Beginners Guide to TikTok for Search - Rachel Pearson - We are Tilt __ Bright...
Breast cancer
1. Breast Cancer—Ano ang Dapat Asahan? Paano
Ito Makakayanan?
HINDI mo iisiping magkakakanser si Conchita.* Siya ay 40 anyos, malusog, at wala pang
nagkaka-breast cancer sa pamilya niya. Regular siyang nagpapa-mammogram at normal
naman ang resulta. Pero minsan, nang salatin niya ang kaniyang suso habang naliligo, may
nakapa siyang bukol. Kanser pala. Natulala si Conchita at ang kaniyang asawa habang
ipinaliliwanag ng doktor kung ano ang mga puwede niyang gawin.
Noon, sinasabi ng mga doktor na ang tanging pag-asa ng mga babaing may breast
cancer ay radical mastectomy—ang pagtanggal sa suso, mga lymph node sa dibdib at
kilikili, at mga kalamnan sa dibdib. Kadalasan nang dagdag pa sa pahirap ang
chemotherapy o radiation. Kaya naman mas kinatatakutan ng marami ang “paggamot”
kaysa sa mismong sakit.
Sa pakikipaglaban sa breast cancer, karaniwan nang ang tunguhin ay patayin agad ang
mga cancer cell nang hindi na kinakailangang tanggalin ang suso at danasin ang makikirot
na side effect. Tulad ni Conchita, ang mga pasyente ngayon ng breast cancer ay marami
nang mapagpipiliang paraan ng paggamot.* At ang patuloy na pagsasaliksik sa medisina at
mga ulat ng media ay nagbibigay ng pag-asa na masusugpo ang sakit na ito sa tulong ng
mga bagong-tuklas na paggamot, mga test para malaman kung magkakaroon ng sakit na
ito ang isa, at mga pagkaing panlaban dito.
Pero sa kabila ng pagsulong sa medisina, breast cancer pa rin ang pangunahing sanhi
ng pagkamatay ng mga babaing nagkakaroon ng kanser.* Mataas ang bilang ng
nagkakakanser sa mauunlad na bansa sa Hilagang Amerika at Kanlurang Europa,
bagaman tumataas na rin ngayon ang bilang sa Asia at Aprika. Bukod diyan, mas malaki
ang proporsiyon ng namamatay sa Asia at Aprika kumpara sa bilang ng kasong nadadiagnose. Bakit? “Bihira itong matuklasan nang maaga,” ang sabi ng isang doktor sa
Aprika. “Karamihan sa mga pasyente ay pumupunta sa amin kapag malala na ang sakit
nila.”
Mientras nagkakaedad, lumalaki ang posibilidad na magka-breast cancer ang isa. Mga
80 porsiyento ng mga babaing may breast cancer ay mahigit 50 anyos. Pero ang maganda
nito, ang breast cancer ang isa sa pinakamadaling gamuting kanser. Halimbawa, sa
Estados Unidos, 97 porsiyento ng mga babaing naagapan ang breast cancer bago pa ito
kumalat ay buháy pa limang taon pagkaraan ng diyagnosis. Nalampasan ni Conchita
kamakailan ang limang taon.
Mga Dapat Malaman Tungkol sa Breast Cancer
2. Gaya sa kaso ni Conchita, ang breast cancer ay karaniwan nang ipinahihiwatig ng isang
kakaibang bukol. Pero mga 80 porsiyento ng gayong bukol ay benign, o hindi kumakalat, na
ang karamihan ay mga sac na punô lang ng fluid at tinatawag na cyst.
Ang breast cancer ay nagsisimula sa isang abnormal na selula na walang kontrol sa
pagdami hanggang sa maging tumor. Ang isang tumor ay nagiging malignant, o kanser,
kapag ang mga selula nito ay kumalat sa ibang tissue. May mga tumor na mabilis lumaki;
mayroon namang inaabot ng 10 taon bago matuklasan.
Para malaman kung may kanser si Conchita, gumamit ang doktor niya ng manipis na
karayom para kumuha ng sampol na tissue mula sa bukol. Natuklasang may mga selula ito
ng kanser. Kaya nagpaopera si Conchita para tanggalin ang tumor at ang mga tissue sa
palibot ng suso at para alamin din ang stage (laki, uri, at kung kalát na ito) at grade (bilis ng
paglaki) ng tumor.
