1. Noong unang panahon, walang bagay na nabubuhay sa mga sapa, ilog, at dagat. Ang
Bathala ng karagatan ay nalungkot sapagkat alon lamang ng tubig ang kaniyang nakikitang galaw
ng galaw.
“Gagawa ako ng mga bagay na mabibigay ng buhay sa mga pampang,” nakangiting balak
ng Bathala ng Karagatan. Sa isang kisapmata ay nagkaroon ng naglalanguyang bagay sa tubig.
2. Sa unang mga araw, laging nag-aaway-away ang mga hayop na naninirahan sa tubig,
ngunit hinayaan lamang ito ni Bathala. Nang makita niyang nagkakasakitan na ang mga ito ay
nagpatawag na siya ng isang malaking pagpupulong. Itinikda niya ang pag-uusap sa pagsikat ng
araw.
Nang dumating ang takdang oras ng pagpupulong, masayang-masaya ang Bathala sa
tronong kaniyang kinauupuan sa gitnang pampang ng karagtan. Isa-isang nagdatingan ang
mga naglalayuang nilalang. Nang dumating na ang lahat ay nagsimula nang magsalita ang
Bathala ng Karagatan. “Gusto kong magkasundo-sundo kayong lahat. Naninirahan man kayo sa
sapa, ilog, o dagat, kailangang igalang ninyo ang isa’t isa.”
3. “Aba! Mas malaki po ako kaya kailangan pong galangin ako lalo na ng mga maliliit na
nilalang,” pagyayabang ni Balyena.
“Walang mas malaki sa ilalim ng tubig, Balyena. Ang paggalang ay hindi mo maaring ibatay
sa liit o laki ng isang nilalang. Ito ay nababatay sa masama o mabuting pag-uugali,” paglinaw bi
Bathala.
“Paano po ba malalaman kung kagalang-galang ang isang pag-uugali?” usisa ni Barakuda.
“Kagalang-galang ka kung ikaw ay marunong magmahal sa kapwa.”
“Kahit po ba hindi kagandahan ang iyong itsura ay dapat mahalin?” tanong ni Dalagang Bukid.
“Oo naman, Dalagang Bukid. Hindi mo makikita ang tunay na kagandahan ng isang nilalang
sa panlabas o pisikal na katangian nito dahil ito ay makikita sa puso. Magigigng kagalang-galang ka
kung ikaw ay mabait, matulungin, at may respeto sa iyong kapwa,” pagdidiin ni Bathala.
4. “Ano pa po ba ang ibang magagandang pag-uugali?” Tanong ni Hipon.
“Isa sa mga magagandang pag-uugali ay ang pagiging pantay-pantay sa lahat, walang
mataas at walang mababa. Walang nilalang na nilikha na nahuhuli o nakauungos,” pagpapaliwanag
ni Bathala.
“Kailangan po pa lang maging pantay lamang ang ating pagtingin kay Dilis at Pating. Kahit
na may kaliitan si Dilis at may kalakihan si Pating, pareho pa rin silang naninirahan sa dagat,” ani ni
Hipon.
“Dapat tandaang isa sa mga pribelihiyo ng mga dilis ay ang makapasok sa maliliit na
siwang ng mga bato, samantalang ang mga pating naman ay milya-milya ang distansyang
nalalangoy. Mayroong magagawa ang dilis na hindi makakayang gawin ni pating. Mayroong
magagawa ang pating na hindi kayang gawin ng dilis,” paliwanag ni Alamang.
Naging maganda ang naging pagpalitan ng mga kuro-kuro at opinion ng mga nasa pulong
upang lalong maging aktibo ang partisipasyon ng bawat isa, pinasimulan ni Bathalang bigyan ng
kani-kaniyang gawain ang bawat grupo batay sa kani-kaniyang mga natatanging katangian.
5. “Kayo, mga lagareng isda, ang puputol sa masasamang ugali ng mga nilalang dahil sa
inyong lagaring nguso,” ustos ni Bathala.
“Masusunod po, Bathala,” magalang na sagot ng mga lagaring isda.
“Kayo mga buwaya, ang magiging tagasigaw ng mga inuutos ko dahil sa inyong malalaking bibig,”
utos ni Bathala.
“Tinatanggap po naming, Bathala,” sagot ng mga buwaya.
“Kayo mga lumba–lumba, ang papasan sa maliit na tulya, tahong, at talaba dahil sa
inyong malalapad na katawan,” sambit ng Bathala.
“Tinatanggap po namin, Bathala,” pahayag ng mga lumba-lumba.
“At kayo, mga alimango, ang magpapanatili sa katahimikan ng ating kaharian dahil sa
inyong sandatang pang-ipit,” utos ni Bathala.
“Masusunod po, Bathala,” mabilis na sagot ng mga alimango.
6. Habang nagbibigay ng ilan pang pagtatakda si Bathala, natanaw nila ang paparating ang
pinakamapuputing mga pusit na nakasakay sa milyong gurami. Pagkaahon na pagkaahon ng mga
pusit ay nagpausad-usadang mga ito hanggang sa marating ang pintuan ng kaharian.
“Paraanin ninyo kami!” galit na sigaw ng nagmamadaling mga pusit habang hinaharang ng
mga lagaring isda. Nagpupumilit na pumasok ang mga pusit at tumatakbong papasok kaya nag usisa
si Bathala.
“Bakit kayo humahangos?”
“Nahuli kami sa pagpupulong dahil napasarap kami sa kakalangoy sa tubig. Iyang mga
lagaring isda ninyo ay ayaw kaming papasukin sa kaharian! Sobra sa yabang!” inis na kinalkal ng mga
pusit ang lupang kinakatayuan at isinawsaw ang mga nguso sa putikan. Pinag bubugahan ni Pusit ng
putik ang mga lagaring isda kaya napilitan ito magtago sa likod ni Bathala. Pumagitna ang mga
alimango upang putulin ang hindi magandang ugali ng mga pusit, muling isinawak ng mga pusit ang
mga alimango, nagtatakbo ang mga ito na siyang ikinagalit ng Bathala.
7. “Sandali! May mga gawain palang nakatakda sa inyo,” tugon ni Bathala.
“Ano ba ang ibibigay ninyo sa amin? Tiyak na maganda ang trabaho naming dahil mapuputi
kaming lahat. Makikisig ang mga anak naming lalake at magaganda ang mga anak naming babae,”
pagyayabang ni Pusit.
“Nakita ni Pusit na hawak ni Bathala ang kalatas kaya hinablot niya ito at hinanap ang
gawaing nakatalaga sa kanila. Nang Makita ni Pusit na wala silang papel na gagampanan sa kaharian
ay pinagpupunit niya ang kalatas at pinagbubuga niya ang putik sa lahat. Hindi na nakapagpigil si
Bathala at tinawag niya ang lahat ng mga alimango at ipinadakip ang mga pusit.
“Magmula ngayon, Pusit , ay hindi mo na kailangan isawak ang nguso mo sa putikan. Lagi ka
nang magkakaroon ng putik sa iyong buong katawan. Ito ay bubuga mo nang ibubuga hanggang iyong
kamatayan,” galit na sambit ni Bathala.
Sa isang iglap ay nagging kulay itim ang mga pusit na may tila tintang itim na ibinubuga. Ang
pusikit ay naging pusit sapagkat parang pusikit ang hatid ng mga pusit.