1. Hindi kay
Balagtas galing
ang balagtasan
Taliwas sa alam ng nakararami, hindi si Balagtas ang
gumawa ng balagtasan. Wala siyang kinalaman sa
paglikha ng tradisyong ipinangalan sa kanya.
Ang totoo, ipinanganak ang balagtasan bilang isang
makabagong gawain o pakulo para sa pagdiriwang ng
kaarawan ni Balagtas. Ipinanganak si Balagtas noong
Abril 2, 1788, at pumanaw noong Pebrero 20, 1862.
Isinakonsepto ang balagtasan noong Marso 28, 1924.
Ibig sabihin, ni hindi na napanood ni Balagtas ang
tradisyong ito.
Sa pulong ng Kapulungang Balagtas, binalak ang
pagsasagawa ng makabagong duplo bilang parangal kay
Balagtas sa mungkahi ni Lope K. Santos, ang ama ng
balarilang Pilipino. Ang duplo ay isang dula-dulaan kung
saan may dalawang nagdedebateng panig sa matulain
at masisteng paraan. Hindi tiyak ang tinatalakay nilang
paksa at may kaguluhan ang pagsasagawa ng duplo. Isa
pa, isinasagawa ang duplo sa mga lamayan bilang
parangal sa patay at pang-alo sa mga naulila nito. Kung
kaya, hindi angkop ang duplo para sa pagdiriwang ng
kapanganakan ni Balagtas.
Iminungkahi ni Patricio A. Dionisio na hanguin sa
pangalan ni Balagtas ang ipampapalit sa duplo. At si Jose
N. Sevilla naman ang nag-usal ng katawagang
“balagtasan” para sa nais nilang gawain.
Upang magkaroon ng modelo o huwaran ang mga
lalahok sa gawain, isinulat ni Patricio A. Dionisio ang
“Balagtasan”—ang kauna-unahang iskrip ng balagtasan.
Nakasaad dito ang daloy at mga tauhan ng balagtasan:
isang lakandiwa/lakambini na magsisilbing
tagapamagitan o moderator sa dalawang
magtutunggaling mambabalagtas. Inilathala ito noong
Abril 5, 1924, subalit hindi ito kailanman naitanghal.
Abril 6, 1924, itinanghal ang pinakaunang balagtasan
sa Instituto de Mujeres, Tondo. May tatlong pares na
magtutunggalian: Rafael Olay vs Tomas de Jesus,
Amado V. Hernandez vs Guillermo Holandez. Subalit
ang main event, kumbaga sa boksing, ay sina Jose
Corazon de Jesus vs Florentino T. Collantes. Ang paksa
nila ay “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan” kung saan
pinaglabanan nila kung sino sa kanila ang mas karapat-
dapat para sa isang binibini.
Oktubre 16, 1925, naganap ang pinakamalaking
pagtatanghal ng balagtasan sa Olympic Stadium,
Avenida Rizal. Tinatayang 8,000 hanggang 15,000 katao
ang dumalo kasama si Hen. Emilio Aguinaldo, mga
senador, taga-Malacañang, at tagaakademya. Si Jose
Corazon de Jesus, kilala bilang Huseng Batute, ang
nagwagi at itinanghal na unang “Hari ng Balagtasan.”
2. Sa mga susunod nilang labanan, maaagaw ni Collantes
ang korona at ang dalawang ito ang kalaunang
kikilalaning mga “Hari ng Balagtasan.” Maaagaw muli ni
de Jesus ang korona at noong 1932, namatay siyang
nasa kanya ang korona. Sa kasaysayan, may tatlo
lamang na Hari ng Balagtasan. Ito ay sina Jose Corazon
de Jesus, Florentino T. Collantes, at si Emilio Mar
Antonio.
Ngayong ika-21 siglo, ipinagpapatuloy ang tradisyon
ng balagtasan ng tatlong batikang makatang kilala
bilang MTV ng Balagtasan: sina Mike Coroza, Teo
Antonio, at Vim Nadera. Dinala nila ang balagtasan sa
iba’t ibang lupalop ng bansa pati na sa ibang panig ng
mundo.
Hindi lang din sa Katagalugan nagkaroon ng balagtasan.
Nagkaroon din ng sarili-sarili nilang bersiyon nito ang
ibang lalawigan sa bansa dahil sa impluwensiya ng
balagtasan. Ipinangalan sa makatang Kapampangan na
si Juan Crisostomo o “Crissot” ang crisotansa
Pampanga. Kay Pedro Bukaneg naman na makata ng
Ilocos hango ang bukanegan ng kanilang lalawigan.
Sa kasalukuyan, may mga nagsasabing muling nabuhay
ang balagtasan sa anyo ng fliptop. Gayumpaman, hindi
sila maituturing na pareho. Bagaman umiiral ang
pagpapatama sa kalaban, may tiyak na paksang
pinagtatalunan sa balagtasan. Kadalasan pa nga’y mga
kontrobersiyal o politikal na usapin ito. Ang fliptop, sa
kabilang banda, ay patamaan ng magkatunggali sa isa’t
isa sa puntong inaalisan na ng dangal ang kalaban sa
matulaing paraan, ngunit walang tiyak na usaping
pinagtatalunan. Madalang tayong makakarinig ng
fliptop na paglalabanan kung dapat bang mangibang
bayan ang Pilipino para magtrabaho. Kalimita’y
pinagtatalunan sa fliptop kung sino sa dalawa ang mas
“magaling.” Huli, hango ang fliptop sa battle rhyming o
rapping ng Amerika.
Subalit sa dulo, sukat, tugma, at hitik na talinghaga ang
masasaksihan sa balagtasan at fliptop. Hindi
maikakailang nabubuhay pa rin ang mga makata,
anuman ang layunin ng kanilang mga tula.
*ang mga impormasyon mula kay G. Michael Coroza at
sa Zafra, Galileo S. 1999. Balagtasan: Kasaysayan at
Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University
Press.