Skip to main content
Cagayan Valley Region  (Region II)
Mga Lalawigan
Batanes
Cagayan
Isabela
Nueva Vizcaya
Quirino
TOPOGRAPIYA Binubuo ng mga pulo at mababang lupa ang rehiyon.  Sinasabing ang mga pulo ng  Batanes  ay nabuo mula sa mga bulkan.  Ang mga pulo ng Batanes ay naliligid ng malawak na katubigan kung saan nagtatagpo ang tubig ng Pacific Ocean at South China Sea.  Hindi rin pantay-pantay ang lupain ng lalawigan.  Halos kalahati nito ay matatarik na bundok at burol at malalalim na bangin tulad ng makikita sa Sabtang Island.  May mabababang burol at patag na lupa sa Itbayat.  Pinakamalawak ang kapatagan sa pulo ng Batan.  May mga baybaying-dagat na mabuhangin at mayroon ding mabato.
Ang lalawigan ng Cagayan ay nasa ibabang lunas na dinadaluyan ng Cagayan River.  Ang silangang baybayin ay maburol at mabundok dahil dumadaan dito ang kabundukan ng  Sierra Madre.   Ang baybayin sa hilaga ay mababa at binubuo ng mga latian.  Ang kanluran ay maaaring mabundok, mababa, at may mga latian din.  Ang Lambak ay nasa pagitan ng mabababang bundok ng Isabela.  Nagsisimula ang lalawigan sa paanan ng  Cordillera Mountains  sa kanluran hanggang sa paanan ng Sierra Madre Mountains.  Ang silangang bahagi ay di pantay a magubat,  Ang kanlurang bahagi ay malawak na lambak at natutubigan ng Magat River at Cagayan River
Maituturing na daanan papasok sa Cagayan Valley region ang Nueva Vizcaya.  Naliligid ng mga bundok sa tatlong lugar ang lalawigan – ang Sierra Madre sa silangan, ang Caraballo sa timog, at ang Cordillera sa kanluran.  Ang ibang bahagi ay mababang burol, lambak, at kapatagan.  Mga sanga ng Magat River ang dumadaloy sa lalawigan.  Mabundok din ang Quirino.  Mga 80% ng lalawigan ay mga bundok ng nagdurugtong sa Sierra Madre Mountains, at Palaki-Mamparang Mountains.
KLIMA Kagaya ng iba pang rehiyon sa hilagang Luzon, tuyo ang klima mula Nobyembre hanggang Abril.  Sa ibang mga buwan, pantay ang lakas ng ulan.  Sa Batanes ay malamig at mahangin.  Madalas daanan ng bagyo ang Batanes kaya’t mababa at yari sa bato ang mga bahay roon
MGA TAO Marami sa mga naninirahan sa Region II ay mga dayuhan mula sa kalapit na mga rehiyon.  Matatagpuan dito ang mga Tagalog at Ilokanong naakit lumipat dahil sa saganang troso sa rehiyon.  Tahanan din ng iba’t ibang pangkat etniko ang rehiyon, tulad ng mga  Ivatan  sa Batanes, ng mga  Gaddang  at  Ibanag  sa Cagayan, Isabela, at Nueva Vizcaya.  May mga  Dumagat , Isneg, Ita,  Igorot , Ikalahan, at Iwak na naninirahan sa mga bundok. Karamihan sa mga taga Region II ay marunong ng wikang Ilokano at Tagalog bagama’t ginagamit pa rin nila ang kanilang sariling diyalekto tulad ng Ivatan at Ibanag.
KABUHAYAN Pagsasaka pa rin ang karaniwang hanapbuhay sa Region II.  Pangunahing produkto rito ang palay, mais, at tabako.  Masiglang industriya rin rito ang pagtrotroso, paglililok ng kahoy, at paggawa ng mga produktong yari sa yantok.  May mga maliliit ding minahan dito
TURISMO Dinarayo ng mga turista ang mga natural na atraksiyon sa rehiyon tulad ng mga kuweba, aplaya, mga baybay-dagat, at mga natural na parke.  Ilan dito ang  mga kuweba ng Callao  sa Peñablanca, Cagayan.  Ang  Birhen ng Piat  sa Cagayan ay dinarayo rin ng mga debotong Katoliko