2. nila ang paglitaw ng higanteng si Amok sa may
paanan ng bundok. Kinuha nito ang isang
magbubukid at agad na nilulon. "Wala nang
sasarap pa sa maruruming tao! Blurp," dighay ng
higante. "Wala tayong laban sa higante,"
panlulumo ng isang binatang nangungutib ang
kamiseta.
"Mabuti sigurong umalis na lamang tayo sa
Tungaw," mungkahi ng mga matatandang
kutuhin. Iwanan kaya nila ang kanilang maruming
bayan? "Hindi natin maaaring iwan ang ating
bayan. Dapat natin itong ipagtanggol,"
mahigpit na sabi ng hari.
"Nasasarapan ang higanteng Amok sa ating
karumihan. Kailangan nating maglinis upang
iwanan tayo ng higante," utos ng hari. Nagwalis
ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba
ang kalalakihan. Saka sila naghandang muli upang
ipagtanggol ang kanilang bayan.
Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan
nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit parang walang
puso ang higante. Hindi ito nasasaktan. Nilulon ng
higante ang ibang kawal at dinakip ng buhay ang
ilang taumbayan.
"Wala sa dibdib ang puso ng higante kaya't hindi
siya mapatay," paalala ng isang matanda.
"Nasaan kaya?", tanong ng hari.
"Walang sinumang nakakaalam", sagot ng
matanda.
Nag-isip nang paraan ang hari upang matuklasan
kung paano mapapatay ang higante. Nang
minsang mabusog ito, nagkunyaring nahimatay
ang hari. Napasama siya sa mga dinakip ng buhay.
Nang makarating sa kuweba, isang batang higante
ang sumalubong kay higanteng Amok.
"Narito ang pagkain mo. Matuto kang
magtipid. Marunong nang maglinis at magtago
ang mga taong marurumi," saka muling umalis
ang higante.
Biglang bumangon ang hari at hinugot ang
espada. Natakot ang batang higante.
"Hindi ko na po kayo kakainin, huwag ninyo akong
patayin," pagmamakaawa nito sa hari.
"Nasaan ang puso ng iyong ama?," sigaw ng hari.
"Hindi mo dapat malaman!," iyak ng batang
higante.
"Kung gayon ay papatayin kita!," matapang na
sabi ng hari. "Nasa ilong ang puso ng aking ama
kaya't nasasarapan siya sa inyong kabahuan at
karumihan," nangangatog na sagot ng batang
higante.
Itinali ng hari ang batang higante at pinakawalan
ang mga taong nakakulong sa kuweba. Hinanap
ng makisig na hari ang higanteng Amok. Naabutan
niya ito sa bayan.
Umakyat sa puno ang hari at tinaga sa ilong ang
higante. Namilipit ito sa sakit. Pinagtulungan
nilang itali kasama ng batang higante. Sinunog ng
taong bayan ang mag-amang higante sa gitna ng
tambak nilang basura.
"Hindi n'yo kami mapapatay. Hangga't marumi
ang inyong paligid, babalik kami at sisipsipin ang
inyong mga dugo!," sigaw ng higanteng Amok
bago siya matupok ng apoy.
Itinapon ng taumbayan ang mga abo ng mag-
amang higante sa maruming ilog. Tumahimik na
muli sa bayan ng Tungaw. Ngunit nagulat ang
lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may
maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing
gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.
3. Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng
Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng
mga taga- Tungaw ang kanilang maruming ilog.
Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng
dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan
ang mga insektong, Lamok.
ALAMAT NG IBONG MAYA
Si Rita ay batang lubhang malikot. Ang
kanyang ina ay laging naiinis sa mga ginagawa
niyang hindi dapat gawin ng batang katulad niya.
Isang araw, ang kanyang ina ay nagbayo ng
palay. Si Rita ay nanood sa kanyang ina. Siya'y
gutom na gutom sapagka't galing siya sa
laruan. Nang mayroon ng isang salop ang
nabayong bigas, si Rita ay nagsimula nang kumain
ng bigas. Ang lalagyan ng bigas ay malaki at may
takip na bilao. Ngayon natakpan siya ng
bilao. Hindi nahalata ng ina. Nang matapos na
ang ina sa kanyang pagbabayo, tinawag niya si
Rita upang mautusan sa pagtatago ng
binayo. Hindi sumagot si Rita. Hinanap ng ina sa
lahat ng taguan, wala rin si Rita roon.