Pagkatapos ng operasyon, maraming pasyente ang sumasailalim sa karagdagang
paggamot para hindi bumalik o kumalat ang kanser. Maaaring may mga selula ng kanser
na humiwalay sa tumor, sumama sa daluyan ng dugo o sa lymphatic system, at muling
lumaki. Ang pagkalat ng kanser, o metastasis, sa mahahalagang organ at tissue ng
katawan—sa utak, atay, bone marrow, o baga—ang siyang nakamamatay.
Sumailalim si Conchita sa radiation at chemotherapy para patayin ang mga selula ng
kanser na kumalat sa palibot ng pinagtanggalan ng bukol at sa buong katawan. Dahil ang
kanser niya ay binubuhay ng estrogen, sumailalim din siya sa antihormonal therapy para
walang bagong kanser na tumubo.
Dahil sa pagsulong sa paggamot sa breast cancer, marami nang opsyon ang mga
pasyente ayon sa kanilang edad, kalusugan, uri ng kanser, at cancer history. Halimbawa,
sa kaso ni Arlette, natuklasan ang kanser niya bago pa ito nakalabas sa daluyan ng gatas.
Kaya sumailalim siya sa lumpectomy, anupat hindi na kinailangang tanggalin ang suso niya.
Si Alice naman ay nagpa-chemotherapy bago magpaopera para lumiit ang tumor. Sa kaso
ni Janice, inalis ng siruhano ang tumor at ang sentinel lymph node, ang unang dinadaluyan
ng fluid mula sa tumor. Dahil wala naman itong selula ng kanser, hindi na inalis ang iba
pang lymph node. Sa gayon, napakaliit na ng posibilidad na magkaroon si Janice ng
lymphedema, ang makirot na pamamaga ng braso na maaaring mangyari kapag tinanggal
ang maraming lymph node.
Marami nang nalalaman tungkol sa breast cancer, pero ang tanong pa rin ay ito: Bakit
nagkaka-breast cancer ang isa at paano ito nagsisimula?
3. Posibleng mga Sanhi
Palaisipan pa rin ang mga sanhi ng breast cancer. Ayon sa mga kritiko, mas maraming
ginagawang pagsasaliksik sa paggamot at maagang pagtuklas dito—na pinagkakakitaan
nang malaki—kaysa sa mga sanhi at prebensiyon. Pero may natuklasan ding
mahahalagang clue ang mga siyentipiko. Naniniwala ang ilan na ang breast cancer ay
resulta ng isang masalimuot at mahabang proseso, na nagsisimula sa isang depektibong
gene na nagpapangyari sa mga selula na maging abnormal—dumami nang sobrang bilis,
lumaban sa immune system, at umatake sa mahahalagang organ at ibang tissue.
Saan nagmumula ang mga depektibong gene? Sa pagitan ng 5 hanggang 10 porsiyento
ng kaso, ang mga babae ay isinisilang na may mga gene na posibleng maging sanhi ng
breast cancer. Pero waring sa maraming kaso, ang malulusog na gene ay napipinsala ng
mga bagay na gaya ng radiation at mga kemikal, na ilan sa mga pangunahing suspek.
Maaaring kumpirmahin ito ng mga pag-aaral sa hinaharap.
Ang isa pang suspek ay ang hormon na estrogen, na waring sanhi ng ilang uri ng breast
cancer. Kaya naman mas malamang na magkakanser ang isang babae kung napakaaga
niyang nagkaregla o may-edad na siya nang magmenopos, kung matanda na siya nang
magkaanak o hindi siya nagkaanak, o kung siya‟y nagpa-hormone replacement therapy.
Dahil naglalabas ng estrogen ang mga selula ng taba, ang mga babaing masyadong
mataba ay mas malamang na magkakanser kahit nagmenopos na sila, kung kailan hindi na
naglalabas ng hormon ang obaryo nila. Kasama rin sa mga suspek ang mataas na level ng
hormon na insulin at ang mababang level ng hormon para sa pagtulog na melatonin, isang
kondisyon na karaniwan sa mga panggabi ang trabaho.
Malapit na kayang makatuklas ng mas epektibo at maginhawang mga paraan ng
paggamot sa breast cancer? Sinisikap ng mga mananaliksik na tumuklas ng mga terapi na
magpapalakas sa immune system ng katawan at mga gamot na sisira sa mga molecular
pathway, o network ng gene at protina, na nagiging sanhi ng kanser. Samantala, dahil sa
pinahusay na mga imaging technology, nagiging mas eksakto at epektibo ang radiation
therapy.
