3. Noong unang panahon, bago sakupin ng mga
Persiyano ang Ehipto ay may isang lugar kung
tawagin ay Naucratis. Ito ay pinamumunuan ng isang
paraan na ang pangalan ay si Amasis. Si Amasis ay
matapang ngunit sa kabila nito ay naroon pa rin ang
kaniyang takot na baka isang araw ay mapasakamay
ni Cyrus ng Persia ang kanilang lugar. Upang
mapalakas ito laban sa bantog na mananakop,
binuksan niya ang Naucratis sa sinumang Griyego na
nagnanais na makipagkalakalan at manirahan dito.
4. Sa Naucratis, hindi kalayuan sa bibig ng Ilog Nile na
dumadaloy patungo sa karagatan ng Canopus, ay may
nahihirang napakayamang mangangalakal na Griyego na
nagngangalang Charaxos. Siya ay kapatid ng kilalang makata
na si Sappho mula sa lugar ng Lesbos. Buong buhay ni
Charaxos ay iginugol niya sa pakikipagkalakan sa Ehipto.
Isang araw habang siya ay namamasyal sa palengke,
nakita niya ang napakaraming tao na noon ay nakapaligid sa
mga ipinagbibiling alipin. Sa kaniyang pag-uusisa, nakita niya
ang isang napakagandang babae na noon ay pinatayo sa
isang malaking bato upang makita ng sinumang nagnanais na
bumili sa kanya.
5. Sa kaniyang hitsura ay hindi maikakailang siya ay
isang Griyego. Taglay niya ang maputing balat at kulay
rosas na mga pisngi. Napapigil-hininga si Charaxos sa
kaniyang nakita sapagkat noon lamang siya nakakita
ng isang napakagandang dalaga. Sa pagsisimula ng
bentahan ay determinado na siyang bilhin ang dalaga
at nakatitiyak siyang sa taglay niyang kayamanan ay
hindi ito magiging mahirap.
6. Ang tunay na pangalan ng magandang dalaga na
kaniyang nabili ay Rhodopis. Ayon sa salaysay nito, binihag
siya ng mga piratang mula sa Greece noong siya ay bata pa
lamang. Ipinagbili siya sa isang mayamang lalaki sa isla ng
Samos na noon ay may napakaraming alipin, isa na roon si
Aesop na naging kanlungan niya sa panahon ng kanyang
pangungulila at kalungkutan. Si Aesop na kinalakihan niya ang
taglay na kabaitan. Ang mga kuwento nito tungkol sa mga
hayop, ibon, at iba pang mga nilalang ay tunay na nagpalubag
ng kaniyang kalooban.
7. Ngunit sa kaniyang paglaki, nakita ng kaniyang amo ang
taglay niyang kagandahan kaya hinangad nitong kumita ng
malaking pera mula sa kaniya. Dahil dito kaya napadpad siya sa
Naucratis upang ipagbiling muli sa mayayamang mamamayan
ng lugar.
Sa kanyang pagkukuwento ay taimtim lamang na nakikinig
si Charaxos. Nahabag siya sa sinapit ng dalaga kaya tuluyang
nahulog ang kalooban niya rito. Binigyan niya ito ng magandang
tirahan kung saan sa gitna nito ay matatagpuan ang isang
napakagandang hardin. Gaya ng tunay na anak, pinalasap niya
sa dalaga ang marangyang buhay, binigyan niya ito ng
magagarang kasuotan, mga alahas, at aliping naging
tagapagsilbi ng kaniyang mga pangangailangan.
8. Naging ugali na ng dalaga ang maglunoy sa malamig na tubig
na nagmumula sa bukal sa gitnang bahagi ng kaniyang lihim na
hardin. Naroon din ang kaniyang alipin na tahimik lamang na
nagbabantay sa kanya at sa kaniyang mga damit, alahas, at higit sa
lahat, angpulang rosas na tsinelas na ipinagmamalaki ng dalaga sa
kahit kanino.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, isang malaki at
mabagsik na agila ang gumambala sa katahimikan ng araw na iyon.
Sa takot na baka siya ay tukain at dagitin, nabitiwan ng alipin ang
hawak-hawak na kagamitan ni Rhodopis, maging ang
pinakamamahal nitong tsinelas. Bigla itong nagtago sa mga bulaklak
at puno sa hardin. Habang ang dalaga naman na noon ay
nahihintakutan sa napakalaking mga mata ng agila ay mabilis na
tumakbo sa likod ng pader.
9. Hindi alam ng dalaga at ng alipin ang kanilang gagawin.
Hindi rin nila makuhang tumakas sapagkat nasa harap lamang
nila ang agila, gumagala ang mga mata na tila baga
naghahanap ng masusunggaban. Ngunit taliwas sa kanilang
kinatatakutan, hindi pala sa kanila nakatuon ang pansin nito
kundi sa pulang rosas na tsinelas ni Rhodopis. Sa isang iglap,
bigla nitong dinagit ang isang kapares at saka lumipad nang
napakataas patungo sa timog na bahagi ng Nile.