Nang kanyan buhatin ang lalagyan ng bigas
may lumabas na maliit na ibon galing sa
loob. Kumakain ng bigas ang ibong iyon. Ang
ibong iyon ay si Rita, ang tinatawag ngayong
maya.
Noong unang panahon ay may mayamang
mag-asawa, sina Mang Dondong at Aling Iska.
Mayroon silang labindalawang taong gulang na
anak na babae na nagngangalang Maria. Mahal
na mahal nila ang kanilang anak.
Si Maria ay responsible at masuring anak.
Siya ay masipag at mabait, dahil dito ay gusto siya
ng lahat.
Ngunit ang pagkamahiyain ay isa sa
natatanging katangian ni Maria. Dahil sa mahiyain
ay ilang sya sa pakikipag-usap sa mga tao. Para
maiwasan niya ang makita o makisalamuhan sa
mga tao, ay palagi niyang kinukulong ang sarili
niya sa kanyang silid.
ALAMAT NG MAKAHIYA
Mayroong hardin ng mga bulaklak si Maria.
Ang mga bulaklak ay magaganda at alam ito ng
buong bayan. Matiyaga at magiliw niyang
inaalagaan ang kanyang mga halaman. Sapagkat
dito siya nakakakita ng kaligayahan.
Isang araw, ay kumalat ang balita na isang
grupo ng mga bandido ang sumalakay sa kalapit
bayan. Pinapatay ng mga bandido ang mga tao at
tinatangay ang salapi ng mga residente.
Kinabukan, ang mga bandido ay dumating kung
saan naninirahan si Mang Dondong at Aling Iska
at ang anak na si Maria. Nakita ni Mang Dondong
na parating ang mgabandido, nagdesisyon siya na
itago si Maria sa hardin para sa kaliktasan nito.
Nagtago si Aling Iska sa kanilang bahay,
nanginginig sa takot habang naririnig niyang pilit
binubuksan ng mga bandido ang kanilang
tarangkahan. Siya ay nagsambit ng panalangin
para sa paghahanda kung ano man ang maaaring
mangyari.
4. “Aking Panginoon!” panalangin ni Aling Iska.
“Iligtas nyo po ang aking anak.”
Biglang nabuksan ang pinto. Pumasok ang mga
bandido sa bahay at pinalo sa ulo si Mang
Dondong. Nawalan ng malay si Mang Dondong at
bumagsak sa lapag. Sinubukan na tumakas ni
Aling Iska pero pinalo rin siya sa ulo.
Ginalugad ng mga bandido ang buong bahay.
Matapos kuning lahat ang salapi at alahas,
hinanap nila si Maria. Pero di nila nakita ito.
Umalis na ang mga bandido para nakawan ang
ibang pang bayan.
Nang matauhan na ang mag-asawa ay
nakaalis na ang mga bandido. Nagmadali silang
pumunta sa hardin para hanapin si Maria. Pero
wala doon si Maria. Muli, ay hinanap nila ang
kanilang anak sa lahat ng sulok ng hardin pero
wala doon ang kawawang si Maria.
“Ang anak ko! Tinangay nila ang anak ko!”
iyak ni Aling Iska
Biglang-bigla ay naramdaman ni Mang
Dondong na may tumusok sa kanyang mga paa.
Nagulat siya dahil may nakita siyang isang maliit
na halaman na mabilis na tumitiklop ang mga
dahon nito. Ito ang unang beses na makakita ng
ganitong uri ng halaman. Siya ay lumuhod at
tinitigang mabuti ang halaman, ganon din ang
ginawa ni Aling Iska. Pagkatapos ng matagal na
panahon na tinitigan ang halaman, ang mag-
asawa ay naniwalang ang halaman iyong ay si
Maria. Ginawang halaman ng Panginoon si Maria
para mailigtas sa mga bandido.
Hindi mapigilan di mapaiyak si Aling Iska at
Mang Dondong, ang bawat luha na pumapatak sa
halaman ay nagiging isang maliit, bilog na kulay
rosas na bulaklak.
Magmula noon ay inalagaan nila ng mabuti
ang halaman. Naniniwala sila at alam nila na ang
halaman ay ang anak nilang si Maria. Katulad ng
kanilang anak, ang halaman ay mahiyain din.
Dahil dito ay tinawag nila itong “makahiya”, dahil
nagtataglay ito ng katangian ni Maria –
pagkamahiyain – at tinawag na nga itong
“makahiya”.