Sa pakikipaglaban sa breast cancer, sinisikap din ng mga siyentipiko na matuklasan ang
proseso ng metastasis, labanan ang mga cancer cell na hindi napapatay ng gamot,
kontrolin ang mga signal ng pagdami ng selula, at ibagay ang paggamot sa uri ng tumor.
Pero sa panahon natin ngayon, hindi talaga mawawala ang sakit at patuloy na
mamamatay ang mga tao. (Roma 5:12) Tanging ang Maylalang ang maaaring bumago sa
ating masaklap na kalagayan. Pero gagawin ba niya iyon? Ang sagot ng Bibliya ay oo!
4. Sinasabi nito na darating ang panahon na “walang sinumang tumatahan ang magsasabi:
„Ako ay may sakit.‟”* (Isaias 33:24) Kaylaking ginhawa niyan!
[Mga Talababa]
Binago ang ilang pangalan.
Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot.
Bihira lang ang breast cancer sa mga lalaki.
Mas detalyadong tinatalakay ang pangakong ito sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng
Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 24, 25]
MGA SENYALES NA DAPAT BANTAYAN
Mahalagang matuklasan agad ang kanser. Pero ipinakikita ng ilang pag-aaral na maaaring
hindi gaanong tumpak ang mga breast exam at mammogram sa mas bata pang
kababaihan, anupat nauuwi lang ito sa di-kinakailangang paggamot at kabalisahan.
Gayunman, hinihimok ng mga eksperto ang kababaihan na maging alisto sa mga
pagbabago sa kanilang suso at lymph node. Narito ang ilang senyales na dapat bantayan:
● Bukol o anumang matigas na nasasalat sa kilikili o suso
● Anumang lumalabas sa utong maliban sa gatas
● Anumang pagbabago sa kulay o hilatsa ng balat
● Abnormal na paglubog o pangingirot ng utong
[Kahon sa pahina 25]
KUNG MA-DIAGNOSE NA MAY BREAST CANCER KA
● Asahan na isang taon o higit pa ang gamutan at paggaling.
● Kung posible, pumili ng mahusay na doktor na rerespeto sa mga paniniwala at
pangangailangan mo.
● Kasama ng iyong pamilya, magpasiya kung kanino mo ipaaalam, at kung kailan. Sa gayo‟y
magkakaroon ng pagkakataon ang mga kaibigan mo na ipakita ang pagmamahal sa iyo at
manalangin kasama mo at para sa iyo.—1 Juan 3:18.
● Para mabawasan ang kabalisahan, magbasa ng Bibliya, manalangin, at magbulay-bulay ng
positibong mga bagay.—Roma 15:4; Filipos 4:6, 7.
● Makipag-usap sa ibang nagka-breast cancer at sa mga makapagpapatibay sa iyo.—
2 Corinto 1:7.
5. ● Sikaping magpokus sa sitwasyon ngayon, at hindi sa kinabukasan. “Huwag kayong
mabalisa tungkol sa susunod na araw,” ang sabi ni Jesus, “sapagkat ang susunod na araw
ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan.”—Mateo 6:34.
● Huwag ubusin ang lakas mo. Kailangan mo ng sapat na pahinga.
[Kahon/Larawan sa pahina 26]
PAKIKIPAG-USAP SA IYONG DOKTOR
● Alamin ang karaniwang mga termino tungkol sa breast cancer.
● Bago pumunta sa doktor, ilista ang mga tanong mo, at magpasama sa iyong asawa o
kaibigan para tulungan kang kumuha ng nota.
● Kung may sabihin ang doktor na hindi mo maintindihan, hilingin sa kaniya na ipaliwanag ito.
● Tanungin ang doktor mo kung gaano karami nang kaso na katulad ng sa iyo ang
nahawakan niya.
● Kung posible, hingin ang opinyon ng isa pang doktor.
● Kung magkaiba ang opinyon ng mga doktor, tingnan kung sino sa kanila ang mas
makaranasan. Hilingin sa kanila na pag-usapan ang kaso mo o kumonsulta ka sa iba pang
doktor.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 27]
KUNG PAANO MAKAKAYANAN ANG MGA SIDE EFFECT
Maaaring kasama sa mga side effect ng paggamot sa kanser ang pagsusuka, pagkalugas
ng buhok, namamalaging pagkapagod, kirot, pamamanhid o pakiramdam na parang may
tumutusok sa mga kamay at paa, at mga pagbabago sa balat. Ang sumusunod na mga
simpleng hakbang ay maaaring makaginhawa sa iyo:
● Kumain ng masustansiyang pagkain para lumakas ang resistensiya mo.
