1. Ang Noo’y Pangit na Mukha
Isang araw sa di kalayuang pamayanan ay may nakatirang bata; ang pangalan niya ay si Don-don. Si Don-don
ay pinanganak na pangit. Maliban dito siya ay masungit. Si Don-don ay pitong taong gulang noon, higit sa
tatlong talampakan ang taas, may bilugang pisngi, makakapal na kilay, malalaking mata, sarat at bilugang
ilong na namumula twing siya’y napapahiya at may makakapal at mala-abong kulay na mga labi. Bata pa lang
ay marami nang nakapuna ng kanyang kapangitan, at dahil doon ay naging mailap na siya at naging
masungit sa kanyang mga kanayon. Hindi siya namamansin, laging nakasimangot na tila pasan niya ang
mundo. Bihira lang siyang masilayan ng mga tao at kapag lumabas naman siya hindi mapigilang mapatigil at
mapatingin ang mga tao sa kanya.
Hindi alam ni Aling Fe kung anong klaseng payo at pagdamay ang gagawin niya sa kanyang anak para lang
siya’y maging palakaibigan. Sa kabila noon, mahal na mahal naman ni Don-don ang kanyang ina, pati na ang
kanyang ninang Julie. Mabait ang ninang ni Don-don, kasing bait ng nanay niya.
Isang araw, binisita si Don-don ng paborito niyang ninang. Napangiti siya nang masilayan niya ang kanyang
ninang. Sa ganoon paraan lang napapangiti at napapasaya si Don-don. Kaya naman, binigyan siya ng munting
kaloob ng kanyang ninang Julie. At alam niyo ba kung ano iyon? Isang mahiwagang singsing. Sinabi ng
kanyang ninang na ang singsing ay mahiwaga dahil kapag sinuot raw niya ang singsing ay magiging gwapo
siya. Tuwang tuwa si Don-don sa natuklasan niya at dahan dahan niyang sinuot ang mahiwagang singsing.
Umiba ang kanyang pakiramdam nung masuot na niya ang singsing – para bang may kumot ng alitaptap ang
bumalot sa kanya. Pumikit siya at pagdilat niya ng kanyang mga mata ay nakita niyang nakangiti ang
kanyang ninang at ang kanyang ina. “Aba, ang gwapo naman ng anak ko,” sabi ng nanay. Sa sobrang
kaligayahan ay napatalon si Don-don. Bago umalis ang ninang ay pinaalalahanan niya si Don-don na huwag
huhubarin ang singsig at huwag din titingin sa mga salamin dahil kung hindi ay babalik siya sa tunay niyang
anyo. Sa saya ay nagmadaling bumaba ng kawayan na hagdan si Don-don upang ipagmalaki niya ang
kanyang kagwapuhan.
“Kamusta po Aling Martha,” bati ni Don-don sa kapitbahay habang dumadaan sa kalye at sumisipol sipol pa.
“Mabuti naman… aba teka, hindi ba ako minamalikmata, si Don-don nga ba ang nakita ko”? Lahat ng tao sa
kanilang lugar ay nagtaka sa pagbabagong nangyari kay Don-don. Simula noon naging palabati na si Don-don
at naging palakaibigan. Marami siyang naging kalaro at naging paborito rin siya ng kanyang mga kanayon.
Isang araw ay mag-isa siyang napadaan sa isang kristal na tiyangge at di sinadyang nakita niya ang kanyang
sarili. Nasilayan niya ang histura ng batang pangit, malungkutin at masungit. Tumakbo siya papalayo at
paiyak na umuwi sa kanilang bahay na nakatakip sa mukha ang mga palad. Nagulat ang nanay at tinanong
siya kung ano ang nangyari. “Nanay, tignan po ninyo ang pangit kong mukha. Di ko po naiwasan ang salamin
at nakita ko po ang aking sarili,” paliwanag ng anak. “Don-don, anak, taha na. Walang naging pagbabago
sa’yo. Gwapo ka pa rin naman. Walang bisa ang singsing kapag tiningnan mo ang sarili mo sa salamin, pero
kapag hindi ka na nakatingin bumabalik ka sa dati. Kaya’t taha na anak”. Huminto at kumalma si Don-don
hanggang siya’y nakatulog.
Pasukan na noon at si Don-don ang nangunguna sa klase. Paborito din siya ng kanyang guro dahil sa kanyang
kabaitan. Sa katunayan ay si Don-don ang may pinakamaraming kaibigan sa paaralan. Uwian na nang ayain
siyang maglaro ng kanyang mga kaklase. Naglaro sila ng luksong baka, patintero, tagu-taguan at marami
pang iba. Sa kanilang paglalaro ay aksidenteng natanggal ang kanyang singsing. Natanggal ang kanyang
singsing at napaliligiran siya ng kanyang mga kalaro. Natanggal ang singsing at nakita niyang gumulong ito
sa malayo. Pinilit niyang habulin pero bumigat ang kanyang katawan, unti-unting nanlalabo ang kanyang
mga paningin, naririnig niya ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso. Natigilan siya. Isa dalawa tatlong
segundo. Pinagpapawisan siya ng butil. “Don-don, tara na, ano pang ginagawa mo riyan, matataya tayo,” sabi
2. ng kalaro. Tulala si Don-don sa naging reaksyon ng kanyang kalaro. At sa wakas tumugon siya, “Hindi ka ba
natatakot sa akin? Hindi ka ba nababagabag sa hitsura ko?” “Ano ba ang pinagsasabi mo? Tara na nga!” pilit
ng kanyang kalaro. Napangiti na lang si Don-don at dinapot ang nahulog na singsing. Nagdalawang isip pa
siyang suotin muli ito pero nagdesisyon ding ibulsa na lang.
Hindi alam ni Don-don na nag-usap ang kanyang nanay at ninang na regaluhan siya ng singsing. Hindi alam
ni Don-don na walang hiwaga sa singsing, na wala itong kapangyarihan o mahika, na walang pagbabagong
nangyari sa kanyang kaanyuan. Hindi alam ni Don-don na ang kanyang kasungitan at pagiging mailap sa
mga tao ang nag-udyok din sa mga taong ayawan siya, at hindi ang kanyang pisikal na anyo. Ang tunay na
hiwaga at pagbabago ay nanggaling mismo sa kanyang puso.