Your SlideShare is downloading. ×

Hibik ng pilipinas sa inang espanya (trilogy)

2,498

Published on

Published in: Education
0 Comments
0 Likes
Statistics
Notes
  • Be the first to comment

  • Be the first to like this

No Downloads
Views
Total Views
2,498
On Slideshare
0
From Embeds
0
Number of Embeds
0
Actions
Shares
0
Downloads
71
Comments
0
Likes
0
Embeds 0
No embeds

Report content
Flagged as inappropriate Flag as inappropriate
Flag as inappropriate

Select your reason for flagging this presentation as inappropriate.

Cancel
No notes for slide

Transcript

  • 1. Dennimar O. Domingo 2nd year/BSBA-Marketing Management Panitikang Pilipino/TTh 12:30-2:00 Prof. Violeta Dulatre Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya niHermenegildo Flores Inang mapag-ampon, Espanyang marilag, nasaan ang iyong pagtingin sa anak? akong iyong bunsong abang Pilipinas tingni't sa dalita’y di na makaiwas. Ang dulo’y marami sa mga anak ko ang di makabayad sa mga impuwesto sa gayong katataas ng mga rekargo pagka’t kailangan naman ng estado. Ang mga anak kong sa iyo’y gumigiliw, sa pagmamalasakit ng dahil sa akin; ngayo’y inuusig at di pagitawin ng mga prayleng kaaway mong lihim. Sa bagay na iyan, ang mga mahirap na walang pagkunan ng dapat ibayad, sa takot sa Sibil, aalis ngang agad, iiwan ang baya’t tutunguhi’y gubat. Sa bawat nasa mong kagaling-galingan, ayaw ng prayleng ako’y makinabang, sa mga anak ko’y ang ibig lamang isip ay bulagin, ang bibig ay takpan. Dito pipigain naman ang maiiwan, na di makalayo sa loob ng bayan, siyang pipiliting magbayad ng utang kahima’t wala ng sukat na pagkunan. Nang di maisigaw ang santong matuwid na laban sa madla nilang ninanais palibhasa'y wala silang iniisip kundi ang yumaman at magdaya ng dibdib. Maghanapbuhay ma’y anong makikita wala nang salapi, ibayad ang iba pagkat naubos nang hititin ng kura sa pamamagitan ng piyesta’t iba pa. Sa pagpapalago ng kanilang yaman bendita't bendisyon lamang ang puhunan, induluhensiya't iba't ibang bahay ng mga sagrado naman ang kalakal. Sa limit ng mga piyesta’t mga kasayahan ay walang ginhawang napala ang bayan kundi ang maubos ang pinagsikapang sa buhay ng tao’y lalong kailangan. Sapagkat anumang bilhin sa kanila, kaya namamahal, dahil sa bendita, kahit anong gawin pag may halong kanta ay higit sa pagod ang hininging upa. Ang kapalaluang paggugol ng pilak nang dahil sa pyesta ay di nag-aakyat sa langit, kundi ang santong pagliyag ng puso ang siya lamang hinahanap. Ibig ng simbaha't kumbentong marikit organo't kampana aranyang nagsabit; damasko't iba pa, datapwa't pawis ng bayan kukunin, mahirap mang kahit. Niyong an gating Amang hindi madadaya sa inam ng pyesta at lagi ang ganda, sapagkat ang ating gawang masasama ay di mangyayaring bayaran ng tuwa. Ani sa asyenda't kita sa simbahan sa minsang mapasok sa mga sisidlan ng mga kumbento'y di na malilitaw kaya naghihirap, balang masakupan. Ibigin ang Diyos nang higit sa lahat at ito ang siyang lalong nararapat ngunit ang prayle’y walang hinahangad kungdi magpalalo’t ang baya’y maghirap.
  • 2. Ang pangako nila sa mga anak ko ay magbigay lamang sa mga kumbento ng kuwalta’y sa langit naman patutungo at ligtas sa madlang panganib sa mundo. Gayunmay’y ako pa ang siyang masama kung aking idaing yaring pagkaaba, sarisaring dusa nama’y nagbabala sa balang dumamay sa aking pagluha. Saka sasabihing ang kanilang aral ay utis ni Kristong dapat na igalang bago hindi’y gayo’t kauna-unahang lumalabag sila sa Poong Maykapal. Yamang may hustisyang hindi humihibik kung dili sa balang ayon sa makatuwid sa di natutulog na awa ng langit