5. NILUBID NA ABO
Sa isang kaharian ay bantog ang katalinuhan
ng isang binatilyo. Siya si Catalino, na nakagawian
nang tawagin ng kanyang mga kanayon na Talino.
Iyon ang kanyang palayaw at waring akmang-
akma naman sa kanyang angking katalinuhan.
Palabasa si Catalino. Silang mag-anak ay
mahirap lamang at ang tanging yamang
itinuturing ni Catalino ay ang ubod ng dami niyang
mga aklat at iba’t ibang babasahin. Wala siyang
libangan kundi ang magbasa pagkatapos ng
kanyang mga gawain.
Nakatutulong nang malaki si Catalino sa
kanyang mga kanayon. Dahil sa marami siyang
kaalaman na nakukuha niya sa pagbabasa,
maraming mabubuti at matatalinong mga payo
ang naibibigay niya sa kanila. Nabibigyan niya ng
payo ang mga kanayon tungkol sa pagsasaka,
pagtatanim at paghahalaman, pag-aalaga ng mga
hayop, pagpapagawa ng bahay, pagpapahukay ng
balon at mga poso, paglilipat ng bahay, pati ang
panggagamot sa mga di-kabigatang karamdaman.
Kaya naman mahal na mahal siya ng kanyang
mga kanayon. Maging ang mga taga-ibang nayon,
malapit man o malayo, ay nakikilala na si Catalino
at alam na ng marami ang kanyang katalinuhan.
Ang lahat ng mga balita tungkol sa
matalinong binatilyo ay nakararating sa kabatiran
ng hari. Higit na sikat pa raw si Catalino kaysa sa
hari. Ayaw ng hari ng ganitong nangyayari. Baka
dumating ang araw na makuha ni Catalino sa hari
ang pamumuno sa kanyang kaharian. Nabahala
ang hari.
“Maaari nga pong mangyari ang
kinatatakutan ninyo, Mahal na Hari,” ang sabi pa
ng isang taga-payo.
“Ang lalong mabuti ay ipakulong natin siya,”
anang isang tagapayo naman.
“Ngunit hindi natin maaaring ipakulong nang
basta-basta ang isang taong wala namang
ginagawang pagkakasala,” sagot ng isa pang
tagapayo. Marami pang mga usapan hanggang sa
ang nabuong balak ay pagawain si Catalino ng
isang bagay na tiyak na hindi niya magagawa. At
ito ay ipagagawa sa plasa sa harap ng maraming
tao at kanyang mga tagahanga. Kapag hindi
nagawa ni Catalino ang ipagagawa sa kanya,
pagtatawanan siya ng mga tao.
Ipinatawag si Catalino sa palasyo. Sa harap ng
mga tagapayo ay kinausap siya ng hari.
“Nabalitaan ko ang iyong maraming kaalaman.
Ikaw raw ay matalino. Nakagagawa ka ng
maraming matatalinong bagay. Nabibigyan mo
raw ng matalinong payo ang mga tao. Totoo ba
ito?” ang tanong ng hari.
“Ang mga tao po ang nagsasabi niyan. Hindi
po ako,” sagot ni Catalino. “At ang ibinibigay ko po
sa kanilang payo ay hindi sa sarili ko galing.
Nakukuha ko po ito sa aking mga pagbabasa.”
“Saan mo nakukuha ang mga karunungang iyan?”
ulit ng hari.
“Sa mga aklat po at sa paaralan ng buhay,”
sagot ni Catalino. Nag-ungulan ang mga tagapayo.
Waring pati ang hari ay napapaniwala na ni
Catalino. Bumulong ang punong tagapayo sa hari.
“Catalino!” ang malakas na sabi ng hari.
“Ako’y may ipagagawa sa iyo. Huwag mo akong
bibiguin. Masama akong hindi sundin,” sabi pa ng
hari. “Naiintindihan mo ba?”
“Opo, Mahal na Hari,” sagot ni Catalino. “Sa
abot po ng kaunti kong kaalaman ay sisikapin kong
masunod ang inyong utos.”
6. Hinintay ni Catalino ang ipag-uutos ng hari.
Binasa ng isang alagad ng hari ang kautusan.
“Bukas ng umaga, magdala ka rito ng nilubid na
abo. Kapag hindi mo ito nagawa,
nangangahulugang hindi ka pala sadyang
matalino at niloloko mo lamang ang mga tao.
Nagkasala ka sa bayan kaya kailangang pugutan ka
ng ulo,” anang tagabasa.
Umuwi si Catalino sa kanilang nayon.
