Review Outline in Civil Procedure by Atty. Alvin Claridades
Ninanasa (Desiderata) ni Max Ehrmann (Salin sa Tagalog ni Alvin T. Claridades)
1. Ninanasa
(Desiderata) ni Max Ehrmann
HUMAYO kang mapayapa sa gitna ng ingay at pagmamadali, at alalahanin mo kung anong
kapayapaan mayroon sa katahimikan. Hangga’t maaari, nang walang pagsuko, maging
mabuti ang pakikitungo mo sa lahat ng tao. Ipahayag mo ang iyong katotohanan nang
tahimik at buong linaw; at makinig ka sa iba, maging sa mga kabagut-bagot at mangmang;
sila man ay mayroon ding sari-sariling salaysay.
IWASAN mo ang mga maiingay at mapupusok na tao; sila ay mga pang-inis sa isip. Kung
ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, maaari kang maging palalo o may sama ng loob,
sapagka’t lagi na’y mayroong mas nakahihigit at mas nakabababang mga tao kaysa sa iyo.
MASIYAHAN ka sa iyong mga nakamtan gayundin sa iyong mga balakin. Manatili kang
interesado sa iyong sariling hanapbuhay, gaano man kababa; Ito’y isang tunay na pag-aari
sa pabago-bagong kapalaran ng panahon.
GAWIN mo ang pag-iingat sa iyong mga gawaing pangkalakal, sapagka’t ang daigdig ay tigib
ng panlilinlang. Subali’t huwag mo itong bayaang bumulag sa iyo sa kung anong kabutihan
ang mayroon dito; maraming tao ang nagpupunyagi tungo sa matataas na hangarin, at kahit
saan ang buhay ay puno ng kabayanihan.
IKAW ay maging ikaw. Lalo’t higit ay huwag mong dayain ang pagmamahal. O ‘di kaya’y
maging mapag-alinlangan ka tungkol sa pag-ibig; sapagka’t sa harap ng lahat ng
kahungkagan at pagkasuklam, ito’y kasing-tatag ng mga damo. Tanggapin mo nang may
kagandahang loob ang payo ng mga taon, buong kagitingang isinusuko ang mga bagay ng
kabataan. Alagaan mo ang lakas ng pag-iisip upang ipananggalang laban sa madidilim na
kaisipan. Marami sa mga pangamba ay hatid ng pagod at kalungkutan. Sa kabila ng isang
mabuting disiplina, maging mahinahon ka.
IKAW ay anak ng sanlibutan, hindi hamak kaysa mga puno at mga bituin; may karapatan
kang maparito. At maging ito man ay malinaw o hindi sa iyo, walang alinlangan na ang
sanlibutan ay umiinog gaya ng nararapat nitong gawin. Kung gayon, maging mapayapa ka sa
piling ng Diyos, anuman ang iyong pananaw tungkol sa Kanya. At anuman ang iyong mga
pagpapagal at mithiin, sa maingay na kalituhan ng buhay, pamalagiin mo ang kapayapaan sa
iyong kaluluwa.
SA KABILA ng kanyang mga pagkukunwari, pagkaalipin at gumuhong mga pangarap, ito’y
isa pa ring magandang daigdig. Maging maingat ka. Pagsumikapan mong maging maligaya.
Isinalin sa Tagalog ni:
ALVIN T. CLARIDADES
01 Pebrero 1996