ipauubaya yaring pagkaamis. Ang mga anak ko’y turuan nga lamang ng balak-balaking dapat matutuhan kahima’t maubos ang lahat ng yaman kikilanlin ko pang darakilang utang. Ngunit hindi kaya ngatngatin ng pula ng ibang potensya sa balat ng lupa ang kamahalan mo kung mapag-unawang sa anak ay inang tunay ang dumusta? Dapwa’y sa akin ang daya at pag-api ang siyang nakayang pawing iginanti, kaya hanggang ngayon sa ikabubuti ng kalagayan ko’y wala pang masabi. Hanggang ditoina’t ang bahala’y ikaw dangal mo’y tanghalin ng sansinukuban ang pagkakasundo ng lahat mong kawal ay lumagi nawa sa kapayapaan. Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas niMarcelo H. Del Pilar Puso ko’y nahambal ng aking marinig bunso, ang taghoy mo’t mapighating hibik, wala ka, anak kong, sariling hinagpis na hindi karamay ang in among ibig. Sarisaring kalap na sakdal ng tibay sakdal ng la-laki sa dikit ay sakdal; hindi makikita sa sangdaigdigan, ngunit sa budok mo’y nangagkalat lamang. Wala kang dalita, walang sa kahirapan na tinitiis kang di ko dinaramdam: ang buhay mo’y bunga niring pagmamahal, ang kadustaan mo’y aking kadustaan. Ang asupre’t tingga, ang tanso at bakal ang ginto at pilak ay nangahuhukay sa mga lupa mo’t sa dagatan nama’y sarisaring perlas ang matatagpuan. Pagsilang mo, bunso, sa sangmaliwanag nang panahong ako’y di pa nagsasalat walang inadhika ang in among liyag kundi puspusin ka ng ginhawa’t galak. Tantong naliligid ang mga lupa mo ng dagat ng China’t dagat Pacifico balang mangangalakal sa buong sangmundo pawang naakit dumalaw sa iyo. Sa awa ng langit ikaw ay sagana ng sukat iyamang malalagong lupa, lahat ng pananim wala mang alaga sa kaparangan mo’y tumutubong kusa. Talaga nga manding ikaw ang hantungan ng sa ibang nasyong sinimpang puhunan; ikaw nga’t di iba dapat makinabang nang yaman sa iyo’y gawad ng Maykapal. Ang tabako’t kape, palay, tina’t bulak abaka at tubo’y kailangang lahat, sa mga lupa mo’y tantong naggugubat itong sa sangmundo’y hirap mahagilap. Sa gayo’y kailangan mata mo’y mamulat isip ay gisingi’t nang makatalastas ng sukat asaliing ipagkakapalad sa buhay na ito’t nang di ka maghirap.
  • 3. Akong iyong ina’y taga-tupad bilang ng mga tadhana ng Poong Maykapal, ipinaiwi ka’t ang hangad ko lamang musmos na isip mo’y sakiting aralan. Sa abang-aba ko’t laking kamalian! laking pagkasawi! laking kadustahan! ng ipagpabaya sa kapahamakan, ang dapat mahaling usbong niring buhay. Ituro sa iyo ang utang na loob sa nagkakandiling maawaing Diyos; matuto ka namang sumamba’t umirog, puso mo sa kanya’y huwag makalimot. Ngayon ko nga lamang, bunso, natalastas na ang nangaaba at kinulang palad ay pawing mabait, pawing nagsisikap dangal ta’t katwira’y igalang ng lahat. At para mo na ngang pasalamat bilang, makapagtanggol ka sa kapanahunan ng aring tinamo’t maapamahalaan tapat na paggamit ng santong katwiran. Prayle’y napoot sa magandang nais ng sa ati’y tapat kung magmalasakit ngayon ko natanto, ngayon ko nabatid ang kandili niya’y bagkus panggagahis, Ang tagapagturo’y pinakapili ko, hinirang sa lalong mabait na tao; ako’y nabighani’t umaasang totoo sa may sinumpaang mahigpit na boto. Sa kayamanan mo’y sila ang sumamsam ngalan pa ng Diyos ang sinasangkalan at dinadaya kang di mo raw kakamtam ang langit kung hindi sila ang bayaran. Ang lahat ng prayle ay may sinumpaan sa harap ng Diyos, na anaki’y tunay, na ito raw mundo’y kusang tatalikdan, kusang tumatangi sa lahat ng yaman. Di ka raw titingnan ngMahal na Birhen kung di ka bumili ng sintas at kalmen; pag hindi mainam ang pagpapalibing ang harap ng Diyos, hindi sasapitin. Saan di nga