1. Buhok, Paalam
Ulo ni pare’y magtatakipsilim na
Anit tila naaalinsanganan na
Dati-rati’y tila ito may korona
Ng buhok na malago’t kulut-kulot pa
Ngayo’y impis na’t itinataboy tila
Puting balat noo’y ayaw umibabaw
Unti-unting naaaninag, dumudungaw
Pilit inaabot liwanag ng tala
Mga puyo’y unti-unting nabubura
Mistulang lumilipas at nawawala
Nang di napapansin, di namamalayan
Dinala ng hangin tungo sa karimlan?
Hinding-hindi, aking mga kaibigan,
Malagong tubong dait’y pagpupugaran
Ngayo’y tila sumpa na ng kalikasan
Kaingin na maaari nang iwanan
Palaruan kaya ng mumunting ibong
Pakpak na simula pa lamang yumabong
Maaari rin kayang magbigay-sinag
Sa pusikit na gabing walang liwanag?
Dating barkada ng natitirang hibla’y
Mauulila, kaawaawang suklay
Dati-rati’y naiiwan pa sa unan
Bukas-makalawa’y di maglalaglagan
Dahan-dahan mang ang hati’y naglalaho
Mga pagitan ng tubo’y naglalayo.
Anit na kaytagal na ayaw lumitaw
Di na rin maikubli’t nangingibabaw.
Buhok na naglilo, di na nagpaalam
Kaytagal inaruga’t inalagaan
Ba’t apuradong lumayo sa kaibigan
At iwan na ang dating napuputungan?
Resty Maglalang
(Sinimulan 2002 at natapos 2009)