Kanyang pinag-isipan ang ipinagagawa ng hari.
Alalang-alala ang kanyang ama’t ina. Labis na nag-
aalala rin ang kanyang mga kanayon. Wala naman
silang maitulong kay Catalino. Ipinagdasal nila na
sana ay magawa nito kung anuman ang
ipinagagawa ng hari.
Kinabukasan, maagang nagising ang mga tao.
Pumunta ang marami sa plasa. Doon ibibigay ni
Catalino sa hari ang nilubid na abo. Maingat na
dinala ni Catalino ang natatakpang kahon.
Marahang inilapag sa harap ng hari ang
bandehadong malapad. Naroon ang nilubid na
abo. Nagulat ang hari. Hindi akalain ng hari at ng
kanyang mga tagapayo na magagawa ni Catalino
ang nilubid na abo.
“Nilubid na abo!” ang wika ng lahat.
Magalang na yumukod sa hari si Catalino. Wala
itong pagmamalaki o anumang bahid ng yabang.
Ang naroo’y kababaang-loob. Nilubid pala ni
Catalino ang abaka at saka niya marahang sinunog
hanggang sa maging abo na hindi natatanggal ang
pagkakalubid.
Lalong humanga ang mga tao kay Catalino.
Pati na ang hari ay humanga rin hindi lamang sa
talino kundi sa kabaitan at kababaang-loob ni
Catalino.
Dahil dito, kinuha siya ng hari bilang tagapayo
sa palasyo. Nabigyan ni Catalino ng mabubuting
payo ang hari tungkol sa pamamalakad kaya’t
naging maunlad ang kaharian.
MODELONG BATA
Isang hapon nang papauwi si Danilo galing sa
paaralan, siya’y hinarang ng limang batang lalaki.
Ang mga ito ay naghahanap ng basag-ulo.
Pinatigil si Danilo sa paglakad at pinagsalitaan
ng isa, “Kung talaga kang matapang ay lumaban
ka. Pumili ka ng isa sa amin na kasinlaki mo,” ang
hamon.
Malumanay na sumagot si Danilo, “Ayaw ko ng
away. Bakit ako lalaban sa inyo? Hindi naman tayo
nagkagalit!”
“Umiiwas ang Boy Scout sa away.”
“Lumaban ka!” at dinuraan ang mukha ni
Danilo. Ang lumait na bata ay maliit kaysa kay
Danilo. Siya’y mayabang at nagmamagaling.
Muling hinamon si Danilo, “Ikaw ay isang duwag!”
“Kaibigan ako ng sinuman. Ang sabi ng titser ay
dapat akong magpaumanhin sa umaaglahi sa
akin!”
“Totoong maraming dahilan! Lumaban ka
kung lalaban. Isa kang duwag!” at sinipa si Danilo.
Nakiusap si Danilo, “Ako’y aalis na. Hinihintay ako
ng aking ina. Ayaw niyang ako’y gabihin sa pag-
uwi!”
Lumakad nang paunti-unti si Danilo. Siya’y
sinundan ng mga batang mapanudyo. Sila’y
nakarating sa puno ng tulay.
Sa ilalim ng tulay ay may narinig silang
pagibik, “Sag… gi… pin… ninyo ako! Tulong!” Isang
bata ang nalulunod!
7. Walang kumilos sa mga batang
nagmamatapang. Mabilis na lumusong si Danilo
sa pampang ng ilog. Ibinaba niya ang mga aklat at
naghubad na dali-dali. Lumukso at nilangoy ang
batang sisingab-singab.
Nang mga unang sandali’y nahirapan si
Danilo sa pagkawit at pagsakbibi sa bata ng
kanyang kaliwang kamay. Ikinaway niya ang kanan
sa paglangoy. Ang dalawa’y dinala ng mabilis na
agos. Malayo sila sa pampang subalit sa katagala’y
nakaahon.
Ang mga batang iba ay nakapanood lamang.
Nakita ng pinakalider ng gang na ang bata palang
sinagip ni Danilo ay kanyang kapatid. Siya’y
nagpasalamat kay Danilo at humingi ng tawad,
“Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo ako sa
aking ginawa kanina. Ngayon ko nabatid na ang
katapangan ay hindi nasusukat sa salita kundi sa
gawa at tibay ng loob!”
DALAWANG LAPIS
Isang hapon, dalawang lapis na kapwa
nalaglag sa playground ng paaralan mula sa
dalawang batang mag-aaral ang nagkatagpo at
sila ay nag-uusap.