● Gumawa ng rekord ng energy level mo at ng reaksiyon mo sa mga pagkain.
● Tingnan kung makatutulong ang gamot, acupuncture, o masahe para maibsan ang
pagsusuka at kirot.
● Mag-ehersisyo nang katamtaman para mas sumigla ka, makontrol ang timbang mo, at
mapalakas ang iyong resistensiya.*
● Magpahinga nang madalas, pero tandaan na nakapanlalata rin ang sobrang tulog.
● Huwag hayaang manuyo ang balat mo. Magsuot ng maluluwang na damit. Maligo ng
maligamgam na tubig.
[Talababa]
6. Ang mga may kanser ay dapat munang kumonsulta sa doktor bago simulan ang isang
programa ng ehersisyo.
[Kahon sa pahina 28]
KUNG MAY KANSER ANG MAHAL MO SA BUHAY
Paano mo susuportahan ang mahal mo sa buhay na may kanser? Sundin ang payo ng
Bibliya: “Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.”
(Roma 12:15) Ipakita ang pagmamahal mo at pagmamalasakit: tumawag sa telepono,
magpadala ng liham o card, mag-e-mail, at dumalaw kahit sandali lang. Manalanging
magkasama, at magbasa ng nakaaaliw na mga teksto sa Bibliya. “Huwag banggitin ang
mga namatay sa kanser, kundi ang mga gumaling,” ang sabi ni Beryl, asawa ng isang
naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova. “Puntahan mo ang kaibigan mo at
yakapin,” ang payo ni Janice, na dating may kanser. “Kung gusto niyang pag-usapan iyon,
magkukuwento siya.” Ang asawang lalaki, lalo na, ang dapat magbigay ng katiyakan ng
kaniyang pagmamahal.
“Regular kaming nagse-set ng isang araw na hindi muna namin pag-uusapan ang kanser,”
ang sabi ni Geoff. “Ayaw ng asawa ko na lagi kaming nakapokus sa sakit niya. Kaya
gumawa kami ng iskedyul ng mga araw na hindi namin pag-uusapan ang kanser sa buong
maghapon. Sa halip, nagpopokus kami sa positibong mga bagay sa buhay. Para itong
bakasyon mula sa sakit niya.”
[Kahon sa pahina 28]
ANG SABI NILA
Tungkol sa Diyagnosis
Sharon: Biglang nagbago ang buhay ko. “Mamamatay na yata ako,” ang sabi ko.
Tungkol sa Pinakamahihirap na Sandali
Sandra: Mas matindi ang hirap ng kalooban kaysa sa mismong gamutan.
Margaret: Pagkatapos ng ikalawang gamutan, sasabihin mo, “Ayoko na.” Pero itinutuloy
mo pa rin.
Tungkol sa mga Kaibigan
Arlette: Ipinaalam namin ito sa mga kaibigan namin para maipanalangin nila kami.
Jenny: Isang ngiti lang, tango, o pagbati, masaya na ako.
Tungkol sa Mapagmahal na Asawa
Barbara: Nagpakalbo na ako bago pa maubos ang buhok ko. Ang sabi ni Colin, “Ang
ganda-ganda pala ng korte ng ulo mo!” Natawa ako.
Sandra: Magkasama kaming nanalamin. Pinagmasdan ko ang mukha ni Joe, at okey na
ako.
Sasha: Sinasabi ni Karl sa iba, “May kanser kami.”
Jenny: Hindi nagbago ang pagmamahal ni Geoff, at ang kaniyang espirituwalidad ay
matatag at nakapagpapalakas.
[Dayagram/Larawan sa pahina 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
7. Hindi sinusunod ng mga selula ng kanser ang normal na mga signal sa paglaki; sa halip,
mabilis itong dumarami at inaatake ang ibang tissue
[Dayagram]
Normal na mga selula sa daluyan ng gatas
Di-kumakalat na kanser sa daluyan ng gatas
Kumakalat na kanser sa daluyan ng gatas
[Larawan sa pahina 28]
Mahalagang bahagi ng paggamot sa kanser ang maibiging suporta ng pamilya at mga
kaibigan
Ang kanser sa suso ang nangungunang uri ng kanser sa Pilipinas. Padami ng padami ang natutuklasang
kaso nito kaya’t marami ang nababahala.
