1. Ang Aso at Ang Leon
Ernesto U. Natividad Jr.
Isang araw, naligaw ang isang matandang aso habang hinahabol
ang kuneho. Mayamaya ay napansin niya buhat sa malayo ang isang leon
na tumatakbo papalapit sa kaniya na may tinging nagugutom. “Palagay
ko’y lalapain ako ng nilalang na ito,” sabi ng aso sa sarili.
Nakakita ang matandang aso ng mga butong nakakalat malapit sa
kaniya. Umayos siya na animo’y kakainin ang mga ito nang nakatalikod sa
paparating na leon. Nang dadambahin na ng leon, sumigaw ang
matandang aso, “isang napakasarap na leon! Mayroon pa kayang iba rito?
Nang marinig ng batang leon ang sigaw ng matandang aso ay bigla
itong tumigil, at mabilis na nagtago sa puno. “Marahil ay mabagsik ang
matandang asong iyon at marami nang napatay,” bulong niya sa sarili.
Ang ardilya (squirrel) naman na kanina pa pala nanonood sa malapit
na punongkahoy ay alam ang pandarayang ginawa ng aso at nag-isip na
gamitin ang kaniyang nalalaman para sa kaniyang sariling proteksiyon
mula sa leon. “Siguro naman ay makukuha ko ang loob ng leon,”
nakangiting sabi nito sa sarili.
2. Nang makausap ang leon, ipinaliwanag ng ardilya ang nangyari at
gumawa ng kasunduan. “Baka pinagtatawanan ka ng asong iyon ngayon,”
pangising tinuran ng ardilya.
Napoot ang leon dahil sa pagkakalinlang sa kaniya at nagwika,
“sumakay ka sa likod ko at nang makita mo ang mangyayari sa
manlilinlang na iyon!”
Natiktikan ng matandang aso ang pagdating ng leon na may
nakasakay na ardilya sa likod. Sa halip na tumakbo, naupo siya at
nagkunwaring hindi pa niya sila nakikita. Nang malapit na ang dalawa at
alam niyang siya’y maririnig, ang matandang aso ay nagsabi, “nasaan ang
ardilyang iyan? Inutusan ko siya, isang oras na ang nakakaraan na dalhin
sa akin ang isa pang leon!”
Biglang kinabahan ang leon at bumaling sa ardilya. “Akala ko ba’y
kakampi kita?” “Nilinlang mo lang pala ako at nais mo akong ipakain sa
asong iyan?” Akala ng leon ay talaga ngang inutusan ng matandang aso
ang ardilya upang siya ay dalhin sa harap nito. Lingid sa kaniyang
kaalaman, sa laki niya ay kaya niyang patayin at lapain ang matandang
aso. Kumaripas ng takbo ang leon, at ni hindi na nagawang lumingon.
Ang ardilya ay naiwan. Hinarap siya ng matandang aso at galit na nagwika,
“akala mo siguro ay mapapatay mo ako sa pamamagitan ng leong iyon!”
Matanda na ako at marami ng karanasan. Hindi ninyo ako
mapaglalalangan. Nanginginig na humingi ng tawad ang ardilya.