Lapwan: “Hoy, laptu, kumusta ka?”
Laptu: “Mabuti, ikaw, Lapwan, kumusta ka rin?”
Lapwan: (Umiling-iling) “Hindi mabuti, kaibigan.”
Laptu: “Kung hindi mabuti, marahil ay masama.
Gayon nga ba?”
Lapwan: “Oo, gayon nga.”
Laptu: “Bakit naman?”
Lapwan: “Dahil ang amo ko ay hindi mabuting
amo. Mahina sa klase. Salbaheng bata. Kung anu-
anong kalokohan ang ginagawa at ipinagagawa sa
akin.”
Laptu: “Ano’ng ibig mong sabihin ng mga
‘kalokohan’? Anu-ano ba ‘yon?”
Lapwan: (Bumuntung hininga) “Napakaraming
kalokohan, pero ilan lamang ang sasabihin ko sa
iyo at sapat na ‘yon. Heto… Ako’y madalas niyang
isulat at ipagdrowing sa baro ng mga kaklase
niyang nakatalikod sa kanya pag hindi nakatingin
si Titser. Isinusulat din niya ako at
ipinangdodrowing sa dingding ng classroom, sa
desk at kung saan-saan pa. At isang araw, nang
may nakagalit siyang kaeskuwela, ay ginamit niya
akong panaksak. Isinaksak niya ako sa kanyang
kaaway, at mabuti na lamang at nakailag ito at
kumaripas ng takbo.”
Laptu: “Hindi nga pala mabuti. (Umiling-iling.)
Hindi nga pala mabuti.”
Lapwan: “Ikaw naman, bakit mabuti ang buhay
mo?”
Laptu: “Dahil ang amo ko ay isang mabuting amo.
Marunong siya at mabait. Hindi gumagawa ng
anumang kalokohan, hindi nakikipag-away. Ako’y
ginagamit niya lamang sa pagsulat sa kanyang
notebook at pad paper. Sa mga test at
examination ay ginagamit din niya ako at madalas
ay 100! At sinulatan ng ‘Very Good’ ng mga titser
niya ang mga ipinagawa niya sa akin, sulat o
drowing man. Ikaw ano ang mga grades na
natatamo ng iyong amo kapag ginagamit ka
niya…?”
Lapwan: “Ay naku, nakakahiya ang mga grades ng
amo ko. Madalas ay itlog o zero. Kung minsan ay
hindi ako ginagamit ng amo ko kung may test sila.
Nagkukunwari lamang siyang sumulat. Minsan
nga’y nahuli siya ng titser niya at siya’y
napagalitan. Walang pag-asang makapasa ang
amo ko. Mabuti pa’y magtanim na lamang siya ng
kamote!”
Laptu: (Napatawa ng Malakas) “Kawawa ka
naman. Teyka, bakit nga pala ganyan ang ayos
mo? Parang nginatngat ng daga ang pagkakatasa
sa iyo…”
8. Lapwan: (Bumuntong-hininga naman) Alam mo,
kaya ganito ang tasa ko, nakalimutan ng amo kong
patasahan ako sa kanyang Tatay sa bahay nila. At
kanina, nang magpasulat si Titser, ay tinasahan
ako ng dali-dali ng amo ko sa pamamagitan ng
kanyang mga ngipin!”
Laptu: “Ay naku, talaga palang nakakaawa ka.
Tama nga pala ang sagot mong ‘Hindi mabuti’
nang kumustahin kita. Kung matutulungan
lamang kita… Pero, huwag kang mawawalan ng
pag-asa. Baka mapulot ka ng isang mabait at
marunong na mag-aaral!”
LAHING MATAPANG
Minsan sa isla ng Mactan
Nagpang-abot si Lapu-lapu at Magellan
Si Lapu-lapu ay sadyang matapang
Napatay ang dayuhang si Magellan
Doon naman sa isla in Bohol
Si Dagohoy naman ang taga-pagtanggol
Lumaban sa mga mapang-aping kastila
Hindi sumuko hanggang namayapa
Sa isla naman ng Luzon
Si Andres Bonifacio nangulo ng rebolosyon
Lumaban para sa ating kalayaan
Buhay ay inalay para sa bayan
Sila'y mga bayani na ating bayan
Lahing Pilipino at lahing matapang
Kanilang mga dugo sa ugat ko'y nananalaytay
Para sa bayan buhay ay handang ialay.