baga, bunsong ginigiliw; prayle ang siyang aking hihirangin na tagapag-iwi blang taga-tingin sa iyo’t nang di ka baga pagliluhin. Sa paniniwala ng mga anak mo, maraming naghirap, at nasa kombento ang kanilang yama’t sila’y ingkilino na namumuwisan sa paring natuto. Mahigit na ngayon tatlong daan taon na iniiwi kang prayle ang may kandong; katiwala akong sa gayong panahon ang isip mo’t yaman nama’y yumayabong. Ang lupang nilawag at pinaghirapan ng magulang nila’t mga kanunuan ngayo’y asyenda na’t nahulog sa kamay ng hindi nagpagod at di namuhunan. Katiwala akong nagpapanuto ka sa landas ng iyong sukat iginhawa; katiwala akong dangal mo’t ligaya ngayo’y tinatanghal na walang balisa. Ang laki at higpit sa pana-panahon ng pagpapabuwis ay sulung ng sulong, makasingil lamang ay di nililingon hirap ng magsaka;t pawis na ginugol. Tatlong sacerdote ang ipinabitay, bukod sa maraming pinahihirapan, at dili umano’y nakapipigil daw ng iyong ligaya, bunsong minamahal. Salapi at pagod ng nagsisibuwis ay walang katumbas kung di ang maghapis, tanghaling sagana ang hindi nagpawis, maibaon sa utang at tumangis-tangis. Hindi ko inino’t ang buo kong asa ay pagmamasakit ang ginawa nila, sa pagkabuhay mo’t hindi ko napunang magdarayang udyok ng masamang pita. Ang lahat ng ito’y ninanais sana ng malagyang lunas ng sinta mong ina, ngunit paanhin ko, ngayo’y matanda na, hapo na sa hirap ako’t walang kaya.
  • 4. Ang mga balitang Legazpi’t Salcedo at iba’t iba pang inaasahan ko sa pagkakalinga ng tapat sa iyo, ngayon ay wala na’t inulila tayo. Pag may mamatay na tila mayaman prayle ang aagap magpapakumpisal, at inuukilkil na ang pamanahan ng aring inumpok ay kumbento lamang. Sa nangangatirang ngao’y nabubuhay oo’t may mabait, bayani at paham; ngunit sia-sila’y nangag-iiringan di magkasundo sa anumang pakay. Hinlog, kamag-anak ay dapat limutin sa oras na iyon, siyang sasabihin, kalulwa’t yaman dapat na ihain sa prayle’t ng huwag impyerno’y sapitin. Sa ibig ng isa’y hahadlang ang iba, sa balang kuruin ay di magkaisa walang mangyayari tungol may halaga sa gayo’y paanong aasahan sila! Ang lahat ng ito’y nadaragdagan pa ng bala-balaking panilo ng kuarta kalmen, sintas, kordon, palibing, pamisa, ay pawing pandukot sa maraming bulsa. Kaya kailangan bunsong iniirog, matutong magtiis iayon ang loob, sa madlang dalita, kung ayaw kumilos ang mga anak mo sa pagkakatulog. Sa gayon nang gayo’y lumaki nga naman ang ari ng prayle’t naghirap ang bayan; mahalinhang bigla ng kapalaluan ang binalatkayong kababaang asal. Mga taga-rine, Pransuay, Alemanya at iba pang nasyon ditto sa Europa ay nangaghirap din sa prayle ng una pawang nangday, pawa ring ginaga. Diyan na naninghal, diyan na nang-api buong kataksilan ang pangyayari, ang bawa’t pinuno sa prayle ang kampi baya’y namighati sa pagkaduhagi. Kanilang nasayod lahat ng hinagpis sa paniniwala’t maling pananalig, sa prayleng nagpanggap ng taong malinis na nagpakadukaha’t nag-anyong mabait. Ganda ng babae, ang dunong ang yaman ay nagiging sanhi ng kapahamakan, walang sumaklolong may kapangyarihan sa kualita’t nayuko baras ng katwiran. Bayan, palibhsang marunong mahabag, ay nahambal ngani sa nakitang hirap, ang prayle’y kinandong, pinuspos ng lingap, ang mga kumbento’y sumaganang lahat. Ang balang magsabi, ang balang mag-isip ng magpaaninaw ng santong matuwid, walang nararating kungdi ang maamis luha’y patuluin hanggang sa mainis. Prayle’y hindi naman nagpapahalata daddaga’t dagdagan pag-aanyong aba, hindi napapansin lihim nilang banta na ang namamaya’y kanilang mapiga. Sapagka’t ang balang mapaghinalaan na sa hangad nila’y di maaasahan