunan at maging
ang mga gerilya ay nakontrol. Nagsisidatingan din ang International
Humanitarian Organizations upang makahanap at makakolekta ng mga
ebidensya tungkol sa krimeng nangyayari. Tila mga referee na
nagbibilang kung sino ang makakapuntos.
***
Ako’y isang sniper na nakikipagdigma kasama ang Mga Anak ng
Dios na mujahideen (mandirigmang gerilya sa Islamic na lugar).
Isang taon at kalahati din akong nagserbisyo sa rehimen bilang
sundalo. Sa huli, binomba’t pinasabog ng mga eroplano ang aking
pinagtaguang lugar. Hinila nila ang aking luray-luray na katawan,
sinipa at inihian. Hindi ko pinansin kung paano nila binaboy ang
aking bangkay. Marangal ang mamatay sa digmaan. Makakaharap ko ang
Dios na may malinis na konsensya. Mabigyan man lang ng hustisya ang
aking pagkamatay sa tulong ng isang dating kakilala na ngayon ay
may mataas na panunungkulan para ayusin ang proseso ng kaso. Sila
ang nagdala sa akin sa nayong ito. Iniwan nila akong mag-isa at
sinabing maghintay ako at huwag lumampas sa mga hangganan ng
inabandonang nayon at dadalhin ang aking bangkay sa Paraiso. Hindi
ko alam kung naghihintay rin ang aking mga kasamahan.
Mahaba-haba rin ang aking paghihintay. Naglagalag ako sa
disyerto ng nayon. Nasaksihan ko ang pananamit ng tagabaryo, ang
kanilang kaldero’t kawali, ang mga laruang pambata at mga kalansay
ng kanilang alagang hayop. Natuyo rin ang taniman ng bulak. Madalas
akong naiinip, ngunit ito ang naging susi upang madiskubre ko ang
aking kakayahan. Nakakasama ko ang mga ibon na lumilipad na nasa
mga sanga at bubong ng bahay. Nakikipaglaro ako sa hangin,
sumasabay sa pagkakahulog ng mga dahon ng puno. Gumagapang kasabay
ng mga uod para lituhan ang mga insekto. Nagagawa ko ang lahat na
hindi man lang natatakot at nagugutom. Hindi na ako gagambalain ng
kalungkutan kailanpaman dahil unti-unti na ring naglalaho ang aking
mga alaala.
Isang umaga habang nilalabanan ko ang inip, umupo ako sa lilim
ng puno ng mansanas sa tapat ng bahay nina Sawsan. Iniisip ko
nalang na: Paano kung ang inabandonang nayon na mismo ang paraiso?