NANAY AT TATAY
Nanay ko mahal na mahal kita
Di ko po kayang mabuhay kung ika'y mawawala
Ikaw ang liwanag at pag-asa sa aking buhay
Ang aking kinabukasan ay nasa inyong kamay
Tatay ko salamat po sa lahat
Kami nabubuhay dahil sa iyong pagsisikap
Ikaw ang haligi ng ating tahanan
Mahal ko po kayo magpakaylan man
Nanay at Tatay salamat sa inyong pagmamahal
Sana kayo'y pagpalain yan ang aking munting
dasal
Kayo ang biyaya ng langit para sa akin
Upang lumaking mabait at masunurin.
9. MALAYONG PAARALAN
Kilo-kilometro ang aking linalakad
Dahil mahirap lang at kapus palad
Uhaw at pagod ay titiisin
Upang malayong paaralan ay marating
Ulan at init ay di ko alintana
Makapag-aral lang ay masaya na
Edukasyon lang ang tangi kong pag-asa
Dahil sa kahirapan ako'y sawa na
Walang pong baon kundi kanin
Ulam ay di problema may dalang asin
Mga pangungutya ay di ko pansin
Gagawin lahat upang pangarap marating.
ANG PUNONG KAWAYAN
Sa isang bakuran, may ilang punungkahoy na
may kanya-kanyang katangian. Mabunga ang
Santol, mayabong ang Mangga, mabulaklak ang
Kabalyero, tuwid at mabunga ang Niyog. Ngunit
sa isang tabi ng bakuran ay naroroon ang payat na
Kawayan.
Minsan, napaligsahan ang mga
punungkahoy. Tingnan ninyo ako, wika ni Santol.
Hitik sa bunga kaya mahal ako ng mga bata.
Daig kita, wika ni Mangga. Mayabong ang
aking mga dahon at hitik pa sa bunga kaya
maraming ibon sa aking mga sanga.
Higit akong maganda, wika ni Kabalyero.
Bulaklak ko'y marami at pulang-pula. Kahit
malayo, ako ay kitang-kita na.
Ako ang tingnan ninyo. Tuwid ang puno,
malapad ang mga dahon at mabunga, wika ni
Niyog. Tekayo, kaawa-awa naman si Kawayan.
Payat na at wala pang bulaklak at bunga. Tingnan
ninyo. Wala siyang kakibu-kibo. Lalo na siyang
nagmumukhang kaawa-awa.
Nagtawanan ang mga punungkahoy.
Pinagtawanan nila ang Punong Kawayan. Nagalit
si Hangin sa narinig na usapan ng mga
punungkahoy. Pinalakas niya nang pinalakas ang
kanyang paghiip. At isang oras niyang pagkagalit
ay nalagas ang mga bulaklak, nahulog ang mga
bunga at nangabuwal ang puno ng mayayabang
na punungkahoy. Tanging ang mababang-loob na
si Kawayan ang sumunud-sunod sa hilip ng
malakas na hangin ang nakatayo at di nasalanta.
Mensahe: Ang kababaang-loob, papuri ang dulot.
10. ANG KALABASA AT ANG DUHAT
Noong unang panahon nagtanim si Bathala
ng kalabasa at duhat. Gusto niyang makita kung
papano magsilaki ang mga ito. Dahil si Bathala ang
nagtanim, kaydali nilang lumaki. Si Duhat ay
lumaki pataas na ang itinuturo’y kalangitan, at
ilang araw pa ay nakahanda na itong
mamunga.Sabik na sabik na akong mamunga,
wika ni Duhat. Si Kalabasa naman ay humaba,
ngunit hindi tumaas. Gumapang lang ito nang
gumapang, hanggang sa ito’y nakatakda nang
mamunga.
Ngunit hindi malaman ni Bathala kung anong
uri ng bunga ang ipagkakaloob niya sa dalawang
ito. Matamang nag-isip si Bathala.
Ang duhat na nilikha ko’y malaki, nararapat
lamang na malaki rin ang kanyang bunga. At si
Kalabasa naman ay gumagapang lamang, at
walang kakayahang tumayo, nararapat lamang na
ang mga bunga nito’y maliliit lamang. Wika ni
Bathala.
Ganyan nga ang nangyari. Si Duhat ay
namunga ng sinlaki ng banga. Agad niyang nakita
na hindi tama ito, sapagkat nababali ang mga
sanga nito dahil sa bigat ng bunga. Si Kalabasa
nama’y hindi bagay dahil maliit ang bunga. Di
pansinin ang mga bunga nito lalo’t natatakpan sa
malalapad na dahon.Muling nag-isip ng malalim si
Bathala. Tunay na hindi siya nasiyahan.