ay ipapahuli at pararatangan ng salang dakila’t madlang kataksilan. Sapagkat ang prayle’y hindi kaparis nitong mga Paring itim kung manumit, ang prayle ay anak sa bundok at yungib ng mga magulang na napakagipit. At sa bilanggua’y agad kukulungin sa gutom at uhaw ay papipitiin, ang lamig ng lupa’y siyang babanigin ng sa kanyang baya’y natutuong gumiliw. Hindi tutulutang magtamong liwanag sa araw at gabi ay kahabag-habag kung hapong-hapo na sa gayong paghirap ay paaamining siya nga’y nagsukab. Anak sa dalagita’y buong pagsasalat walang nalalamang gawaing paghahanap kaya kailangang tuyuin ang lahat upang manariwa ang sariling balat.
  • 5. May ipinapangaw ang dalawang paa kamay at katawa’y gagapusin muna, saka tatapatan ang sakong ng baga hanggang di umamin sa paratang nila. Lalaki’t, babae, matanda at bata, ngayo’y manalangin, sa langit paawa, ang santong matwid sa kusang dinusta ay ibangon nati’t Diyos ang bahala. At kung masunod na ang kanilang nasa umamin sa sala ang lipos-dalita tali nang kasunod, parusa’y ilalagda sa martir ng prayle’t mapapanganyaya. Kanilang nilusob ang mga kombento, prayle’y inusig pinutlan ng ulo, ang balang makitang prayleng nakatakbo kung hindi barilin, kanilang binato. Ang parusa noo’y samsamin ang yaman Saka unti-unting alisan ng buhay; Idaraan muna sa isang simbahan Ang kinulang-palad . . . at saka sisigan. Higanti ng baya’y kakila-kilabot walang pagsiyahan ang kanilang poot, ang mga kombento’y kanilang sinunog inuring pugad ng masamang hayop. Sa gitna ng plasa ay may nakahanda na naglalalagablab na malaking siga, diyan igagatong sa harap ng madla ang sa kanyang baya’y ibig kumalinga. Taghoy ng sinigan at madlang kaharap luha ng magulang, hinlog, kamag-anak pagtangis ng madla ay walang katapat kundi ang sa prayleng tawa at halakhak. Prayle’y nanglalaban, ngunit lalin kaya sa galit ng bayan ang magiging kuta! ang payapang dagat, pasiyang nagbala ay walang bayaning makasasansala Yutang-yutang tao ang nanguuyam ng panahong yaon sa gayong paraan, ang payapa’t aliw noon ay pumanaw nalipos ng luksa libo-libong bayan. ang yaman nasamsam, buhay na nakitil ay di babahagya’t noo’y walng tigil, ang sipag ng pralye sa gawaing magtaksil. magsabog ng dusa, gutom at hilahil. Ano pa nga’t noon ay kulang na lamang Ang nangaulila’y magpapatiwakal; Niloob ng langit, nanangagsangguinian at nangagkaisang sila’y magdamayan. Diyata nga kaya, ang winika nila, at wala nang lunas sa ganitong dusa? diyata nga baga’t itong binabata sa inaanak nati’y ipapamana pa? Huwag magkagayo’t yayamang namalas, na sa daang ito’y nasubyang ang landas, ay hawanin nating, sakitin ng lahat, ilayo ang madla sa pagkapahamak. Yaong bayang supil, dating mahinahon, dating mapagtiis, at mapagpasahol, inunos ng dusa’t malalaking alon ng paghihiganti noo’y luminggatong. Walang nakapigil, walang nakasangga, palibhasa’y bayan ang magpaparusa ang mga pinuno’y nawalan ng kaya, umayon sa baya’t nang di mapag-isa. Kaya nga bunso ko’t magpahangga ngayon ang Prayleng lumakad sa kanilang nayon, kahit na bata ay nagsisipukol inu-using nilang parang asong ulol. Sa paraang ito, bunsong minamahal, ang dating dinusta’y makatighaw-tighaw; ang prayle’y lumayas, iniwan ang bayan at muling naghari ang kapayapaan. Ngunit hindi naman ako nagpapayo ang ganoong paraan baga’y asalin mo, ako’y walang sukat na maisaklolo, kaya katitii, magtiis, bunso ko. Walang natimawa sa pagka-duhagi, na di namumuhunan ng pamamayani; kung hindi mo kayang prayle’y iwaksi magtiis ka, irog, sa palad mong imbi.