Ang mga selula ng kanser (cancer cells) ay di-pangkaraniwan. Mas mabilis na tumutubo at nahahati ang
mga ito kaysa malusog na mga selula. Maaaring maging tumor ang ibang mga selula ng kanser. Ang lahat
ng mga tumor ay lumalaki, ngunit may tumor na mas mabilis na tumubo kaysa iba. Maaaring kumalat
ang mga selula sa ibang mga bahagi ng katawan sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ang
tawag dito ay metastasis.
Maaaring matuklasan ang kanser sa suso sa pamamagitan ng mammogram, kapag nakakapa ang isang
babae ng bukol, o sa pamamagitan ng pagsusuri ng isang doktor. Upang matuklasan ang kanser sa suso,
mahalagang: (i) Suriin buwan-buwan ang sariling mga suso. (ii) Magpasuri sa iyong doktor taun-taon,
kung ikaw ay lampas 40. Ang mga pagsusuri ay mas madalang para sa mga naka-babata.
Ang mga suso ng isang babae ay maaaring maging mas matigas at mabukol bago mag-menopause. Mas
kakaunti ang estrogen ng isang babae pagkatapos ng menopause, kung kaya’t ang mga suso nito ay mas
malambot at hindi masyadong mabukol. Ang matigas at mabukol na himaymay ay maaaring magtago ng
maliit na bukol na mahirap makapa. Sa pamamagitan ng buwan-buwang pagsusuri ng iyong mga suso,
magiging pamilyar ka sa iyong himaymay ng suso at makakapansin ng mga pagbabago. Ang maliit na
mga bukol ay maaari ring matuklasan sa pamamagitan ng mammogram o habang nagpapasuri sa iyong
doktor. Ang ibang mga bukol ay sobrang liit na tanging mammogram lamang ang makatutuklas.
8. Kapag nakatuklas ng bukol, ang mammogram o ultrasound ay isinasagawa. Madalas na ginagawa ang
biopsy upang malaman kung ang bukol ay kanser. Kung ito ay positibo, inaalam naman ang uri nito. Ang
biopsy ay isang pamamaraan upang tanggalin ang maliit na mga piraso ng himaymay. Ang mga
muwestra ay pinasusuri sa doktor. Kapag natuklasan ang kanser sa pamamagitan ng biopsy, maaaring
magpagawa ng mas marami pang mga pagsusuri upang malaman kung ang kanser ay kumalat na sa
ibang mga bahagi ng iyong katawan.
Mga Uri ng Lunas: Base sa resulta ng iyong biopsy at uri ng kanser, ikaw at ang iyong doktor ay
magpapasiya kung ano ang pinaka-mainam na lunas. Kabilang dito ang siruhiya (surgery) upang
tanggalin ang kanser hangga’t maaari. Kapag tinanggal ang buong suso, ang tawag dito ay mastectomy.
Kapag bahagi lamang ng suso ang tinanggal, ang tawag dito ay lumpectomy. Sa parehong paraan, ang
mga lymphatic nodes sa ilalim ng kili-kili ay sinusuri kung may kanser. Maaari ka ring makipag-usap sa
iyong doktor ukol sa reconstruction surgery kung saan ang espesyalista ay bubuo ng kahawig ng tunay
na suso.
Maaari ka pa ring mangailangan ng iba pang mga lunas. Ang pagkakaroon ng mastectomy o lumpectomy
ay hindi garantiya na nawala na ang kanser sa suso sa buong katawan sapagka’t ang sobrang liit na mga
cancer cells na mahirap mahanap ay maaaring manatili sa katawan. Kaya’t 4 hanggang 6 na linggo
matapos isagawa ang lumpectomy, kadalasang sinusundan ito ng teraping radyasyon (radiation therapy)
upang gamutin ang buong suso.
Maaaring mangailangan ng lunas upang maasinta ang mga selula ng kanser na naiwan sa katawan. Ito ay
maaaring gawin bago ang operasyon upang paliitin ang tumor, o pagkatapos upang patayin ang mga
selula ng kanser na maaaring kumalat na o nanatili pa sa katawan. Ang hormone therapy ay gamot na
iniinom upang manlaban sa estrogen na nasa katawan. Ang pangkaraniwang masamang epekto ay mga
tanda ng pagmemenopause.
Ang chemotherapy ay gamot na binibigay sa pamamagitan ng paggamit ng tubong IV (sa ugat) o bilang
isang tableta. Pinapatay ng gamot na ito ang mga selula ng kanser. Ang pangkaraniwang mga masamang
epekto ay ang panghihina, paglagas ng buhok at pagkahilo. Ang mga masamang epekto na ito ay
madalas na panandalian lamang.