Napagpasiyahan niyang ipagpalit ang mga
bunga ng mga ito. At napatunayan niyang tama
ang kanyang ginawa, sapagkat ang kalabasa,
mahinog man ito’y hindi malalaglag dahil ang
puno ay gumagapang lamang. Samantalang ang
duhat, malaglag man ay magaan, hindi masisira at
ginawa naman niyang kulay berde ang kalabasa sa
dahilang ito’y malayo sa araw. At kulay itim
naman ang duhat. Pagkat ito’y malapit sa araw.
At sa kanyang ginawa’y nalubos ang
kasiyahan ni Bathala.
SI MARIANG MAPANGARAPIN
Magandang dalaga si Maria. Masipag siya at
masigla. Masaya at matalino rin siya. Ano pa't
masasabing isa na siyang ulirang dalaga, kaya lang
sobra siyang pamangarapin. Umaga o tanghali
man ay nangangarap siya. Lagi na lamang siyang
nakikitang nakatingin sa malayo, waring nag-iisip
at nangangarap nang gising. Dahil dito, nakilala
siya sa tawag na Mariang Mapangarapin. Hindi
naman nagalit si Maria bagkos pa ngang ikinatuwa
pa yata niya ang bansag na ikinabit sa pangalan
niya.
Minsan niregaluhan siya ng isang binata ng
isang dosenang dumalagang manok. Tuwang-
tuwa si Maria! Inalagaan niyang mabuti ang
alaalang bigay sa kanya ng iisang manliligaw niya.
Nagpagawa siya sa kanyang ama ng kulungan para
sa mga manok niya. Higit sa karaniwang pag-
aalaga ang ginawa ni Maria. Pinatuka niya at
pinaiinom ang mga ito sa umaga, sa tanghali at sa
hapon. Dinagdagan pa ito ng pagpapainom
ng gamot at pataba. At pinangarap ni Maria ang
pagdating ng araw na magkakaroon siya ng mga
inahing manok na magbibigay ng maraming itlog.
Lumipas ang ilang buwan hanggang sa
dumating ang araw na nag-itlog ang lahat na
inahing manok na alaga ni Maria. Labindalawang
itlog ang ibinibigay ng mga inahing manok araw-
araw. At kinuwenta ni Maria ang bilang ng itlog
na ibibigay ng labindalawang alagang manok sa
loob ng pitong araw sa isang linggo. Kitang-kita
ang saya ni Maria sa kanyang pangarap.
At inipon na nga ni Maria ang itlog ng mga
inahing manok sa araw-araw. Nabuo ito sa limang
dosenang itlog. At isang araw ng linggo ay
pumunta sa bayan si Maria. Sunong niya ang
limang dosenang itlog. Habang nasa daan ay
nangangarap nang gising si Maria. Ipagbibili
niyang lahat ang limang dosenang itlog.
Pagkatapos, bibili siya ng magandang tela,
ipapatahi niya ito ng magandang bistida at saka
lumakad siya ng pakendeng-kendeng. Lalong
pinaganda ni Maria ang paglakad nang
pakendeng-kendeng at BOG!
11. Nahulog ang limang dosenang itlog! Hindi
nakapagsalita si Maria sa kabiglaan. Saka siya
umiyak nang umiyak. Naguho ang kanyang
pangarap kasabay ng pagbagsak ng limang
dosenang itlog na kanyang sunung-sunong.
Mensahe: Gawing makatotohanan ang layunin o
adhika upang ito ay maisakatuparan.
ANG KABAYO AT ANG KALABAW
Isang magsasaka ang nais manirahan sa
ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang
kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang
kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila
ang mahabang paglalakbay.
Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng
matinding pagod at pang- hihina ang kalabaw
dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.
"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat
ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang
tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?"
pakiusap ng kalabaw.
"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng
ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na
lalo pang binilisan ang paglalakad.
"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko
na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina
ako. Alam mo namang kailangan kong
magpalamig
sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil
madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa
rin ng kalabaw.
"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng
kabayo.
Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi
ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw
ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay
pumanaw.
12. Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha
niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at
inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad
dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga
dalahin.
"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay
hindi naging ganito kabigat ang pasan ko
ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa
kanyang sarili.