  • 6. Ang mga anak mo’y nangagugupiling, sa dusting lagay mo’y di nahihilahil, magdarayang hibo ng kaaway na lihim siiyang diniringig, luha mo’y di pansin. Diyata ay sino ang dapat mag-adya sa iyo, bunso ko, kung hindi nga sila? kung sa mga anak mo’y di makaaasa, walang daan, irog, kundi ang magbata. Ang araw na sila’y magka-isang loob at mangagkagising sa pagkakatulog; ang araw na iyan, ang araw ng Diyos baya’y maniningil . . . Sino ang sasagot? Kailangan bunsong, sila’y mahirati sa pagmamasakit sa bayang sarili: Kay Rizal na librong pamagat ay Noli . . . huwag lilimuting ganito ang sabi: “Panaho’y matamis sa tinubuan bayan “at pawang panglugod ang balang matanaw, “ang simoy sa bukid ay panghatid buhay, “tapat ang pag-irog, subalit ang namatay.” Alinsunod dito’y aling hirap kaya ang sukat indahin sa pagka-kalinga, sa sariling baya’t upang matimawa, sa madlang pahirap at sumapayapa? Ang lahat mong anak, ginhawa’t dukha man, maging taga bukid, maging taga bayan, lalaki’t babae, pantas man at mangmang, santong matwid mo’y dapat ipatanghal. Walang iba, bunso, na dapat hiliin sila ng sa iyo’y tapat na pagtingin: ang pagpapabaya’y pananagutan din, sa harap ng Diyos sila’y sisisihin. Mapanglaw na sumpa ng Poong May-kapal, sa tamad na puso ay kalumbay-lumbay “kayong nagpabaya sa sariling bayan, “anya’y dapat naming Aking pabayaan!” Ilayo ng langit sa ganitong sumpa ang mga anak mo, bunsong minumutya: sa iyo’y matuto ng pagkakalinga matutong umampat ng iyong pagluha. Ito na nga lamang ang maisasagot ng salantang ina sa hibik mo, irog; sasakyan mo’y gipo, huwag matutulog ang mga anak mo’t masigwa sa laot.
  • 7. Katapusang Hibik ng Pilipinas niAndres Bonifacio Sumikat na Ina sa sinisilangan ang araw ng poot ng Katagalugan, tatlong daang taong aming iningatan sa dagat ng dusa ng karalitaan. Bukod pa sa rito'y ang mga iba pa, huwag nang saysayin, O Inang Espanya, sunod kaming lahat hanggang may hininga, Tagalog di'y siyang minamasama pa. Walang isinuhay kaming iyong anak sa bagyong masasal ng dalita't hirap; iisa ang puso nitong Pilipinas at ikaw ay di na Ina naming lahat. Ikaw nga, O Inang pabaya't sukaban, kami'y di na iyo saan man humanggan, ihanda mo, Ina, ang paglilibingan sa mawawakawak na maraming bangkay. Sa kapuwa Ina'y wala kang kaparis... ang layaw ng anak: dalita't pasakit; pag nagpatirapang sa iyo'y humibik, lunas na gamot mo ay kasakit-sakit. Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog ang barila't kanyong katulad ay kulog, ang sigwang masasal sa dugong aagos ng kanilang bala na magpapamook. Gapusing mahigpit ang mga Tagalog, hinain sa sikad, kulata at suntok, makinahi't biting parang isang hayop; ito baga, Ina, ang iyong pag-irog? Di na kailangan sa iyo ng awa ng mga Tagalog, O Inang kuhila, paraiso namin ang kami'y mapuksa, langit mo naman ang kami'y madusta. Ipabilanggo mo't sa dagat itapon; barilin, lasunin, nang kami'y malipol. Sa aming Tagalog, ito baga'y hatol Inang mahabagin, sa lahat ng kampon? Paalam na Ina, itong Pilipinas, paalam na Ina, itong nasa hirap, paalam, paalam, Inang walang habag, paalam na ngayon, katapusang tawag. Aming tinitiis hanggang sa mamatay; bangkay nang mistula'y ayaw pang tigilan, kaya kung ihulog sa mga libingan, linsad na ang buto't lumuray ang laman. Wala nang namamana itong Pilipinas na layaw sa Ina kundi pawang hirap; tiis ay pasulong, patente'y nagkalat, rekargo't impuwesto'y nagsala-salabat. Sarisaring silo sa ami'y inisip, kasabay ng utos na tuparing pilit, may sa alumbrado---kaya kaming tikis, kahit isang ilaw ay walang masilip. Ang lupa at buhay na tinatahanan, bukid at tubigang kalawak-lawakan, at gayon din pati ng mga halaman, sa paring Kastila ay binubuwisan.

×