Ikinalulungkot ng dalaga ang pagkawala ng kapares ng
kaniyang tsinelas sa pag-aakalang kailanman ay hindi na ito
maibabalik sa kaniya at sa kaisipang hindi niya iniingatan ang
mahahalagang bagay na ibinigay sa kaniya ni Charaxos.
10. Ngunit ang agila ay tila bagang padala ng diyos at
diyosa – maaaring si Horus mismo na isang sagradong ibon
sapagkat lumipad ito mula sa Nile patungo sa Memphis.
Sa kabilang banda, ang paraon na si Amasis ay
nakauppo sa kaniyang hardin habang matamang
pinakikinggan ang hinaing ng kanyang mga nasasakupan,
nang bigla siyang gambalain ng malaking agila. Inilagay
nito sa kaniyang kandungan ang isang kapares ng pulang
rosas na tsinelas ni Rhodopis.
11. Ikinagulat ito ng lahat ng kaniyang mga nasasakupan at
maging ni Amasis. Matagal bago nakapagsalita ang paraon sa
kaniyang nasaksihan. Nang siya ay tuluyan nang nahimasmasan
ay kaagad nang siniyasat ang tsinelas. Kaagad naman siyang
humanga sa mga nakaukit dito. Ang maliit ngunit kaakit-akit na
tsinelas na inakala ng paraon ay pagmamay-ari ng isang
napakagandang dalaga sa buong mundo.
At dahil sa kaniyang paghanga, kaagad na nag-utos ang
paraon. “Hanapin ninyo saan mang sulok ng siyudad ng Delta, at
maging sa kataas-taasan ng Ehipto patungo sa hangganan ng
kaharian, ang nagmamay-ari ng tsinelas na ito na dinala ng
sagradong ibong si Horus. At kung siya ay inyong matatagpuan,
sabihin sa kaniya na siya ay nais kong pakasalan.”
12. Dahil sa kaniyang winika ay kaagad na nagsiluhod ang
kaniyang mga nasasakupan. Mula Memphis, sila ay tumungo
sa Heliopolis, Tanis, at Canopus hanggang sa narrating nila
ang Naucratis. Dito ay narinig nila ang tungkol sa mayamang
mangangalakal na si Charaxos at ang kaniyang kuwento
hinggil sa pagbili niya ng isang napakagandang alipin at sa
kung papaano niya ito inalagaan at ibinigay ang lahat ng luho
at ang pagturing nito sa kaniyang sarili na tagapangalinga ng
isang prinsesa na mula sa mga diyos at diyosa. Dahil sa
kanilang narinig, kaagad nilang tinungo ang malaking bahay sa
gilid ng Nile at doon natagpuan si Rhodopis sa gitna ng hardin.
13. Kaagad na nilapitan ng mga mensahero ang dalaga. Ipinakita ang
pulang rosas na tsinelas sa mangiyak-ngiyak na dilag. Hindi ito
makapaniwala na ang tsinelas na kaniyang iniiyakan, ngayon ay nasa
kaniyang harapan na. Habang ikinukuwento ng dalaga sa mga mensahero
kung paano ito nawala ay kaniya naming ipinag-utos sa kaniyang alipin na
kunin ang kapares nito.
Matapos na makapagkuwento ang dalaga ay kaagad na lumuhod sa
kaniyang harapan ang mga mensahero at nagwika, “Ang mabuting
Paraon ay nagnanais na ikaw ay masilayan at pumunta sa kaniyang
kaharian sa Memphis. Doon, ikaw ay paglilingkuran at ituturing na reyna
ng kaharian sapagkat lubos ang kaniyang paniniwala na si Horus na anak
nina Isis at Osiris ang nag-utos sa agila na dalhin sa kaniya ang pulang
rosas na tsinelas. Ang tsinelas na naging dahilan ng aming paglalakbay,
matagpuan lamang ang nagmamay-ari nito. At anuman ang kahilingan ng
paraon ay hindi dapat suwayin.”
14. Sa narinig ay kaagad na nagpaalam ang dalaga kay Charaxos na
noon ay natuwa sa kaniyang naging magandang kapalaran at nalungkot
naman dahil sa kaniyang pag-alis.
Sa pagdating ni Rhodopis sa palasyo ay hindi na maialis ni Amasis
ang kaniyang paningin sa napakagandang mukha ng dalaga. Dito,
natitiyak niyang tunay ngang ang dalagang ito ay padala ng mga diyos
sa kaniya upang kaniyang maging reyna. At sa pagtatapos ng araw ay
kaagad iniutos ni Amasis sa kaniyang kaharian ang isang magarbong
handaan bilang pagdiriwang sa kanilang pag-iisang dibdib upang maging
ganap na reyna ng Ehipto ang dalaga.
At mula sa araw na iyon, silang dalawa ay namuhay nang Masaya.
Ngunit ito ay hindi nagtagal sapagkat bago pa man nakarating si
Ambyses ng Persia ay magkasabay na rin silang binawian ng buhay.