Mga aral ng pabula:
Ang suliranin ng kapwa ay maaaring maging
suliranin mo rin kung hindi mo siya tutulungan.
Ang makasariling pag-uugali ay may katapat na
kaparusahan. Ang mga pasanin natin sa buhay ay
gagaan kung tayo ay magtutulungan.
ANG UWAK NA NAGPANGGAP
Isang uwak ang nakakita ng mga lagas na
balahibo ng pabo sa lupa. Pinagmasdan niya iyon
at nasiyahan sa iba't ibang kulay na taglay niyon.
At dahil sawa na siya sa pagiging isang itim na
ibon, iyon ay kanyang pinulot isa-isa at saka
idinikit sa kanyang katawan.
Iyon lang at dali-dali siyang lumipad patungo sa
grupo ng mga pabo at nagpakilala bilang kauri ng
mga ito.
Ngunit sadyang kilala ng mga pabo ang
kanilang kauri, kaya naman hindi rin nagtagal ay
nabisto ng mga ito ang nagkukunwaring uwak.
Dahil dito, inalis ng mga pabo ang iba't ibang
kulay na balahibong nakadikit sa katawan ng
uwak. Pagkuwa'y pinagtutuka nila ito hanggang
sa takot na lumisan.
Nang magbalik ang uwak sa kanyang mga
kauri, hindi na rin siya tinanggap ng mga ito. At
sinabing, "Hindi namin kailangan ang isang tulad
mong walang pagmamahal sa sariling anyo!"
ANG ASO AT ANG KANYANG
ANINO
Isang aso ang nakahukay ng buto sa lupa.
Tuwang-tuwa siya at dali-daling hinawakan ang
buto sa pamamagitan ng kanyang bibig.
Dinala niya ang buto upang iuwi sa
kanyang tirahan, ngunit nang siya ay malapit na,
napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya
ang ilog at doo'y nakita niya ang sariling anino. Sa
pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak-hawak
ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang
tinahulan upang maangkin din ang butong pag-
aari nito.
Dahil dito, humulagpos mula sa kanyang bibig
ang butong hawak-hawak at nahulog sa ilog.
Tinangay ng agos ang buto at hindi na uli nakuha
pa ng sakim na aso.
13. May isang prinsesa, nakaupo sa tasa.
Sagot: Kasoy
Ate mo, ate ko, Ate ng lahat ng tao.
Sagot: Atis
Hiyas na puso, kulay ginto, mabango kung
amuyin, masarap kung kainin.
Sagot: Mangga
Butong binalot ng bakal,bakal na binalot ng kristal.
Sagot: Lansones
Isang balong malalim, punong-puno ng patalim.
Sagot: Bibig
Dalawang batong maitim, malayo ang dinarating.
Sagot: mata
Dalawang balon, hindi malingon.
Sagot: taenga
Naligo ang kapitan, hindi nabasa ang tiyan.
Sagot: Bangka
Limang puno ng niyog, isa'y matayog.
Sagot: daliri
Nang hatakin ko ang baging, nagkagulo ang mga
matsing.
Sagot: kampana
14. Inihanda ni:
CHARJAREY J. GEROCHE
III- Mahogany
Ubos-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.
Pagkahaba-haba man daw ng prusisyon, sa
simbahan din ang tuloy.
Ang buhay ay parang gulong, minsang nasa
ibabaw, minsang nasa ilalim.
Ang hindi marunong magmahal sa sariling
wika, daig pa ang malangsang isda.
Ang umaayaw ay di nagwawagi, ang
nagwawagi ay di umaayaw.
Malaking puno, ngunit walang lilim.
Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Kunwaring matapang, bagkus duwag naman.
• Ang ibinabait ng bata, sa matanda
nagmula
• Ang magandang asal ay kaban ng
yaman
• Pagsasama ng tapat, pagsasama ng
maluwat
• Ang may malinis na kalooban ay
walang kinatatakutan
• Ang mabuting halimbawa, ay higit na
mabisa kaysa pahayag na dakila
• Ang katotohana'y kahit na ibaon, lilitaw
pagdating ng takdang panahon
• Ang hindi tumupad sa sinabi, walang
pagpapahalaga sa sarili
• Magbiro ka sa lasing, huwag sa bagong
gising
• Bago mo sikaping gumawa ng mabuti,
kailangan mo munang igayak ang sarili
• Ang lumalakad ng marahan, matinin
man ay mababaw. Ang lumalakad ng matulin,
kung matinik ay malalim.