1. Huling Hirit ng Halimuyak
Kasabwat
- Sierra Madre, Tanay, Rizal. Mayo 2013
Ulap
O ulap,
Kay aga namang makipagniig sa bundok.
Pumayag sa iyo ang bundok
Na makipaglumpungan
Hindi dahil sa kanyang patag at patung-patong
na luntiang lupa,
Kundi sa pagsasadya ng kataas-taasan
ng lupang humahawak sa kanya.
Kung maitaglay ko man ang hanging tao,
Ay matutuwa akong ikaw (kasama ng mga kauri mo)
Ay papalis, babalik sa nangungulilang alapaap,
At malamang ay mapapatda ang tangkang paghihimok.
Ulan
O ulan,
Bakit bigla kang nagbuhos ng himutok?
Wala kaming makita kundi puting telong
bumabalot sa buong tanawin!
Ayaw mo bang makita namin si bundok?
O ayaw mong ipakita sa aming
Nakikipagniig na naman sa kaniya ang ulap?
Kung maitaglay ko man ang taong silahis,
Ay matutuwa akong ika'y tumahan,
Ang telon ay malulusaw,
At ilantad ang mapusok na sekreto
Ng ulap at bundok.
Tuso Ang Hangin
Nang sa lupa'y maapuhap,
Lumilipad kong muli.
Sinusulit ang sandali,
Na makalaya sa ulap.
Hahaplusin silang lahat:
Papalisin ang lunggati,
Tatagos din sa pighati,
Dadagit sa pagkabanas.
Naging tuso na rin minsan,
Nang madampihan ang langit
Na sa marilag nagmula.
2. Matapos kasing mawalay,
Sa saplot ng pagkainit
Ang paglulugso'y tinangka.
Kung Humaba ang Iyong Buhok
Kung humaba ang iyong buhok,
di magtitimpi ang pamumukadkad
ng mga talulot ng ligaya.
Dumudulog sa akin ang panahon
ng paniningalang-pugad.
Ilang ulit mo mang tabasin ay tutubo't tutubo pa rin
dahil may lambing din ang bawat hiblang
dumadampi sa aking katawan.
Kung makapagtatatwa ka naman
sa aking ninanais,
ay bahala nang magpasiyaang aking puso
kung magniningning ka pa rin
kahit tinabas ang mga hiblang nagpapalikas sa iyong ganda.
Walang halong pag-aalinlangan
magbago ka man ng anyo
ngunit kung humaba man ang iyong buhok,
ay magagalak na parang bulaklak
na mamumukadkad at isaboy ang aking samyo
para makadampi sa mga hibla ng iyong kasibulan.
Alam kong sa buhok mo pa lamang,
ay matitibag ang kung ano ang nasa loob ko.
Pagdating ng Pagdiga
(Hango kay Mayo Uno Martin)
Una ko siyang natanaw sa pasilyo
ang matalik kong kaibigang babaeng
ayon sa pandama
ay makukuha ko ang kaniyang kamay at loob.
Ang kaibig-ibig na mga ngiti
at ang pagkatimis-tamis na salita,
ay inaasahan kong aabutin
ang paniningalang-pugad.
Isang umaga,
Nag-alay ako ng isang harana
kasama ang lipas nang gitara,
nagbabakasakaling bumigay sa akin.
Sulit na ang haba ng pagbibilang
ng mga numero sa kalendaryo.
Ngunit siya
ay biglang binasag ang aking tamis.
3. Di raw ako bagay na maging prinsipe
at hanggang katoto lang ako sa kanya.
Kara-karaka ko siyang tinalikurang
may pinta ng pagkabigo.
Bumalik ako sa bahay
na pasan ang salita ng kaniyang
pagtatatwa. Tinitistis ang aking puso
nang pagkalim-lalim dahil sa katagang
isinaboy niya sa akin.
Di ko mapigilang ikuyom ang palad,
mag-alburoto ang bibig
upang isaboy ang poot
at makipagsuntukan kay Kristo
ngunit ayaw umusad ang aking kamao at salita.
Nadala ako sa kaniyang pagkapayapa.
Nahabag na ako
kahit binihag niya sa akin ang prinsesa.
Sayang at hindi man lang sinipat
ang pagnanasang matanaw ang kaniyang pagkatao.
Di naman ako kampon ni Diego,
Sadya lang
Sa pagtatatwang halukayin
ang hiwaga sa isa't isa,
Marahil ay naibulong ng kaibigan kong budhi
na di na lang sana
inabala pa
ang aking gitara
sa prinsesang nagpapalipad lamang
ng pagsuyo.
Ngayon,
ay binihag muli ako ng bagong musa
ngunit
nanginginig ang aking mga binti,
tinitigidig ang aking mukha,
umaatras ang aking puso,
at nanlalamig ang gamunggong kong pawis.
Tanong ng budhi sa akin "kaya mo pa ba?"
Tugon ko sa budhi "atras muna ako."
Paminta
Parati kang dumidikit sa akin.
Ayaw mong magpahuli sa aking mga nilalayon
at nilalakad.
Ang tingin nila tuloy ay magkumpare tayong
matagal nang nagkakilala -- singhaba ng umeereng
4. programa sa TV.
Wala naman akong dapat ikahiya,
Pagkat ako'y ikaw rin -- na tigasin ika nga
at alam kong
magkapareho tayo ng hinihilig.
