1. John Anthony B. Teodosio
SONETO NG NAGDADALAMHATING FETUS
Tadhana talaga ay sadyang maramot.
Binawi ang buhay nang ganung kaaga.
Sino naman kasi ang di makalimot
Sa kanyang pagpatay gamit nitong droga?
Gusto kong makita si Nanay at Tatay,
Ngunit ibinili -- kapalit ay pera.
O di ibinalot na wala pang malay,
Itinapon akong para bang basura.
Ni tao ni mundo'y walang makaalam
Sa aking mapait nitong talambuhay.
Pagpapalaglag n'ya ay aking dinamdam,
Ni anino niya'y hindi makasilay.
Walang nagmamahal, walang nagtatanggol,
Iniwan na lamang ang tulad kong sanggol.
1995
Ayoko sa statue ng sirenang leon…
Ayokong iyakan ang aking kabiyak,
Pagkat naalala’ng mapait na noon.
Naiinis ako kapag nakatuon
Sa rebulto (Syempre, sa bansa’y ‘sang tatak).
Ayoko sa statue ng sirenang leon.
Siya ang dahilan kung ba’t nasa kahon
Ang aking asawa. Lumuha ang anak
Pagkat naalala’ng mapait na noon.
Ang rebultong ito, akala mo’y Poon
Dahil sa iyo, kami’y sa dusa nasadlak.
Ayoko sa statue ng sirenang leon.
Nagagalit ako sa sumpaing mohon,
Kaya kamao ko’y handa nang manapak
Pagkat naalala’ng mapait na noon.
Iniibig kong Flor, saanmang naroon,
Maramdam mo sana, ang aking pag-iyak.
Ayoko sa statue ng sirenang leon
Pagkat naalala’ng mapait na noon.