2. TADHANA
Tadhana rin marahil ang mahalin ka,
sa kabila ng pader na nakaharang, sinta.
Tadhana nga siguro kung ating iisipin,
kung paano natin pinuno ang bawat nating damdamin.
Ngunit ang tadhana’y tila mailap nga,
mahilig magbiro, kumitil, sumira!
Pusong umiibig, pinilit mong wasakin,
hindi na mabubuo, pilitin mang pagtagpiin.
Tadhana nga siguro ang siyang sa aki’y nagdikta,
na pag-ibig ipaglaban, huwag agad pakawalan ka.
Ngunit tadhana rin ang sayo’y pilit umaangkin,
gumawa ng mga bawal na maghihiwalay sa atin.
Kung tadhana ngang kita ay makilala,
o, sa tadhana’y di ako maniniwala pa!
Dahil kung tadhana man ang naghatid sa’yo sa akin,
tadhana rin siguro ang nagsabing ako’y iyong lisanin.
http://143decadestomercury.wordpress.com
Christopher Santillan
3. KUNG BAKIT IKAW?
Kung bakit ikaw ay hindi ko rin mawari.
Pag-ibig man nati’y hindi maaari.
Kahit ilang beses nang umiyak puso kong sawi,
ikaw at ikaw pa ri’y sa akin nagpapangiti.
Kung bakit ikaw ay mananatiling palaisipan,
sampu ng mga pader na sa ati’y nakaharang.
Kumupas man ang araw, ang bituin, at ang
buwan,
mananatiling ikaw lamang magpakailanman.
Kung bakit ikaw ay hindi ko rin masasabi.
Walang rasong mababanggit itong aking labi.
Bigyan man nila ako ng tiyansang pumili,
ikaw pa rin ang nanaisin sa araw at gabi.
Kung bakit ikaw ay walang dahilan,
dahil bigay ka sa akin ng Poong Maykapal.
Maraming salamat sa alay mong pagmamahal,
ikaw lang pangakong iibigin, ngayon at
kailanman.
http://143decadestomercury.wordpress.com
Christopher Santillan