Ngunit tila naiiba ka na yata. Sa katunayan,
Isang gabi noong tayo'y nasa restawrant
at nagpakasasa sa serbesa't kutkutin,
Sabay kang tumititig,
sumasalamisim,
napapakagat ng labi't,
napapatakam ang mga mata sa aking kakisigan.
Alam kong hindi na ikaw
ang kumpareng nakilala ko.
Kahit lumalagok lang ako ng serrbesa,
dama kong
malapit ka nang bawian
ng pagkalalaki.
Hindi Ka Na Mapaparam
Nagpapangiti sa aking ang mga larawan mo -Larawang di maparisan ang rikit at yumi.
Naipinta pa ang iyong ngiti sa munting kuwadro.
Dito ay di ka pa rin napaparam.
Pinupuwing ako ng mga nakaraan
Ng dalisay na pagkási.
nanatili kang buhay sa alaala.
Dito ay di ka pa rin napaparam.
Kaya't sa pagtahak ko sa iyong huling himlayan,
Ay sumidhi ang siklab ng hinagpis:
Tinataga ang aking puso ng mga punebre,
Walang patid ang pagdanak ng luha
Habang pasan ko ang nakangiting ikaw.
Muli kitang dinungaw
At namaalam ang maamo mong mukha.
Gayunpaman, isang halik
ang aking naitugon
at naitatak
sa iyong nagniningning mong bangkay
bago bumalik sa piling ng kaliwanagan.
Di ko na kailangang hangarin pa ang kalungkutan,
Pagkat sa mga alabok ng iyong gunita'y
5. hindi ka na mapaparam.
Pagsisid sa Dagat
Araw-araw ay isinisinghot ko ang iyong hangin
Mula rito sa aking kinatatayuan.
Ang paglagaslas ng mga alon papunta sa aking paahan
Ay nagbabadya ng pagpupumilit na sisiran ka.
Di ko matiis na makita ang ilalim mo
Kaya't dali-dali kong inalis ang saplot
At saka tumalon sa iyong sakop.
Ilang ulit akong sumisid at umahon,
Ilang ulit ka ring umaalon.
Marahil ay nakikiliti ka na sa aking pagtuklas
Ng nagtatagong hiyas na likas
sa layuning makaalpas sa pasakit.
Kung gaano kalalim ang aking inilalakbay sa kailaliman,
Ay siyang bilis din ng iyong pag-alon
Na muntik nang hilahin at higupin ang mga paa ko
Ng hindi maintindihang grabedad mula sa pinakakaibuturan.
Baka hindi na ako makahinga sa kasisinghap at sa kalulutang
sa eternal mong katawan
Na pinipilit akong dinadampihan ng lamig.
Ilang ulit ka mang umalon
Ay mapapaamo rin kita.
Pakiramdam ko'y iniibig na kita.
May hiwaga pang nakatago sa iyong loob.
Hanggang Tingin Lamang
(Kay K.R)
Walang patid ang pagpatong ng mga pasaring
Pinapasan sa magdamag,
Ngunit nangangalabit pa rin ang mga larawan mo.
Hinihila ako ng kompyuter,
Upang titigan ka nang titigan
At maisalpak sa aking gunita.
Pinalis ang mapanglaw kong mukha sa blusa mo pa lamang,
Napapatigil ang anumang bagabag sa ulirat
Sa iyong malayang pag-indayog at sa tinig
na tila tunay na Diyosa -- banayad at madulas.
Itinataboy ang pagsalnsang at pagluluksa ng diwa,
Sa mga banal na salitang iyong itinitik.
Inaanod nga lang ng alon ang pagsuyo,
Pagkat ang pagka-musa mo ay hanggang balintataw lamang.
Malayo ang agwat ko sa iyo.
6. Nginangatngat ng daga ang pagnanasang makilala
Ang pagkatao mo.
May barikadang nakabalandra at binabantayan
ng mga nagluwal sa iyo
O binabarikada mo pa ang iyong sarili
Sa mga nains makasapit sa gandang likas na nagniningning.
Kaya't hayaan muna akong makalayo. Hintaying alisin
Sa tamang panahon.
Sayang at hanggang iskrin ka lamang.
Hanggang pindot lang ako sa iyo.
Ngunit sapat na upang habambuhay kang mangungulit
Sa aking malay.
Kahit sa paglabas ko sa ideal nitong pagitan,
Ay di pa rin nabubura ang ikaw.
Inaasahan kong kahit sa aking guni-guni,
Ay nagniningning ka pa rin.
Panglaw
(mula sa I'm Still Loving You ni Julianna Jean)
Naririnig ba niya ang pintig ko
mula sa aking paroroonan
habang nakaupo at nanonood
ng mga nagpaparadang ulap sa itaas?
Ang gunita ko dati
Ay muli na kitang maaaninag,
Ngunit ni yabag o anino mo
Ay walang mabanaag.
Tulad ng mga ulap na agad nagsisialisan:
Lumilipad, lumalayas, at pagkaraa'y di na makikita pa.
Bakit naroon pa rin ang silakbo ng damdaming
maging mag-isa tayong muli,
Gayong naparam na ang kinagisnang suyuan,
Gayong tinangay na ng hangin ang anos ng pagkasi,
At gayong pumaroon ka na sa kabilang bakod?
Habambuhay nang tinitistis ang aking puso,
Sapagkat ika'y ulap na hindi na babalik
At itinutulak papalayo ng kalangitan.
Nakatunghay sa akin ang mga bundok sa malayo,
Dinadampi ako ng pupog na halik ng hangin,
At ikinukubli rin ako ng puno.
Narito sila